Ang Lihim ng Ultramar ni Rhod V. Nuncio

 

Nabasa mo na ba?Medyo uneasy akong basahin ito sa simula dahil sa tagpuang La Salle na may isang panahong naging tahanan ko bilang isang kabataang guro noon. Dahil propesor doon ang awtor, pumasok sa isip ko na tila napakaalwan naman para sa kanya na gawin pang Lasalista ang sentrong tauhan ng nobela, at pati na ang ginagalawang kapaligiran. Kung mas kilala ko pa si Rhod, siguro may iba pa akong maituturong pagkakahawig sa kanyang mga karanasan, halimbawa’y ang ibang lugar na pinuntahan ni Arvin Villa, at ang kanyang mga opinyon, panlasa, tipo niyang babae atbp.

Pero ano’ng paki ko kung gusto ni Rhod sulatin ang mga y’on? Hindi naman bawal, di ba?
Bilang mambabasa, ang gusto lang nating malaman ay kung maganda, makabuluhan at sabihin pa’y kapana-panabik ang nobela, at walang kagatol-gatol na “oo” ang sagot ko. Dapat mong mabasa ang nobelang ito, ipagyabang sa mga ka-fb at bitbitin habang nakatayo sa MRT. Kung palabasa ka ng mga kwentong detektib sa Ingles, marami kang namimis kung iniisnab mo ang sarili nating literatura. Naalala ko tuloy ang “Pagkamulat ni Magdalena” nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio P. Kabulong, at ang “Satanas sa Lupa” ni Celso Al. Carunungan – NABASA MO NA BA?

Nasiyahan ako sa maiiksi ngunit solidong mga kabanata, na lahat naghahangad tuklasin ang misteryo ng Ultramar (at isipin mo, lagi iyong bumubulaga sa atin at di natin nakikilala). Nagustuhan ko ang mga tauhang hindi perpekto, ang kawalan ng interes (ng awtor) na sinuhin ang masama sa mabuti. Lahat may kapintasan, at ang nalalabi na lang sa tao (sa Filipino) ay gawin ang dapat niyang gawin, anuman y’on, kung y’on ang makakabuti!

215 pages
Inilathala 2013 ng UST Publishing House

orihinal na pamagat: Ang Lihim ng Ultramar
ISBN: 978-971-506-679-2
wika ng edisyon: Filipino

Layunin ng “NBSMoNB? Mini-rebyu ni Mano” na ipakilala sa ating mga mambabasa ang napakaraming akdang walang pagod na sinusulat ng ating mga manunulat na hindi halos nababasa sa labas ng mga pamantasan at mga sirkulong pampanitikan. Isa itong personal na panawagan sa ating mga kababayan na tangkilikin (at unahin) ang sariling literatura bago ang iba. Huwag nating hintaying magkatotoo sa atin ang sinabi ng dayuhang awtor na si Ray Bradbury na “hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.” Abangan ang mga sunod pang mini-rebyu ni Mano. Mabuhay ang panitikang Filipino!