Guijo Suites Makati – Stres-free Weekend

Guijo Suites Makati
3-Star Hotel
7644 Guijo Street, San Antonio Village, Makati City

 

Ilang hotel na rin ang natuluyan ko kasama ang aking mag-ina. Hindi ako mapera, pero nakita kong mas praktikal ang maghotel kaysa sa umupa ng sasakyan mula sa aking probinsya sa Batangas, kung may event na kailangan naming daluhang mag-anak, kasama na rin ang pahinga sa trabaho at konting pasyal. Manunulat ako bukod sa online job ko, kaya naisipan kong simulan ang pagsulat ng rebyu ng bawat hotel na mapuntahan ko. Swerte naman ng Guijo, unang rebyu ko ‘to!

Wala akong malaking pag-asam sa mga budget hotel. Ang tanging hiling ko lang tuwing magpapareserba ako ay masulit ang humigit-kumulang dalawang libong pisong ibayad ko kada gabi sa hotel. Paano ba talagang sayangin ang pera mo sa isang mumurahing hotel? Una, kung sobrang liit naman ng kwarto, pati kama, at wala ka man lang maramdamang kapayapaan sa loob mo dahil pangit o walang ambiance. Ikalawa, kung tinipid ka sa libreng almusal, tapos ang mahal naman kung bibili ka ng ibang pagkain nila. Ikatlo, kung hindi libre ang wifi at bibili ka pa sa kanila ng card para makapag-internet. Ikaapat, kung malayo sa mga lakwatsahan, at alinman sa magastusan ka sa taxi o maipit sa trapik kapag nagdyipni para lang makapunta sa mall.

Lagay na ang loob ko sa ilang mararanasang kakulangan dahil alam kong hindi naman mamahalin ang hotel na tutuluyan namin. Medyo alanganin lang ako sa lokasyon, kasi balitang mahirap hanapin ang Guijo Suites. Pero kita ko sa google map na malapit ito sa kinaroroonan ng mga pinsan ko sa Makati (na pakay naming dalawin), kaya ito ang napili ko.

Madaling-araw pa lang kami umalis sa Batangas para makaabot sa “moving up” ng grade one kong anak na si Geeboy na ginanap sa Layforce, Guadalupe (homeschooler siya sa CFA ni Bro. Bo). Tanghali natapos ang seremonya at sumibat na kami sa taxi patungong Guijo, at ayan na, nagmamarunong na ang taxi driver kung anong kalye raw dapat ang Guijo Suites (hindi raw Guijo Street, ewan ko ba). Hindi naman nagtagal, nahanap din namin (Guijo Street naman e! Ito talagang si manong…) at pinayagan kaming mag-check in kahit 1:20 pa lang. Tumigil kami rito nang isang buong weekend mula Marso 20-22.

Wala namang hassle sa front desk. Medyo kulang lang sa lambing (ngiti pa!). May bar sa lobby at katapat nito sa labas ang kumbinyenteng smoking area (walang silbi sa kagaya ko). Diretso na kaming umakyat sa Rm. 215 (Deluxe) habang nakabuntot sa amin ang concierge na tulak ang kinalalagyan ng aming mga bagahe. Moderno ang gusali at walang karpet, hindi gaya ng mga tradisyonal na hotel. Keycard ang gamit sa pagbukas ng pinto at ng power supply sa loob ng kwarto. Katamtaman lang ang laki ng kwarto, pero hindi naman api ang pakiramdam mo. May dresser malapit sa banyo, at ang karaniwang cable TV, mesa at mga patungan sa paligid ng kama. May ref kung gusto mo ng beer at iba pang refreshment (babayaran mo). May libreng bottled water, libreng wifi, at ang talaga namang minahal ko sa lahat ay ang dedikeyted na kapihan (coffee/tea making utility). Hindi ko na kailangang tumawag sa room service para sa mainit na tubig, at may complimentary instant coffee pa para sa dalawa. Pero dahil may baon kaming kape, pwede akong magkape maya’t maya!

Sentralisado ang heating facility sa banyo at talagang naenjoy namin ang mainit na shower mula sa kakaibang hugis-parisukat at malapad na dutsa at gripong modernong mala-industriyal ang tema. Sinulit talaga namin ang nakakarelax na pagligo (pakiramdam ko, pumuti ako). Todo bigay ang sabon, shampoo, conditioner at body lotion, pati toothbrush at toothpaste. Kumpleto ang set ng tuwalya para sa mukha, katawan at paa. Hindi lahat ng hotel ganyan base sa aking karanasan.

Kumustahin naman natin ang almusal… Dahil para sa dalawang adult lang ang complimentary breakfast, bale hindi kasama si Geeboy at dapat na magbayad kami ng extra para sa kanya as per hotel rules. Pero okey lang naman sa staff na kasalo namin siya. Si Mama na lang ang kumuha ng pagkain at hinatian na lang niya si Geeboy sa sarili niyang plato (mestisong libre rin!). Puro prutas lang naman ang kanyang kinain, maninipis na hiwa ng pakwan at pinya. Marami namang pagpipilian: tinapay, cereals, pasta, pansit at kanin; prutas at veggies; itlog, ham at chicken sausages; at ang hindi maubos-ubos na kape sa dalawang nag-aanyayang industrial size na coffee maker (kumpleto na ang araw ko).

Sori, wala akong masasabi tungkol sa iba pang pagkain sa kanilang menu, halimbawa, para sa tanghalian at hapunan, dahil… alam mo na! Kung gusto mo namang gumimik at manood ng live band, may malalapit na disenteng cafe at beerhouse sa paligid ng hotel. Malapit din lang ang Chino Roces Ave. (na mas kilala hanggang ngayon na Pasong Tamo). Unang gabi namin, natripan naming mag-anak na lakarin y’on mula Kamagong hanggang Pasay Rd at pabalik! Dati ko kayang teritoryo y’on nang reporter pa ako ng Balita.

Ganoon pa rin ang hain nang sumunod na agahan. Ang naiba lang ay mas dinamihan ko ang kain kasi magchecheck-out na kami sa tanghali. Reklamo ng ibang nagrebyu na mahirap daw mag-abang ng taxi mula roon, pero paglabas namin sa hotel, rumadyo lang ang gard para sa taxi at presto, hayan na siya. Pagsara namin ng pinto ng taxi, sumara na rin ang maikling episodyo ng aming buhay-pamilya sa Guijo Suites, at back to normal na uli kami.

Dahil masaya kami at walang reklamo, limang bituin ang igagawad ko sa Guijo Suites!