Hunyango sa Bato ni Abdon Balde Jr.

 

Nabasa mo na ba?Una kong nabasa si Abdon “Jun” Balde noong 2006 nang maging managing editor ako ng Ani 32, isang pampanitikang publikasyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Nabasa ko ang kanyang “Mga Kuwento Mulang Kathmandu” na matutunghayan din sa huling bahagi ng kakaibang nobelang ito na Hunyango sa Bato.

Nasabi kong “kakaiba” dahil, kundi lang sa sentral na tauhan (o tila mas akmang tawaging “persona”), minsan ramdam ko’y koleksyon ng maikling kuwento at hindi nobela ang binabasa ko. Sa kabila noon, matibay ang ugnayan, kumbaga’y ang “pagkakatahi” ng mga kuwentong ito base sa mga karanasan ng isang kwentistang naging inhinyero (o inhinyerong naging kwentista) sa isang aklat na hitik na hitik sa impresyon at sinseridad ng manunulat na sabihin ang buong pangyayari. Isa iyong mundong may hinuha tayo kung ano, ngunit kailangan natin ang isang Jun Balde para ibigay ang detalye.

Ano ba ang gist ng nobelang Hunyango sa Bato? Madaling sabihing mula ito sa mga totoong karanasan ng may-akda bilang isang inhinyero. Pero tila nagsisilbing babala para sa mga mambabasa ang kuwento tungkol sa matandang saksi sa simula ng nobela. Isang bayarang testigo ang matanda, at isa ring magaling na tagapagkwento ng baryo. Tinagurian siyang “hunyango” at idolo ng tauhang nagsasalaysay sa kuwento.

Hayaan n’yong sipiin ko:

“Sana marami rin akong alam na kuwento,” sabi ko.

“Ang kuwento ay dapat kuwento ng buhay mo para laging totoo,” sabi niya. “Para hindi napapasubalian. Kasi ikaw lang talaga ang nakaranas.”

“Paano kung wala namang nangyari sa akin?” tanong ko.

“Palaging may nangyayari,” paniniyak niya. “Hindi mo lang pinapansin. Basta palaging may nangyayari. Kung hindi sa totoong buhay ay sa isip.”

Kathang isip lang ba o totoong nangyari ang lahat ng ito? Ibang klaseng kwentista ang kinauwian ni Abdon M. Balde Jr. Mas maraming karanasang nakaugat sa kanyang pinagmulan, mga lugar na napuntahan at mga katangian ng iba’t ibang taong kanyang nakilala ang masasalamin sa kanyang mga akda. Nagkukuwento siya sa labas ng mga kumbensyon at halata ang kalayaang iyon sa anyo ng kanyang pagsasalaysay. Kung interesado kang malaman kung paano ilatag ang isang tuwid na daan, o kung bakit mahirap para sa ating isakatuparan iyon  – hayaan mong himayin ni Jun Balde sa harapan mo ang sagot.

162 pages
Inilathala 2004 ng UST Publishing House.

orihinal na pamagat: Hunyango sa Bato
ISBN: 971-506-301-2
wika ng edisyon: Filipino

Layunin ng “NBSMoNB? Mini-rebyu ni Mano” na ipakilala sa ating mga mambabasa ang napakaraming akdang walang pagod na sinusulat ng ating mga manunulat na hindi halos nababasa sa labas ng mga pamantasan at mga sirkulong pampanitikan. Isa itong personal na panawagan sa ating mga kababayan na tangkilikin (at unahin) ang sariling literatura bago ang iba. Huwag nating hintaying magkatotoo sa atin ang sinabi ng dayuhang awtor na si Ray Bradbury na “hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.”