Tatlong Malalaking Misteryo ng Inosente Nating Mundo

ALIPIN NG PERA. Ano ang pera? Noong unang panahon, wala pang pera, pero hindi ibig sabihin, wala nang buhay. Sa pamamagitan ng barter, “binibili” ng isang tao ang kalakal (produkto) ng kanyang kapwa gamit ang sariling kalakal. Ang tumbasan ng halaga ay nangyayari habang nagbibilihan, at kalaunan, depende sa sirkumstansya, naitatakda ang kahigitan ng halaga (presyo) ng isang kalakal kumpara sa iba pa.

Bago pa gumawa ng pera ang tao, baka (unga…) ang ginagamit na pambayad, at sa maniwala ka’t sa hindi, pati ang tae nito. Syempre, nang una, isa lang sa mga kalakal ang metal. Dumating ang panahong masyadong umangat ang pagpapahalaga ng mga tao sa metal (ginto, pilak, tanso atbp.) kaya sapat nang ito na lang ang ibayad sa iba’t ibang pangangailangan. Marami syempreng bentahe ito, dahil una, hindi mo kailangang alagaan o pakainin gaya ng baka, saka pwede mong pagpira-pirasuhin depende sa dami ng bayarin. ‘Yun nga lang, kailangan mo pa rin itong minahin at pandayin.

Kaya habang nagiging sopistikado ang ating pamumuhay, uuwi at uuwi talaga ang tao sa “minting” ng pera. Sa ating kalendaryo, 1,000 taon bago dumating si Kristo, bronze ang gamit sa Tsina. Hindi hugis bilog ito kundi pahaba na tila mga munting punyal. Makalipas pa ang mga 500 taon, ang Tsina pa rin, kasama ang India at ibang lungsod sa paligid ng karagatang Aegian, ang unang gagamit ng barya (coin) bilang kabayaran sa biniling produkto at serbisyo.

Malinaw nating nakita sa kasaysayan na ang halaga ng pera ay direktang katumbas ng halaga ng mga produkto at serbisyo. Gayunman, hindi natin namalayan (hindi talaga ipinamalay sa atin) na may binago ang mga gobyerno sa sistemang lumilikha at nagpapairal ng pera. Pinakamadaling ipaliwanag ang naganap na pagbabago kung titingnan natin ang papel ng ginto sa paglikha ng pera. Sa isang banda, alam mo bang sa ating panahon ay wala nang “gold standard”?

Ano ang kaibahan ng mayroong batayang ginto sa umiiral na pera? Ang pinakaimportanteng sagot: hindi bumababa ang halaga ng pera. Dati kasi, kung gaano karami ang reserbang ginto natin, ganoon din karami ang perang pwedeng umiral sa bansa. Ano ang silbi nito sa mga tao? Hindi bumababa ang halaga ng ginto, kaya ang “pisong” kabahagi mo sa gintong nasa kaban ng bayan, hindi rin bababa ang halaga kahit gaano katagal mo man ito gastusin.

Dahil wala nang batayang reserbang ginto (o maging dolyar), maraming nagsasabing “iniimprenta” na lang ngayon ang pera, o ginagawa mula sa hangin (dahil wala itong batayan). Habang pinaiikot ng mga banko ang pera mula sa depositor hanggang sa nangungutang, napararami nila ito base sa laki ng ipinatong na interes sa pautang. E ano ngayon? May problema ba? Malaki!

Halimbawang nangutang ka sa banko ng dagdag-puhunan sa iyong negosyo, paano ka makababawi sa malaking interes na binabayaran mo? Syempre, tataasan mo ang presyo ng produktong ibinebenta mo. Sa simpleng halimbawang ito natin makikita ang “inflationary” na katangian ng interes na ipinapataw ng mga banko. Hinihigit nitong pataas ang presyo ng produkto at serbisyo. Kaya kahit gumawa sila nang gumawa ng pera, paliit nang paliit ang halaga, at pakonti nang pakonti ang kayang bilhin nito.

Akala mo mabibili mo na ang mga bagay na hindi mo mabili 10 years ago, ngayong napromote ka at nabigyan ng dagdag na umento… huwag kang masyadong eksayted. Kung 200 porsyento lang ang itinaas ng sweldo mo, makaluluwag ka nang konti pero pustahan tayo–kulang pa rin iyon!

Ang sistema ng pagbabanko ay isa ring pyramid scheme na ang nakikinabang ay ang malalaking koneksyon nito. Ang pagbaba o pagtaas ng interes sa banko ang nagsisilbing senyales para sa kanila kung kailan sila dapat bumili ng mga pag-aari sa merkado. Hindi ito alam ng mas nakararaming maliliit na tanging sa sweldo lang nila umaasa–at sa pautang ng banko na siya talagang sanhi ng kanilang kakapusan.

Panoorin mo ang premyadong dokumentaryong ito at mas mauunawaan mo ang sinasabi ko…

HINDI TAYO NAG-IISA. (Itutuloy)