Inaalis ng Matatanda ang Pagkatao (Humanity) ng mga Bata

“Kung ano’ng mahalaga ay siyang hindi nakikita” (what is essential is invisible to the eye). Iyan ang leksyong namumutawi sa klasikong novella ni Antoine de Saint-Exupéry, Ang Munting Prinsipe (1943).

Dalawang pelikulang hango sa akdang ito ang napanood ko. Ang pinakabago syempre ay dinirek ni Mark Osborne sa taong ito, isang 3D animation na nagsikap na mailarawan para sa kasalukuyang henerasyon ang “malalim” na pilosopiya sa likod ng “Ang Munting Prinsipe.”

Masarap basahin ang aklat at may pakiramdam kang nangyari nga ito–hindi kathang-isip lang. Gayunman, gaano man kakulay at kahiwaga ang mga dibuhong pambata, hindi talaga para sa bata ang mensahe nito. Ipinapakita sa atin nito ang mundo mula sa mga mata ng bata, ng munting prinsipe.

Kaya tila hindi natin agad ito maintindihan. Lubhang mahiwaga para sa matatanda ang mga pananaw ng bata.

Nakakaramdam ako ng desperasyon tuwing matatanto kong ang lahat ng ating suliranin ay kagagawan ng matatanda (mawalang-galang na po), marahil ay yaong mga nauna sa atin, marahil ay ang mga magulang natin, o yaong mga nauna pa kaysa sa kanila–ang kanunu-nunuan ng lahi ng tao. Maaaring itanggi ito ninuman, sasabihing “mas tama nga ang aming pananaw noon, hindi gaya ngayon.”

Pwede rin namang isang araw, basta nagbago ang lahat. Ano ba ang nagbago?

Simple lang: tumanda tayo. Hindi na tayo bata. Sa paglaki natin, inalis ng nakararaming magulang, guro, pari, politiko at negosyante ang ‘pagkamangha’ natin sa buhay. Binura nila ang ating mga pangarap at iginuhit sa lugar ng mga iyon ang kung ano’ng hinihingi ng praktikal na mundo, mga bagay na umano’y siyang higit na kailangan para mabuhay.

Pangarap kong maging pintor nang bata pa ako. Araw-araw, gumuguhit ako noon, kung hindi man talagang nagpipinta. Nang magkolehiyo ako, hindi ko nakuha ang kursong Fine Arts dahil wala kaming pera para tustusan ito. Isa akong promdi noon sa Maynila at inosenteng inosente sa galaw ng mundo. Nauwi ako sa pangalawang hilig ko, na hindi magastos pag-aralan: ang magsulat.

Mapalad pa ako kung tutuusin, dahil nagagawa ko hanggang sa pagtanda ang ginagawa ko nang bata pa ako (liban sa pagguhit). Subalit para sa karamihan, matagal na nila iyong kinalimutan. “Batang hilig lang ‘yan. Pagtanda mo, mawawala rin.”

5.0.2

Para saan? Para sa paghahanap ng ikabubuhay (o ikayayaman): sa araw-araw na pagtalima sa maagang alarma, paspas na almusal, pagtitiis sa trapik, pagpunch-in ng oras, pagbibilang, pagpapasok ng datos, pagkain sa paboritong mesa ng kantina, at magbibilang uli pagkatapos, magpapasok na naman ng datos, kakain uli sa kantina o pipila para sa kapritso ng mahal na kape, pang-alis ng antok para sa lumilimit na obertaym, hanggang magpunch-out, byahe uli, konting usap sa bahay pagkauwi, konting sex, konting tulog lang at gigising na uli…

Ganyan araw-araw para sa nakararami, maliit man ang sweldo o malaki. Iniisip nating nasa paglaki ng kita ang paglaya sa ikot na iyan ng buhay. Tinatandaan nating maigi ang leksyon at ipinapasa iyon sa ating mga anak.

Madalas natin itong naririnig: “Ano? Kukuha ka ng HRM? Para ano? Para maging weyter?” O kaya: “Natututuhan naman ‘yan sa bahay, ba’t ka pa mag-aaral maging cook? Iba na lang ang kunin mo.”

Kaya isinasabuhay ng mga anak ang mga pangarap ng kanilang mga magulang nang hindi nila namamalayan. Aakalain nilang iyon talaga ang gusto nila sa pagdaan ng mga araw.

Walang-wala sa hinagap ng matatanda (na akala’y napakahalaga ng natutuhan nila sa buhay) ang pangangailangang pinupunan ng sariling pangarap sa pagkatao ng mga bata. Pawang natanggalan ng pagkatao, walang ubos ang kanilang paghahangad, pagkat pilit pinagtatakpan niyon ang kahungkagang nararamdaman. Gayong hindi materyal ang orihinal na naranasang kasalatan (deprivation), pilit itong tinutugunan ng paghahakot (hoarding) ng materyal.

Negosyo ang nakikinabang sa ganyang kalakaran, na paulit-ulit naglulunsad ng mga serye ng isang produkto na ginagamit nating ID ng ating pagkatao. “Nabili mo na ba ang latest? Ikaw na!” Kung kaya ineeksployt pa ito, kinukurakot ang lehislatura para repasuhin ang sistema ng edukasyon ayon sa hinihingi ng mga industriya.

Gaya ng ipinakita sa pelikula, lumalaki ang mga bata para maging tulad lang ng matatanda, nag-aaral para magtrabaho, hindi upang maging ganap ang pagkatao. Habang nakatali ang edukasyon sa negosyo, lalo lamang nitong inilulubog tayo sa materyalismo. Ang inaakala nating pagbabago ng buhay ay pagpapanatili pala–pagpapatuloy ng kalagayang pabor lang sa kasakiman ng iilan.

2 Comments

  1. Nicetas A. Castillo

    noong nag-aaral ako at kaya pagiging guro ang kinuha kong kurso ay sa paniniwalang “teaching is the noblest propesyon”noong nagtuturo na ako,nagkasakit ako,nakapagbasabasa ako nagbago ang lahat.nasa tao ano mang propesyon kung gusto mong maging noble ka.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *