Ang Kalayaang Magpahayag

Tapos ako ng kursong pamamahayag, at aaminin kong wala akong nakamit na anumang katangi-tangi kaugnay nito. Gayunman, isang disiplinang natutuhan ko mula rito na gamitin ang tunay kong pangalan sa anumang sinulat ko. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, wala akong ipinahayag tungkol sa aking bayan na hindi ko inako at pinangatawanan ng aking pirma.

Hindi ito pagmamayabang, kundi isang paghahalimbawa kung paano natin dapat gamitin ang ating karapatan, na ibig kong sabihi’y dapat na “tayo,” ang mga mamamayan, ang magpahayag – hindi ang ating mga kinatawan, hindi ang mga aktibista, at lalong hindi ang sinumang may isinusulong na “pansarili” o “ibang” interes.

Ang politika ay hindi larangan ng mga politiko lamang, at para sa isang tulad kong walang lantad o tago mang yaman, walang impluwensyang politikal, at hindi kandidato para sa anumang posisyon – sapat nang sukli sa kaunti kong pagod ang makaagapay sa pagpapasya ng mga mayhawak ng kapangyarihan, at sa kamulatan ng ating mga kababayan.

Sa lahat ng aking ipinahayag, natitiyak ko sa aking sarili na ginamit ko ang aking kakayahan hindi para manira, kundi para magbuo; hindi para pagtakpan ang mali, kundi para ituro ang tama. Kahit kailan, walang humawak sa aking pag-iisip. Nanatili akong malaya mula sa kanilang lahat, kaibigan man nila akong maituturing, o kaaaway.

Nagpapatuloy sa blog na ito ang pagpapahayag ko ng parehong kalayaan. Muli kong isinisilbing halimbawa ang aking sarili sa ikapapanuto ng ating mga kababayan: na kung nais nilang mapakinggan, dapat silang magsalita. Huwag nating hayaang “magamit” ng iba ang ating mga daing, dahil tuwing mangyayari ito, natutupad ng iba ang kanilang mga layunin.

Sa huli, tayo lamang–ang mga mamamayan–ang tamang panukat. Tayo ang inilalarawan ng saligang batas. Atin ang mga karapatan bilang mga tagapagmana ng Kalayaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *