Masa Laban sa Institusyon: Si Antonio Trillanes

Si Antonio Trillanes mismo ang nagsabi sa isang panayam na ang maghapong kudeta na tinaguriang “Oakwood mutiny” noong Hulyo 27, 2003 (kasama ang Manila Peninsula siege noong 2007) ang natatangi at pinakamahalaga niyang nagawa sa kanyang buhay. Kahit pa nga tinawag itong “pathetic” ng host ng BBC Hardtalk, Stephen Sackur, sa mismong panayam niya kay Trillanes (basahin: Antonio Trillanes: 24-minute disaster on BBC).

Si Trillanes ang tataguriang pinakamaingay (bagamat sobrang inarticulate) na frontliner ng oposisyon at pambansang asungot (national nuisance), kapalit ni Leila De Lima na nakakulong at nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal na may kinalaman sa droga. Noong eleksyon, mas sineryoso ni Trillanes ang paninira kay Duterte kaysa sa kanyang talunang kampanya para sa posisyon ng Bise Presidente.

Paulit-ulit niyang itatanggi na nagprisinta siyang maging running-mate ni Duterte, na ang hindi pagsang-ayon ni Duterte ang dahilan ng kanyang pagkaulol laban dito. Ngayon, bilang miyembro ng minorya, ang misyon niya ay madiskaril ang mga hakbang ni Duterte kaugnay ng dalawang pangunahing pangako niya sa kanyang mga botante: tapusin ang problema sa droga, at wakasan ang kurapsyon sa gobyerno.

Paano ito gagawin ni Trillanes? Sa pamamagitan ng pagpipinta sa pangulo bilang kabaligtaran ng kanyang mga ipinangako. Sa mga pagdinig sa Senado tungkol sa isyu ng nakalusot na P6.4 bilyong shabu, pilit niyang ginawang sensasyonal ang malabnaw niyang presentasyon na nagsasangkot sa anak ni Duterte na si Paolo at manugang na si Mans Carpio sa mga tara o suhulan sa Bureau of Customs, kabilang na ang akusasyong miyembro mismo ng drug triad si Paolo (at ang tattoo sa kanyang likod ang patunay dito). Kulang na lang ay sabihin ni Trillanes na kay Duterte talaga ang naturang shabu shipment at tawagin ang presidente na “lord of all drug lords” (gamit ang template ni Chavit Singson na tinawag si Estrada na “lord of all jueteng lords”).

Hindi rin tinatanggap ni Trillanes ang anumang closure sa alegasyon niya ng tagong yaman ni Duterte, mula sa mga pahayag ng Bank of the Philippine Islands (BPI) at ng Anti Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng parehong pekeng dokumento, sa magkaibang pagkakataon. Sa palagay ko, talagang peke ang dokumento dahil AMLC lang ang puwedeng kumuha nito sa utos ng korte. Hindi rin ginagarantiya ng pagpirma ni Duterte sa waiver na sasang-ayunan ito ng banko. Ang inihahamon ni Trillanes kay Duterte ay banta sa bank secrecy at magiging isang delikadong precedent para sa bawat mamamayang Filipino (puwede ka nang puwersahin ng kahit sino na ilabas ang nilalaman ng sarili mong bank account).

Kung hindi peke, malinaw na may nilabag si Trillanes sa pagkuha ng umano’y bank records ni Duterte. Alam na nating ang ebidensyang nakuha sa ilegal na paraan ay hindi pwedeng tanggapin sa korte. Idagdag pang ang mismong lifestyle ng pangulo at ng mga miyembro ng kanyang pamilya, ang kanilang magagandang nagawa sa Davao City at ang nagkakaisang pagmamahal ng mga tagalungsod sa kanilang meyor at pangulo, ay taliwas na taliwas sa mga paratang ng katiwalian at kalupitan. Sabi nga ni Duterte, “Kung meron akong isang bilyon, hindi na dapat ako nagpresidente.”

Magkaanu’t anupaman, mukhang “stick to the program” ang instruksyon kay Trillanes–hindi niya tatantanan si Duterte anuman ang kahinatnan ng kanyang mga alegasyon. Kasabay nito, hinihila rin ni Trillanes sa kumunoy ang reputasyon ng Rappler, PDI, ABS-CBN at iba pang mga galamay ng anti-Duterteng midya na tumutulong sa pagpapalaganap ng kanyang mga kasinungalingan sa ngalan ng transparency, malayang pamamahayag, at mahabang tradisyon ng “yellow journalism”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *