Masa Laban sa Institusyon: Bastos Versus Disente

Nakatutuwang nakaiinis ang nangyayari ngayon sa bansa. Nakatutuwa dahil malinaw nating nakikita ngayon na ang dating dominanteng grupo na naghari-harian noon sa ating mga institusyon ay isa na lamang maingay na minorya. Maingay, dahil sila pa rin naman ang mga kinikilalang “awtoridad” sa larangan ng politika, edukasyon, sining at kultura, kasaysayan at relihiyon. Nakaiinis dahil iniisip ng mga hambog na ito na sila lamang ang dapat pakinggan, silang may hawak ng mikropono at nakapagsasalita sa mariringal na bulwagang pambayan, entablado, pulpito, at mga pahina ng peryodiko.

Ipinagpapatuloy nila ang salaysay ng kaapihan mula sa diktaduryang rehimen ni Marcos, na umano’y “ibinabalik” ni Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa kanyang panunungkulan. Subalit kakatwa, ang sinasabi nilang kaapihan (killing the poor and innocent, silencing dissent) ay tila sila lang ang nakaaalam. Hindi ito nakikita ng masa na ipinagpapalagay nilang “nagayuma” (nalinlang) ng mga propaganda ng pagbabago na nagluklok sa “bastos” at “sangganong” si Rodrigo sa palasyo. Bastos ayon sa kanila, dahil nagsasalita siya sa isang magaspang na wika, at higit sa lahat, namumutang-ina sa kahit kaunting panggagatong. Sanggano, dahil wala umano siyang respeto sa buhay. Ano nga ba ang kanyang sinabi noong siya’y kandidato sa katunggaling si Mar Roxas? “Kung hindi mo kayang pumatay, hindi mo kayang magpangulo.”

Nakakuha ng 16 milyong boto si Duterte. Mahigit anim na milyon ang lamang niya kina Mar Roxas at Grace Poe. Dahil sa ilang iregularidad na nangyari sa eleksyon, may duda ang iba na hinilot ni Comelec Commissioner Andy Bautista sa pamamagitan ng opereytor na Smartmatic ang mga boto para sa Liberal Party, sa tangkang panalunin si Roxas. Kaya tinataya ng mga tagasuporta ng pangulo na mas marami pa ang aktwal na natanggap niyang boto–hanggang 20 milyon. Kung totoo ito, ito marahil ang paliwanag sa hindi natitinag na trust rating ng pangulo bagamat nalagpasan na niya ang tinatawag na “honeymoon period”. (Hindi pinaniwalaan ng masa ang Q3 survey ng Social Weather Station na nagpapakita ng double-digit na pagdausdos ng rating ni Duterte mula 75-60 porsyento, dahil malisyoso umanong isinabay ng ahensya ang survey sa mainit na isyu ng pagpatay ng ilang pulis sa mga menor de edad na suspek sa droga. Kasunod nito ang survey ng Pulse Asia na nagpanatili kay Duterte bilang pinakapinagkakatiwalaang opisyal ng gobyerno sa rating na 80%.)

Ano-ano ba ang komposisyon ng minoryang ito? Bakit ganoon na lang ang pag-ayaw nila sa pangulo? Bagamat kakaunti, bakit tila napakalakas ng kanilang loob? Gaano kalakas ang pwersang ito para ituring silang malinaw na banta sa pananatili ni Duterte sa puwesto?

Pangunahin ang Liberal Party (LP) sa grupong ito na nais bumigo sa mga hakbangin ng administrasyong Duterte. Mula kay Pangulong Corazon Aquino, kilala ang partido sa pagtataguyod ng mga prinsipyong hindi na kailangang pagtalunan pa, sapagkat unibersal at “katanggap-tanggap” sa kahit kanino, mga “motherhood statement” tungkol sa pagtindig para sa demokrasya, karapatang pantao, pag-ahon sa kahirapan at iba pang pampalasang cliche sa bawat privilege speech at political rally, pinalalapot, pinalalabnaw o pinaaanghang depende sa putaheng niluluto ng oposisyon.

Mula noong 1986, ang tinaguriang EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa mga Marcos, ay naging shared legacy ng mga Aquino at ng Simbahang Katoliko. Kaya hindi katakataka ang pagpapagamit ng Catholic Bishops Conference in the Philippines (CBCP) sa Liberal Party mula pa noong eleksyon ng 2016 para mapigilan si Duterte. Kabilang dito ang mga opisyal na pahayag na pastoral na pumupuna sa ugali at plataporma ng ibang kandidato, na halatang salungat kay Duterte, at nagtataguyod sa kung ano ang “disente”.

Nagkamali ang LP at CBCP sa kalibrasyon ng salitang “disente” dahil nabigo itong puntiryahin ang umano’y hindi katanggap-tanggap na ugali ng isang kandidato (si Duterte). Sa halip, sumabog ito bilang isang “pag-uuri” na kaipala’y ang mga tagasuporta ng LP ay disente, samantalang mga bastos at sanggano ang mga tagasunod ni Duterte. Kinutya ng mga maka-Duterte ang paimbabaw na paggamit sa “disente” na naging katumbas ng pagkukunwaring malinis (hypocrisy). Sa kanilang paningin, naging mapagkunwari si Mar Roxas, gaya ng isang karaniwang politiko, samantalang narito si Rodrigo Duterte–nagpapakatotoo!

Hanggang ngayon, hindi pa rin nagigising ang LP. Ipinagsisiksikan pa rin nila ang kanilang mga sarili sa gayong kakitid na konsepto na kinakatawan ng “kapinuhan” ng kanilang bise presidente at tagapagmana ng trono, si Leni Robredo. Habang ginagawa nila ito, tuloy ang dedikadong trabaho nina Antonio Trillanes, Risa Hontiveros at Bam Aquino bilang mga tagaatake ng mga kontrobersyal na polisiya ni Duterte na pwedeng magpasama sa kanya. Ginagawa nila ito sa labas ng kanilang mga gawaing parliamentaryo sa Senado bilang mga miyembro ng minorya. Tunay ang sinasabi ni Sen. Dick Gordon tungkol sa mga gawaing ito: ang hindi nila madepensahan sa loob ng Senado, dinadala nila sa labas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *