Si Cirilo

Una kong nakilala si Cirilo F. Bautista nang nag-aaral pa ako sa UST. Iyon ang ikalawang Thomasian Writers Workshop, kung hindi ako nagkakamali, sa tag-araw ng 1992. Katamtaman ang haba ng kanyang buhok na takip-tenga mula sa dekada sitenta, naglalaban ang puti at itim maging sa bigote; naka-barong na kulay krema at kulay-abong pantalon, sa kapuna-punang tindig at hakbang na tila anyo ng isang nutcracker, habang nilalandas ang koridor ng AB Bldg. patungo sa tanggapan ng dekana (na nagkataong si Ophelia Dimalanta).

Narito ang isang seryosong manunulat na walang inaksayang oras, kahanga-hanga sa pagkamabunga at sa lahat ng karangalan at papuring tinanggap niya. Nararapat siyang gawing huwaran ng sinumang gustong makalikha ng maraming obra at ng isang makabuluhang buhay-manunulat. Ang kinaroroonan niyang tugatog ay isang Everest na pangarap maakyat ng sinumang mountaineer–at hindi siya mapapakali, hindi lubos ang kanyang pagkatao, hangga’t hindi niya nararating ang ituktok niyon.

Gayon na lang ang larawan ni Cirilo sa isip ng isang manunulat, kung kaya ang bawat pagtawag o pagdalaw sa kanya ay tila isang pagsusulit–parang pagharap na nga sa Diyos. Karaniwang natatagpuan ko ang sariling tila masahol na masahol, salat na salat sa sarili kong buhay-manunulat, at nangangapa ng masasabi, ng kahit kaunting maipagmamapuri sa harap ng isang Cirilo Bautista. Gayunma’y pinapanatag din niya ang pagkabagabag na iyon, ng baha-bahagyang tawang pumapatlang sa kanyang pagsasalita, ng tila bumbilyang pagliliwanag ng kanyang mga mata, at ng alam mong pagpapakaabala niya at ng kanyang maybahay na si Rosemarie para sa iyong pagdating.

Kahit ngayong wala na ang pamosong buhok at bigote na nagpakilala kay Cirilo sa atin, at nakakamukha na siya ng isang monghe o isa sa Fu Lu Shou, naroon pa rin ang malinaw na boses na nagtuturo. Tandang-tanda ko pa nang makasabay ko siya noon isang hapon sa Booksale, Makati Cinema Square, taong 1993. Hinihintay niya noon ang paglabas ni Rosemarie sa opisina. Bumaba muna kami sa Mr. Donut at inilibre niya ako ng hot choco at chocolate twist, habang pinagkukuwentuhan namin ang mga nagdaang worksyap.

Metikuloso at istriktong panelist ang reputasyon ni Cirilo saanmang worksyap. May bias siya sa mahabang tula, nasabi niya noon. Syempre, bawi niya, meron ding magaling sa maikling tula. Sadya raw iniiwasan niyang pumuri. Gusto niyang maghintay. Gusto niyang makita muna ang katapatan ng kabataang makata. “Makalipas ba ang sampung taon, nagsusulat pa rin siya?” tanong niya.

Mas madalas ko pang makikita si Cirilo dahil sa di inasahang pagtuturo ko sa Pamantasang De la Salle pagpasok ng taong 1993. Bago ako umalis noong 1997, nabuo ko ang sariling koleksyon ng mga tula sa ilalim ng fellowship ng pamantasan. Hinanap ko siya sa kanyang klase at binigyan ng kopya para magawan niya ng blurb. Pero ilang taon din bago ko ito balikan sa kanya, nang una ko siyang puntahan sa kanyang tahanan sa kanto ng Kanlaon para ituloy ang paglalathala ng aking aklat noong 2005.

Iyon ang binabalikan ko sa alaala nang magkasama kami ni Jason Chancoco sa taxi patungo sa lugar ni Cirilo, mula sa kumperensya ng UMPIL sa UP, Agosto 30, 2014, iyong pagkakataong sinundo ako ni Cirilo sa kalye ng Mayon gamit ang bago at usong-uso noong RAV4 (na balita ko’y nabili niya mula sa isang malaking premyong napanalunan niya sa isang obra). Iginigiit ni Jason noon na CR-V raw ang kotseng gamit ni Cirilo nang minsang sunduin din sila ng makata. Magiging paksa pa naming tatlo nina Cirilo ang pagkakabenta sa dalawang kotse dahil hindi na nga siya nakakapagmaneho. Sabi ko, tinimbre n’yo sana sa amin. Sumang-ayon naman si Jason at sinabing idradrayb niya ang kotse na may nakasabit na retrato ni Cirilo sa may dasbord.

Sina Cirilo at Rosemarie

Nakahain na sa mesa ang tsaa, kape at mga tinapay na handa ni Rosemarie nang dumating kami, alas tres ng hapon. Bahagyang maalinsangan ang panahon dahil sa mga biting pag-ulan, at nagpupunas kami ng pawis nang salubungin ni Rosemarie. Naaalala ko pa ang mga aklat ni Cirilo na pawang may nakasulat na “For Rosemarie” – “Para kay Rosemarie.” Pero habang minamasdan ko silang mag-asawa sa yugtong ito, hindi ko naiwasang sumagi sa isip ko ang sariling pagtanda.

Sa pagitan ng subo at higop, ninamnam namin ni Jason ang mga usapan tungkol sa wika, sa pagkamalikhain, sa timpalak, pagtuturo, paglalathala, at hanggang sa pagtataguyod ng sarili nating literatura. Noon pa man, hindi naniniwala si Cirilo na kailangan natin ang isang wika. “Bilingual tayo,” sabi niya. “Gaano na ba kalawak ang domain ng Filipino?” Gusto kong pasimplehin ang sinasabi niya sa ganito: hindi isyu ang wika sa manunulat. Mas mahalagang pag-usapan kung gaano kahusay ginamit ang wika: Ingles, Filipino, o anuman iyon.

Tama nga siguro, lalo na kung uungkatin ang pinagmulan ni Cirilo, kung paanong mula sa isang ordinaryong buhay, umangat siya bilang isang pangunahing makata sa Ingles at maging sa Tagalog na unang wika niya. Si Cirilo na rin mismo ang naglarawan sa buhay na iyon sa kanyang mga tula, at sa kuwento niya sa akin ng panahon niya bilang estudyante, na pumapasok siyang may nakaipit na pandesal sa bulsa ng kanyang pantalon.

Gusto kong ikatwiran sa kanya na dahil sa Ingles, nauwi lang sa gawaing akademiko ang pagbabasa para sa mas maraming Pilipino, bahagi lang ng pagpasok nila sa paaralan, isang “requirement”, isang bagay na sa oras na makapagtapos ka—hindi mo na uli gagawin. Ngunit hindi ako makikipagtalo kay Cirilo sa puntong ito. Totoo namang hindi problema ng manunulat ang wika. Problema ito ng mambabasa. Nangungulit pa rin ang isip ko, ano’ng nangyari sa ating mambabasa? Hindi ba’t Ingles din ang umagaw sa kanila? Ang pumatay sa “kasiyahan” ng marami sa kanila? Dahil ang bagay na ayaw gawin ni Cirilo sa wika—ang itakda o ipagpilitan ito—ay siya namang ginagawa ng ating mga paaralan para sa Ingles.

Para sa akin, iyan ang sagot kung bakit, gaya ng obserbasyon ni Cirilo, tila inilalaan ng “pambansang bukstor” ang mga pangunahing espasyo nito sa mga akdang dayuhan. Iyan din ang sagot kung bakit sa kabila ng mga akdang Ingles na sinulat ng ating mga awtor, mas binibili ng mga nagbabasang Pilipino (kabilang na ang ating mga manunulat) ang mga prominenteng nakadispley, pinag-uusapan at karaniwa’y hyped na mga libro ng mga dayuhan na nakasulat o isinalin sa Ingles, na mas nagiging bahagi pa ng reading program ng mga paaralan sa bansa. Para sa iba, ang pagbili ng mga akdang Filipino–kahit pa nakasulat ito sa Ingles, ay isang konsolasyon lamang sa kanilang pagka-Filipino.

Sabi ko, pagbalik ko, kung maaari’y isama ko ang aking mag-ina, at kukuhanan ko ng retrato ang anak ko sa tabi ni Cirilo. Para kung magiging manunulat din siya, isa iyon sa magiging pinakamahalaga niyang pag-aari, na tiyak kong ipagmamalaki niya sa kanyang mga kaibigan.

Napangiti si Cirilo dahil naalala niya ang isang dating estudyante na malimit umangkas sa kanyang kotse. Matapos mapabalita ang pagkahirang sa kanya bilang “National Artist”, muli niyang nakita ang estudyanteng ito, at ang sabi, ipinagyayabang daw niya sa kanyang mga katrabaho na minsan ay naging “drayber” niya si Cirilo—isang national artist.

Bitin ang isang oras para sa lahat ng katotohanan. Kailangan na naming magpaalam pagpatak ng alas kuwatro matapos kumisap-kisap ang kamera para sa ilang retrato. Gayunman, ang hinaharap ay malawak na parang ng mga posibilidad, at maging ng pagbabalik. Malimit sabihin ni Cirilo: “ang trabaho ng manunulat ay magsulat” na tila sinasabi rin niyang huwag mong pakialaman ang ibang bagay, maging tapat ka sa panulat mo at sa panulat mo lamang. Sa ngayon, pansamantala kaming pagkakaisahin ng simpleng katotohanang iyon, sa kabila ng aming mga predisposisyon.