Ang Balita ng Pagpanaw Mo

MANILA, Philippines – Ophelia Alcantara-Dimalanta, one of the country’s premiere women poets, died of a stroke on Thursday (Nov. 4, 2010). She was 76. – ABS-CBN News

Nang marinig ko ang balita,
ni hindi metriko romanse
kundi metro ng kuryente ang binabasa ko.
Iyon din ang sanhi ng kunot sa noo ko,
at naalala ko tuloy ang mukha mo
nang minsang iabot sa iyo ang resibo
para sa pagkumpuni ng kotse mo.
Habang tinitiyak kong may kakainin
ang pamilya ko sa mga darating na araw,
naisip ko rin ang maraming tanghaliang
ating pinagsaluhan: adobo, binagoongan,
(at matagal ka na ‘kamong
di nakatikim ng tulingan?)
Tila wala kang iniwasang alat – pagkain, luha –
di ko talos lahat, at sa pagitan ng mga subo,
gugunitain mo ang kabataan mo
sa ating lalawigan, ang matandang bahay,
ang tatay mong inhinyero, ang awto
at ang humahangang mga tao,
pumapailanlang sa aking balintataw
na tila black-and-white na pelikula.
Nagniningning ang mga mata mo,
kasabay ng bungisngis, at kita ko
kung paanong muli kang naging bata.
Higit sa isang tula ang ating pinagsaluhan,
at paano ko tatanggapin ang balita tungkol sa iyo
sa isang mundong walang workshop at Palanca?
Na ang araw-araw na problema sa pera,
mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho,
at hanggang sa kalungkutan ng nanay ko
sa kamatayan ng kanyang aso – ay mga palamuti lang
sa ma-ismong tula ng maangas na makata.

Ni hindi ito ang klase ng tulang gusto mo,
ngunit may kirot na kung paano sa puso ko
habang nakatingin sa metro ng kuryente
at iniisip ang biglaang pagpanaw mo.

Nobyembre 2010

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *