Laro sa Baga ni Edgardo M. Reyes

Nabasa mo na ba?Nasa hayskul ako noon, huling bahagi ng 80s, nang pasilip-silip kong binabasa sa Liwayway ang nobela-seryeng Laro sa Baga ni Edgardo M. Reyes. Pamagat pa lang, talagang nakaka-curious na sa isang kabataang nasa bukana pa lang ng kamunduhan, at nanunulay sa gitna ng kamalayan at kahalayan. Ibang sarap y’on na may kahalong hiya (takot) para sa isang (gaya kong) inosente, promdi at Katoliko.

Ang Laro sa Baga ay isang sexual odyssey na nakatuon sa pagkahubog ng bagamundo at makamundong pagkatao ni Ding, isang magaling na portraitist bilang isang propesyon, na samakatwid ay isang lalaking may makasining na sensibilidad. Kakabit ng pagkakaroon ng malaking ari (implied sa nobela) ang likas niyang senswalidad at pagkakaroon ng fetish sa magandang pares ng paa ng maganda rin niyang Ninang Carmen.

Maraming tauhang napaugnay kay Ding umpisa kay Carmen at sa ampon niyang si Dee, at hindi yata makatarungang pangunahan ko ang ating mga mambabasa sa pagtuklas sa kanila. Gayunman, ang bawat isa ay may interesting na back story (gustong gusto ko ang kwento ni Victoria). Kaya hindi naman masasabing malansa na ang bawat pahina nito sa sobrang sex. Hindi porn ang nobelang ito.

Sinasalamin din ng nobela ang mood at kumbensyon ng 60s at ng Bagong Lipunan sa ilalim ni Marcos. Ipinasilip sa atin mula sa pagiging portraitist ni Ding ang mga peligrosong ugali at bisyo ng mga elitista ng panahong y’on, ng mga tinaguriang socialite, at ng mga matronang nilalabanan ang pagtanda (sa pamamagitan ng pakikipagsex sa mas bata).

Mula sa realistikong paglalahad ni Reyes ng mga lugar, partikular ang mga landmark, social artifact (gaya ng kartelon), trip ng mga tao at iba pa, nababalikan natin ang panahong wala na o hindi na natin inabutan. Naiisip din nating walang ipinagkaiba ang mga tao noon at ngayon kung libog din lang ang pag-uusapan.

Sa tamang panahon at makalipas ang kulang-kulang tatlong dekada, higit pa sa dating naiisip na kalugurang senswal ang nakamit ko nang magawa kong tapusing basahin ang nobela. Para sa akin, maraming value-added ang akda na nag-aangat dito bilang isang seryosong literatura (na hindi ko ibig sabihing walang nobelang seryoso at purong sex).

Sa kabila ng matagumpay na pagsasapelikulang nagtampok kina Carlos Morales, Ara Mina at Angel Aquino, sa direksyon ni Chito Roño, noong 2000, hindi masasagad ang iyong kasiyahan kung hindi mo babalikan ang nobelang nagsimula ng lahat. Wala pang akdang nagpainit sa kamalayan ng isang henerasyon ng mga Filipino tulad ng Laro sa Baga.

NABASA MO NA BA?

Tingnan ang Laro sa Baga sa:
Worldcat

Layunin ng “NBSMoNB? Mini-rebyu ni Mano” na ipakilala sa ating mga mambabasa ang napakaraming akdang walang pagod na sinusulat ng ating mga manunulat na hindi halos nababasa sa labas ng mga pamantasan at mga sirkulong pampanitikan. Isa itong personal na panawagan sa ating mga kababayan na tangkilikin (at unahin) ang sariling literatura bago ang iba. Huwag nating hintaying magkatotoo sa atin ang sinabi ng dayuhang awtor na si Ray Bradbury na “hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.”