Wala sa Lugar: Indikasyon ng Mababaw Nating Kultura

Kapansin-pansing laging “wala sa lugar” ang Pinoy. Halimbawa, sa mga tuklong (kapilya) na pinagdarausan ng flores de mayo sa aming lalawigan (Batangas), ipupuwesto nila ang mga ispiker pagsapit ng kapistahan. Walang pili-pili kung ano ang patutugtugin: K Pop, Hip Hop at iba pang sikat na kanluraning musika na karaniwang tungkol sa kalugurang sekswal. Sa gabi, gaya ng nasaksihan ko noong bata pa ako, may mga nagsasayaw na naka-bikini (pampainit daw ng karburador ng kalalakihan) sa entabladong katabi o kaharap pa mismo ng nasabing tuklong (na naroon ang pinipintakasing Mahal na Birhen). Hanggang sa tumanda ako, ni minsan ay wala akong narinig na nagsermon tungkol dito. Dahil ba nakasanayan na ito?

Baka kako iba naman kung sa simbahan at hindi sa tuklong lang ng barangay ginaganap ang okasyon. Pero hindi pala. Minsang nagsimba kaming mag-anak sa kapistahan ng patron, mantakin mong dumadagundong sa loob ng simbahan ang hindi naman akmang musika na pinatutugtog nila sa labas. At wala man lang pasintabi ang nagkabit ng mga trompa at talagang itinutok pa ang mga ito sa entrada ng simbahan. Nakita kong may mga paring nakapila sa labas malapit doon pero hindi man lang nila pinaalalahanan o sinaway ang walang pakundangang opereytor. Dahil ba nakasanayan na ito?

Ano pa? Y’ung palakpak–kung kailan kailangan, ayaw pumalakpak. Tapos kung kailan kailangan ng katahimikan, saka maiingay. Sa pagtawid, kitang pedestrian lane, dire-diretso pa rin, mapa-tricycle, dyip, trak o kotse, ordinaryo man o halatang mayaman. Alam na kasalukuyang nagmimisa, ang ibang sumisimba sa labas–kumakain, tapos ang kanilang mga basura, isinusuksok sa mga sanga ng mga halaman. Y’ung nakita namin (sa Taal pa mandin), ginawang basurahan ang ilaw ng parke. Talagang wala sa lugar ang maraming nakasanayan ng mga kababayan natin.

Kaya hindi kataka-takang ang mga kabataan natin, maliban sa IILAN, tapon lang nang tapon kung saan. Kahit ipaalala ng kanilang guro o basahin nila sa libro, walang rumerehistro. Kahit gaano kadisenteng manamit o gaano man kataas ang narating, pare-pareho rin. Gaya ng mag-inang nakasakay ko sa dyip (malimit mangyari ito). Kumakain sila ng tinapay at umiinom ng nakaplastik na softdrink, at pagkatapos, kinuha ng ina sa bata ang plastik at basta initsa sa labas ng dyip. Kanino nga matututo ang ating mga kabataan na kumilos nang tama?

Maraming tinitingalang tao sa aming bayan ang siya pang sanhi ng pagdumi ng ilog at pagkasira ng kapaligiran nito. Wala sa lugar ang kanilang pagpapadaloy ng dumi mula sa kanilang mga babuyan/hayupan. Tapos makikita mo pang sila rin ang mga taong simbahan na iginagalang ng mga relihiyoso dahil sa kanilang malaking ambag sa mga proyekto ng parokya. Akala nila, kapag nakapagdoneyt ng singkwenta mil para sa rebulto ng santo, pagpapalain na uli sila ng dagdag na kita sa kanilang negosyo na ang sinisira’y kalikasang gawa ng mismong Diyos na pinaglilingkuran nila (kuno).

Wala akong narinig na sermon o paalala mula sa mga awtoridad, ng simbahan man o ng gobyerno. Ibig sabihin, ako lang siguro ang nababahala. Marahil, konting-konti lang tayong apektado ng nabanggit na mga kasalaulaan. Kultura na ang kalaban natin, at paano pa natin mababago ito? Ano-ano pang wala-sa-lugar na gawain ng Pinoy ang nasaksihan mo?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *