Satanas sa Lupa ni Celso Al. Carunungan

Nabasa mo na ba?Pagtanggap ng suhol, paggamit ng impluwensya, maluhong pamumuhay gamit ang pera ng bayan, extorsyon at pananakot, pag-abuso sa kapangyarihan, imoralidad, mga iligal na transaksyon… Pamilyar ba sa iyo ang mga ito?

Hindi ito tungkol sa Napoles-PDAF, DAP, NBN-ZTE deal, fertilizer, huweteng at katakutakot na scam na pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan ng ating bansa. 1971 pa unang inilathala ang nobelang ito, pero ang mga pangyayari ay totoong totoo pa rin sa ating lipunan sa kasalukuyan.

Gaya ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nagtulak kay Jose Rizal sa piitan noong 1896, ang aklat na Satanas sa Lupa naman ang dahilan ng pagdakip sa may-akda nito, kay Celso Al. Carunungan, nang mga unang araw ng Martial Law, taong 1972.

Tinunton ng nobela ang pag-akyat sa hagdanan ng politika ni Kong. Benigno Talavera, deklaradong isang “nasyonalista”, pero ang buhay naman niya’y repleksyon ng paglustay ng karamihan sa ating mga politiko sa kahulugan ng pagiging isang “public servant.” Ano nga ba’ng tingin nila sa kanilang pangungurakot — nararapat lang na kabayaran sa kanilang “services rendered,” anuman ang mga iyon?

Sensasyonal, kontrobersyal at malawakan ang korupsyong pinasok ni Benigno, at ang mga komplikasyon nito sa kanyang personal na buhay at pamilya, habang sinematik at walang pasubali ang paglalantad ni Carunungan sa nabubulok na himaymay ng ating mga institusyong politikal mula Kongreso hanggang Malakanyang.

Napakaraming mahuhusay na aklat sa ating wika gaya nito, na hindi naman nakararating sa ating publiko, kahit pa sa hanay ng mga nakapag-aral at nakaluluwag sa buhay na may pambili ng libro. Disinsana’y mga sampu man lang sa mga iyon ay nabasa ng ating mga prodyuser at naisapelikula, o ginawang teleserye, kung iyon ang kailangan para maipalaganap at mahugasan kahit konti ang nanlilimahid na nating pambansang kamalayan.

Nanghinayang na naman ako dahil siguradong marami pa ring hindi nakabasa ng nobela, kahit pa napabalitang umabot sa 30,000 ang nabentang kopya sa unang tatlong buwan mula nang ilathala ito. Wala akong balita kung may kopya pa o naimprenta uli ito mula noong 1986 matapos ang pangyayari sa EDSA (y’on daw ang rebolusyon).

May bisa ang sariling wika at literatura sa magiging hugis ng ating buhay-bansa, kaya nga may mga panahong sinisikil ang mga akdang tulad ng Satanas sa Lupa.

NABASA MO NA BA?

265 pahina
unang inilathala 1971 ni Celso Al. Carunungan
orihinal na pamagat: Satanas sa Lupa
ISBN: 9711510065
wika ng edisyon: Filipino

Layunin ng “NBSMoNB? Mini-rebyu ni Mano” na ipakilala sa ating mga mambabasa ang napakaraming akdang walang pagod na sinusulat ng ating mga manunulat na hindi halos nababasa sa labas ng mga pamantasan at mga sirkulong pampanitikan. Isa itong personal na panawagan sa ating mga kababayan na tangkilikin (at unahin) ang sariling literatura bago ang iba. Huwag nating hintaying magkatotoo sa atin ang sinabi ng dayuhang awtor na si Ray Bradbury na “hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.”