Pormula sa Kumpyansa

Una. Alam kong may kakayahan akong kamtin ang bagay na siyang Dahilan ng buhay ko, at kung gayon, KAILANGAN kong magtiyaga at patuloy na kumilos para matupad ito, at nangangako akong gagawin ko ito ngayon.

Ikalawa. Nauunawaan kong anuman ang nasa isip ko ay makikita sa aking gawa, at unti-unting magkakatotoo sa aking buhay, at kung gayon, iisipin ko sa loob ng 30 minuto araw-araw, ang gusto kong mangyari sa akin, at bubuuin sa isip ko ang magandang larawan ng sarili ko.

Ikatlo. Alam kong mula sa pagmumungkahing ito sa sarili, kapag lagi kong inisip ang anumang naisin ko, mahahayag ang mga praktikal na paraan tungo sa katuparan nito, at kung gayon, maglalaan ako ng 10 minuto araw-araw para magkaroon ng TIWALA SA SARILI.

Ikaapat. Malinaw ko nang naisulat ang deskripsyon ng aking TIYAK NA LAYUNIN sa buhay, at hindi ako titigil hanggang magkaroon ako ng sapat na tiwala sa sarili para sa katuparan nito.

Ikalima. Lubos kong nauunawaan na walang yaman o posisyong magtatagal, malibang nakatayo sa katotohanan at katarungan, at kung gayon, hindi ako papasok sa transaksyong hindi makatutulong sa lahat ng kasali rito. Magtatagumpay ako sa pamamagitan ng paghikayat sa mga puwersang gusto kong gamitin, at sa kooperasyon ng ibang tao. Hihikayatin ko ang iba na tulungan ako, dahil sa kagustuhan kong tumulong sa iba. Wawakasan ko ang poot, inggit, pagseselos, pagdadamot, at pagka-negatibo, sa pamamagitan ng pag-ibig sa lahat ng tao, dahil alam kong ang masamang pakikitungo sa iba ay hindi magbibigay ng tagumpay sa akin. Magtitiwala ang iba sa akin, dahil magtitiwala rin ako sa kanila, at sa sarili ko.

Lalagda ako sa pormulang ito, isasaulo ko, at bibigkasin isang beses isang araw, na may buong PAGSAMPALATAYA na unti-unting maiimpluwensyahan nito ang aking PAG-IISIP at KILOS upang matuto akong umasa sa sarili, at magtagumpay.

(Salin sa Filipino ni Manolito C. Sulit ng “Self-Confidence Formula” mula sa librong Think and Grow Rich ni Napoleon Hill. Ipamahagi sa wikang ito para sa kapakanan ng ordinaryong Filipino.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *