Petsa at Oras ng Rebolusyon (isang rebisyon)

May isang dekada na ang nakalilipas nang sulatin ko ang piyesang ito bilang bahagi ng pagbubulay-bulay ko sa ating hinaharap. Taong 2002, naroon ako sa aking shop sa gitna ng bayan. Sobrang bagal ng buhay sa paligid ko, gayunma’y sobrang init ng politika sa tagisan ng mayayamang angkan. Nagliliyab na ang buong bansa sa katakut-takot na usapin ng katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan. Si Arroyo ang pangulo, mula sa pang-aagaw ng puwesto kay Estrada. Mainit na usapin ang papel ng masa, na umano’y kinakatawan ng dating pangulo, at ng mga elitista sa pangunguna ng mga relihiyoso at negosyante, na siyang nagluklok sa pangulong ituturing ng marami na kasingsama, kung hindi mas masahol pa kaysa sa kay Marcos.

***

old loud speakerKung lumabas ako at ianunsyo sa mga lansangan ang petsa at oras ng rebolusyon, may sasama kaya?

Napag-isip-isip mo na ba kung gaano kakritikal ang ating sitwasyon? Ang tanong, mabago pa kaya ito? Sa paanong paraan? Kabilang ang Pilipinas sa minamatyagan ngayon ng buong mundo sa kahirapan at sa katiwalian. Wala na halos tayong mapili sa mga politikong nais sumungkit sa ating mga boto. Hanggang sa panahong ito, ang tanging naipagmamalaki ng isang public official, sa alinmang hurisdiksyon, ay ang mga kalsada at tulay na paulit-ulit na ipinapatayo; ang mga poso artisyanong ipinapamahagi kapag eleksyon; ang mga patrol jeep ng mga barangay na may malalaking mukha, kung hindi man malalaking pangalan ng mga politiko; at ang mga pondong inilalaan para sa grupong kababaihan, kabataan, at iba pang sektor na sa ayaw at sa gusto’y nagpapagamit sa politika, na dahil lamang sa mga nabanggit ay nakatitiyak na ang isang tusong politiko ng pamamalagi sa dati o mas mataas na puwesto.

Samantalang napakaraming dapat lutasin, mga problemang dapat pagbuhusan ng isip, gaya siguro ng pag-iisip na ginagawa ko ngayon. Palibhasa ang mga politiko sa Pilipinas ay pawang mga populist na nakikisama lang sa kinurakot (corrupted) na mentalidad ng mga taumbayan. Sa panig ng mga politiko, ang mahalaga ay may “maipakitang” proyekto (pakitang-tao lang). Sa panig ng mga taumbayan, ang mahalaga ay “makabahagi” sila sa mga nakukulimbat ng mga pulitiko. Sa ganoo’y nasasabi ng mga tao na may “pakinabang” sila sa mga ito. Kaya patuloy ang problema, at patuloy din ang pagpapasikat ng mga nakapuwesto sa pamamagitan ng ganyang ugnayan ng politiko at tao. Kung tutuusi’y wala naman talagang humaharap sa mga totoong suliranin, gaya ng bumababang antas ng edukasyon (hindi tumatalino ang mga Pinoy); exodo ng mga propesyunal dahil sa kawalan ng hanapbuhay at ng pagkakataong magamit ang pinag-aralan sa kaugnay na trabaho; kumakaunting produksyon ng mga pangunahing kalakal (lalo na ng bigas) at nagkukulang na mga uri ng serbisyo (lalo na sa pangkalusugan); ang kawalang-pakialam ng mga Filipino sa kanilang kapaligiran (samakatwid ay sa bansa) at sa mga pamana ng lahi sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan; na nauwi sa naglalahong nasyonalismo at paglala ng kaisipang makadayuhan; ang mabagal at mahal na hustisya; at ang malawak na agwat ng mayaman at ng mahirap sa usapin ng pag-aari at oportunidad.

Isa-isahin natin ang mga nabanggit na problema, at malamang, malunasan ang huli kong sinabi; medyo magdudulot nga lamang ito ng hindi kakaunting gulo. Ang mahusay na edukasyon at hanapbuhay na hindi lamang nakabubusog, kundi nakapagpapayaman pa ng kakayahan at ng pagkatao, ay makapagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan upang makaalis sa kahirapan, at makapantay sa magandang buhay na tinatamasa ng mayayaman. Sa biglang sabi ni Roco*, habang pinapanood ko siya noon sa TV, parang gayon lamang kadali. Na kapag nabigyan ng libreng edukasyon ang ating mga anak, siguradong uunlad ang buhay ng mga ito balang araw. (Nang sulatin ko ito) kulang-kulang 90 porsyento ng mga Filipino ay matatawag na litereyt, o nakababasa at nakasusulat. Mahigit 80 porsyento ng populasyon ang nakatuntong sa paaralan. Ang tiyaga sa pag-aaral ng mga Filipino ay hindi isang penomenon ng kasalukuyang panahon. Ibig sabihin, matagal na tayong edukado, bakit hindi pa yumaman ang maraming mahihirap? Ano bang klaseng edukasyon ang tinatanggap ng mga Filipino? Sa isang banda’y ano ba ang tingin natin sa edukasyon? Bakit ba tayo nag-aaral? Ano ba ang ating pinag-aaralan?

Mula nang ipatupad ng kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, ito na ang naging basehan ng pagkatuto ng mga Filipino. Marahil ay dahil na rin sa ating colonial mentality kaya madaling naging pangalawahin ang mga katutubong wika sa bansa. Gayunman, isang kabalintunaan na ang kaisipan tungkol sa pagkakaroon ng pambansang wika ay umusbong sa panahon ng Komonwelt, sa pamamagitan ng (noo’y tinawag na) paninindigang politikal ni Quezon. Mula noon, lagi nang magkatunggali sa puso’t diwa ng mga Filipino ang wikang Ingles at ang wikang Filipino na base sa Tagalog. Hindi naman masama, liban nga lamang sa halatang pagkiling ng mismong gobyerno natin sa ikalalaganap ng paggamit ng Ingles, lalo na sa mga opisyal na transaksyon. Hindi rin naman masama, kung talagang kayang ipalaganap ito, at nang lahat ay may bentahe. Pero mas maraming nasasakripisyo. Sa murang isipan ng musmos, agad nahahadlangan ang kakayahan niyang magsuri, ang tiwala sa sarili, ang natural sanang daloy ng kaalaman mula paaralan tungong pamayanan (kung pareho ang wikang sinasalita), at ang intelektwal na ugnayan ng mga guro at kanilang mga mag-aaral, ng mga mag-aaral at kanilang pamilya, at ng mga tao at kanilang lipunan. Sa halip na mapalawak ang guni-guni ng karaniwang mag-aaral, liban sa iilang eksepsyon, nalimitahan ng Ingles ang komunikasyon sa iilang pormulang pangungusap, at ang talino sa mga sinaulong terminolohiya at depinisyon. Mula noon, kumitid ang ating persepsyon sa edukasyon sa paniniwalang “matalino ang nag-iingles.” Ang mga asignatura gaya ng agham, matematika, ekonomiks, at maging ang sining ay naging hasaan ng pag-iingles. Samakatwid, masaya na tayo dahil nakababasa at nakasusulat na tayo sa Ingles, at ibig sabihi’y “edukado” na tayo.

Nabigo ang edukasyon sa Pilipinas na pagyamanin ang kaisipan ng bawat Filipino. Sa halip gawing pantay ang populasyon, lalo pa nitong binigyan ng bentahe ang mayayaman—na nag-iingles na sa kanilang mga tahanan, na kayang pumasok sa mamahaling paaralang makapagpapahusay lalo sa kanilang pag-iingles, at, taglay ang pangalan ng paaralan, koneksyon, at lakas ng loob na mag-ingles, siguradong makapagtratrabaho sa pinakamagagaling na kompanya. Nasaan ang karamihang mahihirap na degree holder? Naibigay ba sa kanila ng sistema ng edukasyon ang pagkakataong makihati sa oportunidad na mayroon ang mayayaman? Ano bang klaseng trabaho ang puwede niyang pasukan? At kung mag-abrod siya, anong trabaho ang naghihintay sa kanya mula sa isang makadayuhang sistema ng edukasyon? Magkano ang ibabayad sa kanya? Naitaas ba ng kakayahang mag-ingles ang sahod ng mga OFW, o patuloy tayong binabarat ng mga dayuhang employer na ang tanging interes sa Pilipinas ay ang cheap labor na makukuha nila rito? Sabihin pa’y kasama na rin ang kakayahang mag-ingles ng mga Filipino. Lahat ng bentahe: sipag at lenggwahe sa presyo ng isa.

Hindi tumatalino ang Filipino. Patuloy tayo sa ating pormulang pag-iisip, gaya ng kung ano ang sinasabi sa libro, at liko ang pangangatwiran ng marami sa atin. Nahadlangan ang pagyabong ng “karaniwang pag-iisip” ng ibang sangkap sa ating “dakilang eksperimento.” Nag-aalok ng mga kurso ang mga kolehiyo at unibersidad na wala namang aasahang trabaho rito kundi sa ibang bansa. Anong klaseng katwiran mayroon ang mga tagapagbuo ng ating edukasyon, na hinuhubog ang ating mga mamamayan upang ipamigay sa ibang bansa? Paano ito natatanggap ng isang gobyerno na ang talino at lakas ng kanyang mga mamamayan ay pinakikinabangan sa ibang lupain, kapalit ng dolyar na ibibili rin natin ng mga dayuhang produkto?

Isang asignatura lamang, isang imposisyon, isang siglo, ang patuloy na umuugit ng tadhana nating mga Filipino. Pinaigting pa ng gobyerno ang pagpapatupad sa English Rule dahil sa pagkabahala ng Pangulo na “humihina sa pag-iingles ang Pinoy,” na ang tanging may sala: ang paglaganap ng modernong Filipino. Ang patuloy na pagtatanggol ng maraming edukador na Filipino sa pagtuturo ng/sa Ingles, at ang pagbibingi-bingihan ng gobyerno sa sinasabi ng mga lokal at dayuhang eksperto sa wika, ay sumasalamin sa malaganap na kaisipang makadayuhan. Mahal naming mga guro, ang nasyonalismo ay hindi lamang sa pagkakaroon ng Buwan ng Wika, o sa pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan sa mahahalagang pagdiriwang ng bansa, kundi ang kakayahang isipin ang makabubuti para sa nakararami. Kung nakapag-iisip nang maayos ang bata, malayang nakapagpapahayag at naipapakilala ang kanyang kakanyahan; kung naipauunawa sa kanya (at hindi lamang ipinasasaulo) ang agham at teknolohiya sa pamamagitan ng sarili niyang wika; kung naipapakita sa kanya ang praktikalidad ng matematika at mga kaugnay na larangan; at kasabay ng mga ito’y inaantig ang kanyang puso sa tunay na kalagayan ng bayan, at kung ano ang mga pangangailangan nito… hindi malayong gamitin niya ang kanyang mga natutuhan sa paghahanap ng solusyon sa mga suliranin ng bansa. Hindi malayong maisilang ang mga lokal na henyo na lilikha ng mga teknolohiyang may karugtong sa buhay ng mga Filipino. Iyan ay kung hinayaan lamang sana ang bawat musmos, mula pa noong una, na mahubog muna ang kanyang kamalayang mapanuri at malikhain, sa halip na gambalain agad ng mga pagsasaulo ng mga salita’t pormulang pangungusap sa Ingles, kung saan maaaring purihin o parusahan siya dahil dito.

Maaaring sa pamamaraang teoretikal at imersyon sa pamayanan, mauunawaan ng isang mayaman ang pakikibaka ng isang mahirap. Ngunit ito’y hanggang sa panlabas lamang, gaya ng ilang silid mayroon ang isang dampa, o ano ang kanilang kinakain, o saan sila dumudumi—kung paanong hindi komportable ang kanilang buhay di gaya ng mayayaman. Hindi naiintindihan ng isang mayaman ang tortyur sa pag-iisip ng isang mahirap, na marahil ay wala nang bukas, “hanggang ganito na lamang kami.” Subalit ito ring mayamang ito ang isang araw ay mangangako ng pag-ahon sa karalitaan, sa pamamagitan ng libreng pabahay, hanapbuhay at serbisyong pangkalusugan. Ang mayaman ding ito ang mangangaral na ang kailangan lamang ay “sipag at tiyaga,” ihahalimbawa ang kanyang pagsusumikap sa negosyo, babanggitin pati ang hirap na pinagdaanan ng kanyang mga magulang, upang makumbinsi ang taumbayan na siya’y isang halimbawang dapat tularan. Pero isang bagay ang hindi binabanggit sa mga kampanya at propaganda. Hindi niya sinabing bukod sa sipag at tiyaga, mayroon siyang makapal na pitaka—kapital, kung hindi galing sa mga magulang, maaaring sa banko na hindi magpapautang sa walang ibabayad. Kailan naging totoo sa ating bansa, na ang labor o paggawa ay lumikha ng kapital? Ilang Filipino ang tunay na nakapag-iimpok dahil sobra sa kanilang pangangailangan ang kanilang kinikita? Mabibigo ang optimismo nina Carnegie, Hill at Peale sa sistema ng pananalapi na umiiral sa Pilipinas. Dahil mahirap na sumampalataya ka lamang at isiping “makapal tingnan ang damuhan pero malambot ang mga hibla nito.” Hindi naman atityud lamang ang ating problema sa ating bansa. Ang mga nagtatagumpay sa negosyo rito ay galing sa mga angkang may ipagsisimula na: malalawak na lupain, ari-arian, pera sa banko, kung hindi naman ay mga masasandigan at nagtitiwalang kaibigan, koneksyon. Mukhang bisi lamang ang mahirap, dahil maraming ginagawa, ngunit isa pa ring tanong kung ang kanyang sobrang pagod ay nagiging sobrang pera. Karamihan sa kanila’y halos sa utang na lamang napupunta ang kinikita, ni hindi makapagbihis nang maayos, at pagdating ng due date ay muling mangungutang upang may maipambayad. Kung wala nang magpautang, walang maisanla at wala ring maipagbiling ari-arian, iyon ang matatawag na bankruptcy sa pananaw na pangmahirap.

Sa usaping teknikal at panlahat, gagamitin ko ang mga salitang maliit at malaki kaysa sa mayaman at mahirap, bilang pagkakategorya. Kabilang sa maliliit ang mula sa gitnang uri pababa, at malalaki naman ang mula sa mataas na gitnang uri pataas. Dalawa lamang naman talaga dapat ang hati, sa palagay ko, sapagkat ang tinatawag na “middle class” sa Pilipinas ay itinuturing din ang sarili na mahirap. Bagama’t siyentipikong sukatan ay nagiging politikal ang paggamit ng mga uring A, B, C, D at E. Parang intensyon nitong ihiwalay ang gitnang uri, na hindi naman kagaya ng middle class sa mauunlad na bansa, para paliitin ang bilang ng mahihirap, para masabing hindi pa ganoon kalala ang problema. Samantalang ang totoo’y sampung porsyento lamang ng populasyon ang nakaririwasa, na ibig sabihi’y isang nakakagulantang na mayorya ang uring maliliit.

Hindi ba’t itinuturing na liquidity ang kakayahang magpasok at maglabas ng pera sa isang propetaryo? Kung gayon, ang pera bilang isang “likido” ay maaaring padaluyin sa kung saan—sa lahat o sa iilan, o kaya’y tipunin sa iisang sisidlan, upang makontrol nila kung kailan patutuluin, gaano kalaki o kaliit ang busbos, at kailan pahihintuin. Iilan lamang talaga ang nakikinabang sa sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa bansa. Ang hinala ko’y talagang sistematikong nakokontrol ng malalaki ang daloy ng pera, sa pamamagitan ng mga kauri nilang nakapuwesto sa gobyerno na gumagawa at nagpapatupad ng mga batas sa pananalapi na ang tungo’y alinman sa mag-umapaw ang kapital sa pagdaloy sa maliit nilang sirkulo, o mapigilan ang sirkulasyon upang gipitin ang ekonomiya para sa ibang layunin, habang uhaw na uhaw na naghihintay ang maliliit na winiwisikan lamang ng kaunting barya para sa kanilang serbisyo.

Kung paniniwalaan natin ang mga komunista, maaaring isa ngang agarang alternatibo ang kanilang sinasabi tungkol sa matimbang na posisyon ng paggawa at ng kapital. Subalit sa isang gobyernong napangingibabawan ng uring malalaki, na siyempre’y sumasalungat sa panukalang ito, madaling politikahin ang isyu; at sa halip na maging isang gawaing intelektwal at makabayan, ay nagiging ideolohikal, hanggang ituring na isang uri ng terorismo, isang banta sa demokrasya. Noon pa man ay mukhang talunan na ang Komunismo sa Pilipinas, at tila iilan na lamang ang mga tagasunod nito sa mundo, kung totoo ang nasasagap natin sa bali-balita. Maging ang karamihan sa atin, kung tatanungin mo isa-isa, ay hindi sasama. Dahil bagama’t ang mayorya ay maliliit, ang mayorya rin ay relihiyoso, sabihin pang Kristyano, na naturuang pasanin ang sariling krus at bakahin ang sanlibutan. Isang factor ito na dapat isaalang-alang. Ang Rusya, gayunman, ay isang Katoliko at Hudyong nasyon bago ito lumuhod sa Marxismo. Sa ngayon, sa Pilipinas, mas madali pa sa maliliit ang makisama sa malalaki na indirektang umaapi sa kanila, dahil tutal, nasagot na sa kanilang relihiyon kung paano iyon pakikitunguhan at kung paanong, sa wakas, ay gagapiin ni Yahweh, kaysa sa isang ideolohiyang nakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay, ngunit walang Diyos na maaari nilang isakripisyo—huwag lamang mabuwis ang sarili nilang mga buhay.

Tayo ay isang lahing ayaw makipagtuos. Kaya isinilang ang EDSA Uno at Dos na ang mga pangunahing kalahok ay mga relihiyoso at iyong tinatawag na civil society. Nadidisarmahan ang mga uring mandirigma, ang mga sundalo, sa ngalan ng kapayapaan at ng pagkakaisa para wakasan ang mga rehimen ng mga mandarambong, sang-ayon sa panukala ng namamayaning politika. Ang tinatawag na EDSA Tres para sa akin ay isang pangitain lamang, pangitain ng potensyal ng maliliit na makipagtuos sa naghaharing uri, na nagpapaalala sa atin ng mga pagkilos ng mga mamamayan sa kasaysayan, halimbawa, sa Pransya, nang ihatid ng mga Parisiano sa malagim na wakas ang monarkiya rito. Ang kahinaan ng EDSA Tres ay dahil napolitika ito. Pinaniwalaan ng marami na ito’y isa lamang pakana ng mga maka-Erap, at ang mga taong sumugod sa Malacañang ay mga bayaran at nasa impluwensya ng droga, isa na namang apela sa ating pagkamoralista, kaya nakapamayaning muli ang naghaharing uri sa pangunguna ng Pangulo na galit na galit na ipinatugis sa mga pulis at militar ang mga lumahok sa inamin niyang isang “state of rebellion” doon sa mahihirap na komunidad ng Kamaynilaan. Muli, nakita ng bansa ang larawan ng maliliit bilang mga taong walang sariling pag-iisip, nasusulsulan, nababayaran, mararahas, mga bastos at walang galang. Dinampot sila isa-isa, sinaktan ang iba, at pila-pilang iniharap sa sambayanan at sa midya na tumulong pang lalong lumitaw ang gayong mababang pagkatao ng mga maralita. Ipinamukha ng mga kuhang larawan na ang mga dayukdok ay hindi maaaring pagtiwalaan sa mahahalagang desisyong pambansa, at ang mga nakabihis-disente, mababango at nakapag-iingles ang dapat pakinggan at paniwalaan. Kabaligtaran ng EDSA Tres ang senaryo nang sumugod sa Kongreso ang mga abogado at iba pang mga edukadong nakabihis ng eleganteng itim sa kainitan ng araw, upang tutulan ang impeachment ni Davide. Wala isa mang pulis na humarang sa pulu-pulutong na mayayaman na noo’y lumagpas sa itinakdang distansya ng PNP. Dahil sa presyur ng malalaking tao, binawi ng mga Kongresman ang kanilang mga pirma, hindi naisalang sa paglilitis si Davide, at hindi na muli pang binuklat ang tungkol sa maling paggasta sa pondo ng hudikatura; hindi na rin muling napanood sa TV ang butas na upuan, ang sirang mesa, at ang lumang kompyuter na singbagal ng takbo ng ating hustisya.

Sa matagal na panahon, hindi pa tayo nakalikha ng sistema na tunay na mag-aangat sa kabuhayan ng maliliit. Hanggang ngayon, kumikilos at nag-iisip pa rin tayo sa buntot ng Cold War o yaong ligalig na dulot ng tunggalian ng Demokrasya ng US at ng Komunismo ng USSR. Hindi pa rin natin tinatangkilik sa ating demokrasya ang sistemang pang-ekonomiya na idinulot ng impluwensya ng Komunismo sa ikatlong bahagi ng populasyon ng mundo, kabilang na ang Europa at Amerika. Ang ating mga manggagawa ay patuloy pa ring nakikipaglaban para sa mas mataas na sahod katumbas ng kanilang malaking pagod, na katumbas din ng kakayahang bumili ng mga pangunahing produkto at bumayad ng mga pangunahing serbisyo. Ipinagmamalaki pa ng ating gobyerno na papaboran ang bansa ng mga dayuhang mamumuhunan dahil sa “cheap labor” at muli, ang “kakayahang mag-ingles” ng mga Filipino. Bakit ba handang gumastos nang malaki ang ating mga kababayan upang makipagsapalaran sa ibang bansa? Madali ang sagot: malaking kita. Dahil kahit ang pinakamabahong trabahong “hindi ginagamitan ng isip,” gaya ng pagiging basurero, ay binabayaran ng mas malaki kumpara sa katulad na trabaho rito. Oo, nagtitipid sila roon, pero tayo’y lalong tipid na tipid dito, at ang natitipid nila’y bumubuhay sa kanila roon at sa kanilang mga pamilya na naririto, samantalang ang isang basurero sa Pilipinas ay mamamatay na lamang sa hirap na buhayin ang kanyang pamilya. Ilan na bang Filipino ang hindi naman nakatapos ng pag-aaral at mula sa mahirap na pamilya, pero nang mabigyan ng pagkakataong tumuntong sa Amerika, o sa Europa, o sa Japan, ay umigi ang buhay at maituturing na ring mayayaman? Bakit hindi maibigay ng ating lipunan ang pagkakataong naibibigay ng ibang bansa, at isipin pang hindi naman tayo tagaroon? Ano ang mayroon sa isang gobyerno na wala naman sa isa? Madaling sabihing mayamang bansa kasi. Pero may gumawa na ba ng pananaliksik tungkol dito? At kung mayroon nga, paniniwalaan ba natin ang ating matutuklasan? NA ANG PAGKAMAKABAYAN, pagsasarili at soberanya ang siyang magbibigay sa atin ng respeto bilang isang lahi, ng tiwala at pitagan ng kapwa bansa, ng paninindigan para sa mas benepisyal na bahagi ng isang kasunduan, ng pagkatao at disiplina… ng KAUNLARAN. Sa isang banda’y susubukan ba nating alamin? Lalo’t ang mananaliksik ay kabilang din sa uring malalaki, na kontento na sa kanyang buhay, may pera na, may pangalan, at hindi apektado ng mataas na presyo ng galunggong, ng istrayk ng mga tsuper, at ng milyun-milyong pisong ginastos ng gobyerno sa pagbisita ng Pangulo ng Amerika. Na ang tingin sa sentimyento ng bayan ay mababaw na salitaan. Na nagpipiyesta sa ideya ng Kanluran sa mga biniling libro na ipinagmamalaking talakayin sa mga kaibigan sa mga sikat na café at sa mga launching ng kung anu-anong eksibisyon ng mga elitista’t eklektik na mga artista.

Bunga rin ng ating kawalan ng desisyon bilang isang bansa, ng pagsasaisantabi ng ating soberanya sa ngalan ng pakikipagkaibigan sa mga dayuhan, ang ating kategorikal na pag-iisip. Komo ito ang sinabi ng inaakalang mas magaling at nakatataas, iyon din ang inuulit-ulit natin na tila isang sagradong orasyon na kapag ibinulong mo sa midya ay sisikad ng takbo ang ekonomiya, gaya ng GATT, War on Terrorism, VFA, at kung anu-ano pang preskripsyon ng dakilang nasyon ni Uncle Sam. Dahil sa malaking impluwensyang ito ng Kanluraning Demokrasya, lahat ng tumutuligsa sa kasalukuyang kaayusan (o kaguluhan) ay binabansagang Komunista, o pulahan, o maka-kaliwa, kahit pa nga ni hindi makumpirma ang koneksyon ng mga grupong ito sa organisasyon, ni sa diwa ng CPP-NPA. Paano ngang marereporma ang ating lipunan, kung gayon? Kung ang tinatanggap lamang natin sa ating demokrasya ay ang naïve na mga pahayag ng administrasyon tungkol sa pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran? O kung ano lamang ang naaayon sa interes ng Amerika? Isang lumang tugtugin na mahabang panahong pinakikinggan. Kailan ba huling binanggit ng gobyerno ang Japan? O ang China? Ang European Community? Ang ASEAN? Mga bansa at rehiyon na kung tutuusin ay may mas malaking potensyal na makatulong sa ating ekonomiya bilang mga partner at hindi panginoon. Hindi lamang ang makatulong sa ating militar, o sa pagpapanatiling ligtas ng kapuluan laban sa mga terorista at sa mga sutil na Filipinong hindi na lang makiayon sa tiwaling gobyerno.

Pasaan na, kung gayon, ang uring maliliit? Sino ba ang kanilang tatakbuhan? Si Ka Roger ba?* Gaya ng ginawang pananawagan sa kanya ng kanyang mga kababayan sa Batangas upang mapigilan ang malawakang bilihan ng boto, dayaan at ang pamamalagi sa puwesto ng isang angkang tiwali, may kontrol ng mga ilegal, ng karamihan sa malalaking negosyo, at malalawak na lupaing industriyal ng CALABARZON. Isang kabalintunaang magawa ng NPA para sa demokrasya ang hindi magawa ng PNP o ng AFP: ang gawing malaya at makatotohanan ang pagboto ng sambayanan. Paano nga wawakasan ang insureksyon kung nagtatanim ito sa puso ng taumbayan, hindi ng bala, kundi ng pag-asa? Ang pag-asang maging parehas ang larangan para sa malaki at maliit. Siguro, kung papipiliin mo ang mga mamamayan sa pagitan ng kudeta ng militar at ng rebolusyon ng komunista, malamang na mas handa pa silang yakapin ang pangalawa. Hindi kasi malinaw kung anong uri ng gobyerno ang itatayo ng isang military junta, at ano ba ang junta, sa isang banda? Hindi gaya ng kudeta na madaling nakapasok sa bokabularyo ng mga Filipino, hindi natin maisip-isip ang hugis at kulay ng junta… hunta? Sila lang ang magkakahunta? Idagdag pa ang malagim na alaala ng militarisasyon ng ilang rehiyon sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos. Kaya nang maganap ang sensasyonal na Oakwood Mutiny, at maging ang naunang ilang episodyo ng kudeta ni Gringo sa panahon ni Cory, hindi nakilahok ang taumbayan. Bagamat sa ibang pananaw ay isa ring kudeta ng RAM ang naganap noong 1986 na nagkaloob sa mundo ng milagrong tinawag na EDSA. Tayo kasing mga Pilipino, kapag mapapatay na, ayawan na. Kaya di bale nang dehado ang mahirap sa isang kapitalistang ekonomiya, “basta masikap ka lamang, makakaraos din, kaysa magmistula tayong mga robot na sunud-sunuran sa nakatataas at kapag nagkamali’y manganganib pa ang buhay.” Iyan ang nasa isip ng karamihan. Ito’y resulta na rin ng kamangmangan, ng kawalang kakayahang magsuri, pumili, at magdesisyon. Hindi laging tama ang ating paghusga, at malimit, ang pananaw natin ay depende sa kung saan o kanino tayo.

Paano natin bibigyang solusyon ang lahat ng ito? Kanino manggagaling ang pagbabago? Kung mapalitan natin ang liderato na anila’y walang pakundangan sa paggamit ng resorses ng gobyerno para sa sariling ambisyong politikal, at halimbawang ang papalit ay tunay na malinis, ang tatawaging “mesiyas” na tutubos sa bansa sa karukhaan at kabulukang moral, makikisama kaya sa kanyang mga hangarin ang sistema na hindi na natin gagalawin, at tila sa isang milagro, siyang pagmumulan ng kagalingang panlahat? Makikisama rin kaya ang lahat ng Filipino? Posible ba talaga na magbagong-loob ang may 100 milyong kaluluwa sa isang iglap? Magagarantiyahan kaya ng isang matatag na ekonomiya sa isang lumang sistema ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa? Ang pag-unlad ng buhay ng maliliit upang makapantay sa kayang abutin ng malalaki? Isang lipunang tuluyan nang mawawala ang maliliit, at lahat ay magiging malaki?

Sa palagay ko’y sadyang may depekto ang sistemang ito, gaya ng una kong binanggit, na “baka” ito’y binuo ng malalaki para sa kanilang kapakanan. Kung sumulong man tayo sa isang kapitalistang ekonomiya, hindi ba ang may hawak ng kapital ang siyang unang benepisyaryo? Kung gayo’y walang garantiya na matatahimik ang maliliit, magpapatuloy pa ang sigalot, ang tunggalian ng mga uri, at lagi nang ang Pangulo ang isasakripisyo ng malalaki—dahil marahil sa kanyang pag-abuso sa kapangyarihan, sa kanyang kawalang-alam, sa kanyang pandarambong. At lagi nang mapupulitika ng malalaki ang diwa ng maliliit na nakararami, na maniniwala sa mga suplong at bintang, sa mga moro-morong pag-aaklas at sa mga pagsasakdal na paulit-ulit isasadula at uukilkilin ng mga mamamahayag at historyador. Maaari pa kaya nating asahan, kung gayon, ang isang rebolusyon na magmumula sa maliliit? Isang EDSA Kuwatro? O kung saan man natin mabuo ito.

Kung totoo ang mga ispekulasyon, sa loob ng susunod na dalawampung taon ay malabo pa tayong makaahon, matritriple ang kasalukuyang bagsak na kalagayan ng piso kontra dolyar, lalong mamahal ang inaangkat na langis, at magkakaroon ng kakapusan sa enerhiya at sa tubig, at kung mangyari na ito, kung mas humirap pa ang buhay kaysa sa nararanasan natin ngayon, kung maging mas tiwali at pabaya ang gobyerno, at mas agresibo ang mga nagbabangon, kakayanin na kaya ng maliliit ang inaawit-awit na “mamatay nang dahil sa iyo?” May apoy na kaya ang puso ng mga Filipino sa panahong iyon? Maninindigan na kaya sila? O tatakbuhan din nila ang dakilang pananagutang baguhin ang lipunan, gaya ng ginawa ng kanilang mga magulang, dahil—baka sila mapatay?

Hangga’t kaya pa ng maliliit na mabuhay sa kaunti nilang tinatanggap, maliit ang tsansa ng isang matagumpay na rebolusyon sa Pilipinas. Hindi kasi sila pinapatay ng sistema, o sadyang binubuhay sila na parang mga patabaing baka (buti nga kung pinatataba!) bilang mahalagang bahagi sa tuloy-tuloy na pag-ikot ng makinarya ng malalaki, isang piyesang nilalangis-langisan magkaminsan kapag umiingit na, para umikot muli, pasalin-salin sa susunod na mga henerasyon ng uring maliliit, kapalit ng sahod na itinatakda ng malalaki, ng mga may hawak ng kapital, na ang propetaryo ay pasalin-salin din mula sa kanilang mga anak hanggang sa kaapu-apuhan. Buhay ang puhunan ng maliliit para mabuhay, at maraming nawawaglit at nasasayang sa matagal nilang pagsusumikap na magdugtong ang katawan at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit kailangang mabago ang sistema upang gawin itong makatao.

Hayaan mo akong dalhin pa sa sukdulan ang aking pagbubulay-bulay na ito. Halimbawang huminto ang produksyon sa isang biglaang welga (at ito’y nangyayari na sa kasalukuyan, gaya ng pagparalisa ng mga tsuper sa transportasyon) gagamitin ng malalaki ang mga tiyak na ahensya ng gobyerno, ang legal na bahagi, upang pabalikin ang maliliit sa pamamagitan ng isang kompromiso. Ang isyu pa rin ay mataas na sahod, at magiging mas agresibo ang maliliit sa panahong iyon upang hingin ang kanilang kabahagi sa tubo ng produksyon. Pagpasok ng gobyerno sa usapin ay magiging politikal ito, at lalala ang sitwasyon dahil papanig ito sa malalaki upang maisalba ang dumadausdos na ekonomiya. Kung magmatigas ang maliliit at lalo pang lumaganap ang paghinto ng produksyon sa iba’t ibang panig ng bansa, gagamitin ng gobyerno ang pulis at ang militar; hahawak ng armas ang maliliit upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ang kanilang ipinaglalaban na unti-unting nagkakahugis, at magiging sibil ang komprontasyon. Kung papasok sa eksena ang CPP-NPA (at iba pang grupo) upang pangunahan ang maliliit, na isang napakalaking posibilidad, magiging ideolohikal ang laban. Maaaring makialam ang Amerika, na isa pang napakalaking posibilidad. Matagal na panahon nang nakikialam ang Amerika. Magdadalawang-isip naman ang oposisyon at ang iba pang mga politiko, dahil baka lamunin sila ng maliliit. Samantala, gagawa ng sariling gulo ang mga batang opisyal ng militar, dahil makikita nilang sa wakas ay dumating na ang kanilang pagkakataong magpakita ng kabayanihan, na siyang hahati sa puwersa at atensyon ng gobyerno. Ang paglahok ng makakaliwa at ng makakanan at ng Amerika sa pagbabangong ito ay magpapatagal sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan. Pero tiyak na babagsak ang gobyerno sibil, at maaaring ito’y huli na sa lahat ng mahahalagang pagbabangon ng lahing Filipino. Ang maliliit, sa panahong yao’y mga rebolusyonaryo na, pinakikilos ng isang makakaliwang ideolohiya na nangangako ng pagkakapantay-pantay, at armado ng kahandaan, disiplina at diwang repormista ng makakanan, ay babaling sa natitirang target, ang Amerika. Iyon na ang magiging ultimong komprontasyon, ang laban ng lahat ng laban, ang katubusan ng napasanlang kaluluwa ng Filipino. Sa panahong iyon, aakayin tayo ng kasaysayan pabalik… pabalik—mula sa pagdalaw ni George Bush, VFA, giyera sa Iraq, 9/11, US Bases, Marcos, Cold War, hanggang sa kamatayan ni Magsaysay, kasarinlan sa Hulyo 4, digmaan sa Pasipiko, Komonwelt, hanggang sa huling yugto ng himagsikang Filipino, sa deklarasyon ng kasarinlan ng 1898, at sa kasunduan sa Paris—nang bilhin ng Amerika mula sa Espanya ang ating tadhana bilang isang bansa.

Nakakatakot isipin, pero wala tayong pagpipilian. Sa palagay mo ba’y paano lulunasan ang kasalukuyan nating kalagayan? Nang matahimik? Nang hindi tayo malalagay sa panganib? Na basta tayo gigising isang umaga, at bago na ang lahat? Sa pamamagitan ba ng salamangka ng Diyos?

Marami pa tayong dapat matutuhan bilang isang lahi, kabilang na ang pagpapakasakit. At habang walang katiyakan ang lahat, ang lahat ay pwedeng mangyari…

Kung marinig mong nagtutungayaw ang matitigas na labi ng trompa sa labas, na nag-aanunsyo ng kung anong hindi mo agad maunawaan, makinig kang mabuti, at tibayan mo ang iyong dibdib.

________________________________

*Ang yumaong Sen. Raul Roco

*Buhay pa si Ka Roger nang sulatin ito.

*Matatagpuan ang unang bersyon sa link na ito.