Ang May Hawak ng Solusyon

Isang natatanging kuha ng manunulat habang nilulusong ang maruming Ilog Ibaan.

Kapag naroon ka na sa gitna ng ilog at nakadilat sa iyo ang maitim na kontaminasyon… ang makapal, malagkit at mabahong burak, kahalo ang pinagpalitang dayaper at iba pang basurang sadyang itinapon doon, tulad ng isang karumal-dumal na krimeng walang umaako… ang pakiramdam mo sa sarili mo, isa kang superman na may magagawa pang paraan bago matapos ang takdang oras.

Patuloy na lumilipas ang panahon, habang binabalikan ko ng tanaw ang unang “lusong” ng taong 2014, unti-unti akong natatauhan–hindi talaga namin kayang linisin ang ilog. Kahit balik-balikan namin at sikaping saklawin ang buong kahabaan nito, walang mangyayari. Kapag hindi na namin ito nabalikan, alam naming babalik lang ang ilog sa dati.

Tanging isang mabuting pinuno ang makalulutas sa suliranin–kung paiiralin niya ang batas. O kaya’y isang responsableng magbababoy, na isang mabuting kapitbahay, ang may hawak ng solusyon–kung ihihinto na niya ang pagkakalat ng polusyon.

Subalit habang walang mabuting pinuno, walang responsableng magbababoy, at walang pakialam sa isa’t isa ang magkakapitbahay, wala kaming magawa kundi ang lumusong uli–hindi upang maglinis lang… kundi upang sikaping mailahad sa bayan ang problema, gamit ang pinakamalinaw na ebidensya: ang kulay at samyo ng ilog sa iyong harapan at ang nababanaag mo roong malabong kinabukasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *