Kumbakit Hindi Nagbabasa ang mga Filipino – ng Akdang Filipino!

Tatlong bagay ang hindi ko na tatalakayin sa post kong ito: kolonyalismo, edukasyon at ekonomiya. Mabuting bawasan natin ang mga pwede nating sisihin sa ating sitwasyon ngayon. Iisipin ko na lang muna na unti-unti na nating naiisafilipino ang ating kamalayan at isa na lang minorya ang mga maka-Ingles; na nagiging makabayan o maka-Filipino na ang polisiya ng ating edukasyon; at sa wakas, bumubuti na ang lagay ng ating ekonomiya at may extrang perang pambili ng libro ang ating mga kababayan. Gusto ko ring linawin bago ako magpatuloy na lahat ng bagay ay may eksepsyon.

Bagamat labas na sa usapan ang ekonomiya, uuriin ko pa rin ang ating lipunan sa dalawa: ang nakaluluwag at ang nagigipit. Syempre, ang nakaluluwag, laging may pambili ng libro. Ang nagigipit naman, nakabibili rin, pero tuwing bilog lang ang buwan siguro (dahil isang kabaliwang gipit ka na nga, may gana ka pang bumili ng libro). Dapat lang na malinaw sa ating lahat – na hindi naman talaga mahalagang requirement para mabuhay ang pagbabasa. Tayo lang mga manunulat ang may malalim na pagpapahalaga sa gawaing ito. Libangan lang ito para sa karamihan, lalo na sa mga Filipino, at kumpara sa showbiz at Internet, hindi ito ang pangunahing libangan ng mga tao. Kung hindi ka naniniwala, pakikiusapan ko ang katabi mo na batukan ka.

Kung ang pag-uusapan ay paglikha at pagkamalikhain, wala tayong problema. Masisipag at magagaling ang ating mga manunulat. Kahit walang magbasa, magsusulat pa rin tayo. Uulitin ko uli ang sinabi ni Cirilo Bautista, “Huwag mong problemahin ang mambabasa… ang trabaho natin ay magsulat.” Kung gayon, sino’ng dapat mamroblema sa mambabasa? Baka ang pablisyer? O kaya ang titser? O kaya ang nanay mo? Babaguhin ko nang kaunti ang sinabi ni Bautista, sa pamamagitan naman ng sinabi ng isang bookseller kay Efren Abueg: “Hindi mo trabaho ang magbenta!”

Dahil karamihan naman sa bansang ito ay may pinag-aralan, kahit paano may binabasa pa rin ang mga Filipino. Ano-ano kaya ang bibilhin ng nakaluluwag at nagigipit nating mga kababayan pagpasok nila sa bukstor? Magmumungkahi ako ng tiglilima (ikaw na ang bahala sa iba) base sa kanilang gusto.

Nakaluluwag:
1. Bestsellers
2. Spiritual, Inspirational
3. Pop Culture, Lifestyle: interior design, cook books
4. Professional, Career
5. Children’s Books, Parenting

Nagigipit:
1. Teksbuk
2. Book sale: Bestsellers, Paperbacks, Romance Novels
3. Jokes, Popular Quotes
4. Komiks, Pinoy Romances
5. Murang Magasin: showbiz, sports, agri, small business

Sa “popular search terms” sa websayt ng National Book Store habang sinusulat ko ito, kung tama ang pagkakatingin ko, si Bob Ong, ang Pugad Baboy at si Jose Rizal lang ang lokal na aytem na hinahanap ng mga mambabasa. Malamang, sa mismong tindahan, ganito rin ang nangyayari. Kaya siguro hindi maglaan ng malaki-laking espasyo para sa mga awtor natin ang may-ari ng NBS, kasi hindi naman sila mabenta.

Kailan ba nabibili ang mga akda ng Filipinong awtor? Narito ang ilang karaniwang sagot:
1. Sabi ni titser.
2. Nakakatawa!
3. Kakilala ko, writer din kasi ako.
4. Binabasa kasi ng iba.
5. Curious lang…

Katunayan, heto ang isang “extremely informal, unscientific, arbitrary survey of our readers’ favorite books from 2011-2012” mula sa websayt ni Jessica Zafra:

  • A Dance With Dragons by George R.R. Martin
  • This Is How You Lose Her by Junot Diaz
  • The Sense Of An Ending by Julian Barnes
  • The Art of Fielding by Chad Harbach
  • Casual Vacancy by J.K. Rowling
  • 1Q84 by Haruki Murakami
  • Gone Girl by Gillian Flynn
  • 11/22/63 by Stephen King
  • Zone One by Colson Whitehead
  • At Last by Edward St. Aubyn
  • The Stranger’s Child by Alan Hollinghurst
  • Telegraph Avenue by Michael Chabon
  • Bring Up The Bodies by Hilary Mantel
  • Miss Peregrine’s Home for Peculiar Children by Ransom Riggs

Ni walang Pinoy ha, kahit isa!

Kahit paano man natin paikut-ikutin ang usapan, obviously, hindi inuunang bilhin ng mga Filipino ang mga akdang Filipino. Naekisan ko na ang kaisipang kolonyal, maling edukasyon at kawalan ng kakayahang bumili sa mga dahilan. Kaya isa na lang ang pwede kong pagbintangan–ang mismong mga obra ng mga manunulat natin… Sa palagay mo kaya, gusto ng mga kababayan natin ang sinusulat ng ating mga manunulat? (Pakisagutan sa komento)

Pwede kong hatiin sa dalawang grupo ang mga manunulat sa Pilipinas (at ito’y hindi na bago): ang mga nagsusulat sa akademya/para sa akademya at ang mga nagsusulat para sa masa o sa midya.

Sa unang grupo, kabilang dito ang mga manunulat na aral sa mga teoryang pampanitikan, pwedeng wala o nasa akademya, baka nagtuturo, nakaatend sa mga worksyap at bahagi ng mga pangunahing sirkulong pampanitikan. Sila ang karaniwang may mga librong inilathala ng mga pangunahing pablisyer sa bansa, pinag-aaralan sa mga pamantasan, at naniniwalang “sila” ang mga manunulat.

Ang ikalawang grupo ay karaniwang wala sa akademya, nagsusulat ayon sa kanilang hilig at sa popular na mga panlasa, karaniwang nalalathala sa mga dyaryo at magasin, o kaya’y sumusulat para sa ibang popular na midya gaya ng telebisyon at pelikula, at pwede ring sinasarili lang o ibinabahagi ang mga akda sa mga kaibigan sa Facebook o sa blog.

Hindi permanente ang naturang klasipikasyon para sa isang manunulat, dahil pwede naman siyang magpalit ng grupo (depende kung magpapalit din siya ng pananaw). Pwede ring ituring na ikatlong grupo ang mga nagsusulat para sa komunidad, gaya ng mga manunulat mula sa mga rehiyon, relihiyon, NGO atbp. bagamat karaniwang kombinasyon lang sila ng mga naunang grupong binanggit ko.

Anuman ang grupong kinabibilangan ng mga manunulat, nakaaapekto ito sa kanyang estilo at paksang sinusulat. Malakas ang tendency para sa unang grupo na magsulat ayon sa mga pamantayan ng mga kritiko–na siyang pangunahin nilang mambabasa, na bihirang-bihirang “katutubong panlasa” ang mga batayan. Ang “kritiko” ay pwedeng mga guro o mentor nila, at pati na ang lahat ng manunulat sa sirkulong ito. (Kapwa manunulat din ang unang bumibili ng ating mga libro.)

Maaari itong pasubalian ng kahit sino, pero ang hinala ko: hindi nagbabasa ng akdang Filipino ang mga Filipino, dahil tinatalikuran sila ng ating mga manunulat para sa ibang mambabasa. E sino pa nga ba y’on kundi mga manunulat din! Sa madaling sabi, hindi magtagpo ang gustong sulatin ng ating mga manunulat at ang gustong basahin ng ating mga mambabasa.

Kaya ang simple kong rekomendasyon: sulatin n’yo kung ano’ng ayaw ng kapwa n’yo manunulat/kritiko. Baka sakaling y’on ang gusto ng ating mga mambabasa.

PAHABOL:

Pinunto ni Juan Miguel Luz, dating education undersecretary ang implikasyon ng paggamit ng wikang Ingles sa literacy ng mga Filipino :

“THE KEY to learning is better reading skills. But this reading skill need not be confined to English only.”

“We are concerned by the decline in English proficiency of our workers. But take note that Japanese, as well as Korean, Thai, and even Malaysian workers, are not required to speak in English on the factory floor. They communicate in their own native languages and they do so with competence.”

“Because many Filipino workers are forced to work in such situations either in-country or abroad, English proficiency becomes a critical factor. But because the formal part of the language is stressed at so young an age when learning is still beginning, the ability to learn more science and math content is sacrificed. This is, in large part, why productivity among Filipino workers and managers suffers and why competitiveness, as a country trait, is low.”

“Grades 1 to 3 are critical in the child’s learning cycle (assuming no preschooling for most public schoolchildren.) At this age, the fundamentals for literacy have to be established and the start of a reading habit developed.”

(A Nation of Nonreaders ni Juan Miguel Luz)