Masa Laban sa Institusyon: Demolisyong Risa at Bam

Tila naitakda na ang papel ng bawat isa sa destabilisasyong pinangungunahan ng minorya. Noong una, parang tandem lang ito nina Senador Trillanes at De Lima. Pero nang makulong ang huli, naging tambalang Trillanes-Hontiveros sa Senado  na katuktok naman ng Lagman-Alejano sa mababang kapulungan. Sa lahat ng nasasaksihan natin, swabe at disimulado ang laro ni Senador Bam Aquino. Halos hindi natin siya mapagdiskitahan dahil hindi siya kasinggarapal ni Trillanes.

Pero nang umangal ang pitong pro-administrasyong senador tungkol sa umano’y hindi nila pagpirma sa isang anti-EJK na resolusyong inisponsor ng minorya, na malisyosong ipinakalat ng blog at FB page na kilala sa hashtag na #SilentNoMorePH, tila nahubaran ng maskara si Bam nang sabihin ni Sen. Cynthia Villar sa Senado na may nakapagsabi sa kanya na may plano sina Bam at Risa na pabagsakin ang mayorya. Kung babalikan ang naturang sesyon, tama naman ang paliwanag ni Bam na hindi dapat masamain ang hindi pagpirma sa isang resolusyon dahil resolusyon lang iyon na puwedeng iendorso nang nag-iisa at hindi nangangailangan ng boto. Pero dapat idiniretso niya ito sa pagtukoy na “may nagpalabas nito sa social media at dapat nating alamin kung sino iyon!” Pero hindi naman niya ito sinabi, di ba? Kasi, alam niya kung sino iyon.

Halatang-halata sa unang pagdinig ng Senado tungkol sa isyu na iniiwasan ng oposisyong matuon ang usapan sa kung sino sa kanila ang nagsiwalat sa social media, partikular sa #SilentNoMorePH, ng umano’y hindi pagpirma sa resolusyon. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng paglalabas ng sarili nilang “misgivings” sa pro-Duterte bloggers, sa pangunguna ni RJ Nieto alyas TP (Thinking Pinoy) na hindi naman ipinatawag doon para imbestigahan kundi para magbigay-linaw lang sa isyu bilang mga resource person. Sila tuloy ang nagisa dahil hindi dumating ang taong dapat siyasatin ng Senado. Hanggang sa sinusulat ko ito, walang klu ang lahat kung nasaan ang may-ari ng SilentNoMore.ph at iba pang anti-Duterte websayt, si Cocoy Dayao.

Mula kay Cocoy Dayao hanggang kay Jover Laurio, isa pa ring anti-Duterte blogger na nagtago sa alyas na Pinoy Ako Blog, pasulpot-sulpot ang pangalan ni Bam Aquino. Kamakailan, nagpatawag pa siya ng press conference para lang sabihing nahack ang kaniyang email–bakit pa? Ano pa ang mas malaking plano sa likod nito, sa harap ng pagdinig sa Senado kaugnay ng fake news at iba pang cyber activities?

Planado at magkakaugnay ang mga pagkilos ng kakaunting anti-Duterte base sa ating mga nasasaksihan, parang may sinusunod na playbook, hindi tulad ng sa mga pro-Duterte na spontaneous at itinutulak lang ng marubdob na pagmamahal sa presidente (puwedeng fanatical pero hindi “trolls”). Base sa consistent nilang ginagawa, si Trillanes ang ulol na attack dog; si Hontiveros ang charmer ng masa at civil society, pati ng Simbahang Katoliko; at ang hindi mapagsususpetsahang si Bam ang bahala sa socmed. Hinihingi ng sitwasyon ang papel ng tulad ni Bam para basagin ang dominasyon ng mga pro-Duterte sa social media. Kung hindi si Bam, sino?

Naniniwala akong may matibay na basehan ang sinumang nagbulong kay Sen. Villar ng umano’y demolisyong ikinakasa nina Bam at Risa laban sa mga senador na sumusuporta sa administrasyon. At kung sino man ang may hawak ng playbook, napakalaki ng pusta niya sa ikinakasang destabilisasyon, at ang premyo: ang ulo ni Duterte at ang kontrol ng pinakamataas na puwesto ng mabuway pa nating gobyerno.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *