Loading...

User blogs

Admin Support

Pebrero 11, 2017, Coliat, Ibaan, Batangas, PILIPINAS. Talumpati ni Manolito Sulit, tagapagtatag na pangulo ng Klub Iba, sa okasyon ng ikalawang gabi ng tula at musika na ginanap sa punong himpilan ng samahan sa loob ng bakuran ng pamilya Sulit.

Manolito Sulit Writer

Una kong nakilala si Cirilo F. Bautista nang nag-aaral pa ako sa UST. Iyon ang ikalawang Thomasian Writers Workshop, kung hindi ako nagkakamali, sa tag-araw ng 1992. Katamtaman ang haba ng kanyang buhok na takip-tenga mula sa dekada sitenta, naglalaban ang puti at itim maging sa bigote; naka-barong na kulay krema at kulay-abong pantalon, sa kapuna-punang tindig at hakbang na tila anyo ng isang nutcracker, habang nilalandas ang koridor ng AB Bldg. patungo sa tanggapan ng dekana (na nagkataon noong si Ophelia Dimalanta).


Narito ang isang seryosong manunulat na walang inaksayang oras, kahanga-hanga sa pagkamabunga at sa lahat ng karangalan at papuring tinanggap niya. Nararapat siyang gawing huwaran ng sinumang gustong makalikha ng maraming obra at ng isang makabuluhang buhay-manunulat. Ang kinaroroonan niyang tugatog ay isang Everest na pangarap maakyat ng sinumang mountaineer–at hindi siya mapapakali, hindi lubos ang kanyang pagkatao, hangga’t hindi niya nararating ang ituktok niyon.


Gayon na lang ang larawan ni Cirilo sa isip ng isang manunulat, kung kaya ang bawat pagtawag o pagdalaw sa kanya ay tila isang pagsusulit–parang pagharap na nga sa Diyos. Karaniwang natatagpuan ko ang sariling tila masahol na masahol, salat na salat sa sarili kong buhay-manunulat, at nangangapa ng masasabi, ng kahit kaunting maipagmamapuri sa harap ng isang Cirilo Bautista. Gayunma’y pinapanatag din niya ang pagkabagabag na iyon, ng baha-bahagyang tawang pumapatlang sa kanyang pagsasalita, ng tila bumbilyang pagliliwanag ng kanyang mga mata, at ng alam mong pagpapakaabala niya at ng kanyang maybahay na si Rosemarie para sa iyong pagdating.


Kahit ngayong wala na ang pamosong buhok at bigote na nagpakilala kay Cirilo sa atin, at nakakamukha na siya ng isang monghe o isa sa Fu Lu Shou, naroon pa rin ang malinaw na boses na nagtuturo. Tandang-tanda ko pa nang makasabay ko siya noon isang hapon sa Booksale, Makati Cinema Square, taong 1993. Hinihintay niya noon ang paglabas ni Rosemarie sa opisina. Bumaba muna kami sa Mr. Donut at inilibre niya ako ng hot choco at chocolate twist, habang pinagkukuwentuhan namin ang mga nagdaang worksyap.


Metikuloso at istriktong panelist ang reputasyon ni Cirilo saanmang worksyap. May bias siya sa mahabang tula, nasabi niya sa akin noon. Syempre, bawi niya, meron ding magaling sa maikling tula. Sadya raw iniiwasan niyang pumuri. Gusto niyang maghintay. Gusto niyang makita muna ang katapatan ng kabataang makata. “Makalipas ba ang sampung taon, nagsusulat pa rin siya?” tanong niya.


Mas madalas ko pang makikita si Cirilo dahil sa di inasahang pagtuturo ko sa Pamantasang De la Salle pagpasok ng taong 1993. Bago ako umalis noong 1997, nabuo ko ang sariling koleksyon ng mga tula sa ilalim ng fellowship ng pamantasan. Hinanap ko siya sa kanyang klase at binigyan ng kopya para magawan niya ng blurb. Pero ilang taon din bago ko ito balikan sa kanya, nang una ko siyang puntahan sa kanyang tahanan sa kanto ng Kanlaon para ituloy ang paglalathala ng aking aklat noong 2005.


Iyon ang binabalikan ko sa alaala nang magkasama kami ng makatang si Jason Chancoco sa taxi patungo sa lugar ni Cirilo, mula sa kumperensya ng UMPIL sa UP, Agosto 30, 2014, iyong pagkakataong sinundo ako ni Cirilo sa kalye ng Mayon gamit ang bago at usong-uso noong RAV4 (na balita ko’y nabili niya mula sa isang malaking premyong napanalunan niya sa isang obra). Iginigiit naman ni Jason na CR-V raw ang kotseng gamit ni Cirilo nang minsang sunduin din sila ng makata. Magiging paksa pa naming tatlo nina Cirilo ang pagkakabenta sa dalawang kotse dahil hindi na nga siya nakapagmamaneho. Sabi ko, tinimbre n’yo sana sa amin. Sumang-ayon naman si Jason at sinabing idradrayb niya ang kotse na may nakasabit na retrato ni Cirilo sa may dasbord.


Nakahain na sa mesa ang tsaa, kape at mga tinapay na handa ni Rosemarie nang dumating kami, alas tres ng hapon. Bahagyang maalinsangan ang panahon dahil sa mga biting pag-ulan, at nagpupunas kami ng pawis nang salubungin ni Rosemarie. Naaalala ko pa ang mga aklat ni Cirilo na pawang may nakasulat na “For Rosemarie” – “Para kay Rosemarie.” Pero habang minamasdan ko silang mag-asawa sa yugtong ito, hindi ko naiwasang sumagi sa isip ko ang sariling pagtanda.


Sa pagitan ng subo at higop, ninamnam namin ni Jason ang mga usapan tungkol sa wika, sa pagkamalikhain, sa timpalak, pagtuturo, paglalathala, at hanggang sa pagtataguyod ng sarili nating literatura. Noon pa man, hindi naniniwala si Cirilo na kailangan natin ang isang wika. “Bilingual tayo,” sabi niya. “Gaano na ba kalawak ang domain ng Filipino?” Gusto kong pasimplehin ang sinasabi niya sa ganito: hindi isyu ang wika sa manunulat. Mas mahalagang pag-usapan kung gaano kahusay ginamit ang wika: Ingles, Filipino, o anuman iyon.


Tama nga siguro, lalo na kung uungkatin ang pinagmulan ni Cirilo, kung paanong mula sa isang ordinaryong buhay, umangat siya bilang isang pangunahing makata sa Ingles at maging sa Tagalog na unang wika niya. Si Cirilo na rin mismo ang naglarawan sa buhay na iyon sa kanyang mga tula, at sa kuwento niya sa akin ng panahon niya bilang estudyante, na pumapasok siyang may nakaipit na pandesal sa bulsa ng kanyang pantalon.


Gusto kong ikatwiran sa kanya na dahil sa pagkahirati sa Ingles, nauwi lang sa gawaing akademiko ang pagbabasa para sa mas maraming Pilipino, bahagi lang ng pagpasok nila sa paaralan, isang “requirement”, isang bagay na sa oras na makapagtapos ka—hindi mo na uli gagawin. Ngunit hindi ako makikipagtalo kay Cirilo sa puntong ito. Totoo namang hindi problema ng manunulat ang wika. Problema ito ng mambabasa. Nangungulit pa rin ang isip ko: ano’ng nangyari sa ating mambabasa? Hindi ba’t Ingles din ang umagaw sa kanila? Ang pumatay sa “kasiyahan” ng marami sa kanila? Dahil ang bagay na ayaw gawin ni Cirilo sa wika—ang itakda o ipagpilitan ito—ay siya namang ginagawa ng ating mga paaralan para sa Ingles.


Para sa akin, iyan ang sagot kung bakit, gaya ng obserbasyon ni Cirilo, tila inilalaan ng “pambansang bukstor” ang mga pangunahing espasyo nito sa mga akdang dayuhan. Iyan din ang sagot kung bakit sa kabila ng mga akdang Ingles na sinulat ng ating mga awtor, mas binibili ng mga nagbabasang Pilipino (kabilang na ang ating mga manunulat) ang mga prominenteng nakadispley, pinag-uusapan at karaniwa’y hyped na mga libro ng mga dayuhan na nakasulat o isinalin sa Ingles, na mas nagiging bahagi pa ng reading program ng mga paaralan sa bansa. Para sa iba, ang pagbili ng mga akdang Filipino--kahit pa nakasulat ito sa Ingles, ay isang konsolasyon lamang sa kanilang pagka-Filipino.


Sabi ko, pagbalik ko, kung maaari’y isama ko ang aking mag-ina, at kukuhanan ko ng retrato ang anak ko sa tabi ni Cirilo. Para kung magiging manunulat din siya, isa iyon sa magiging pinakamahalaga niyang pag-aari, na tiyak kong ipagmamalaki niya sa kanyang mga kaibigan.


Napangiti si Cirilo dahil naalala niya ang isang dating estudyante na malimit umangkas sa kanyang kotse. Matapos mapabalita ang pagkahirang sa kanya bilang National Artist, muli niyang nakita ang estudyanteng ito, at ang sabi, ipinagyayabang daw niya sa kanyang mga katrabaho na minsan ay naging “drayber” niya si Cirilo—isang national artist.


Bitin ang isang oras para sa lahat ng katotohanan. Kailangan na naming magpaalam pagpatak ng alas kuwatro matapos kumisap-kisap ang kamera para sa ilang retrato. Gayunman, ang hinaharap ay malawak na parang ng mga posibilidad, at maging ng pagbabalik. Malimit sabihin ni Cirilo: “ang trabaho ng manunulat ay magsulat” na tila sinasabi rin niyang huwag mong pakialaman ang ibang bagay, maging tapat ka sa panulat mo at sa panulat mo lamang. Sa ngayon, pansamantala kaming pagkakaisahin ng simpleng katotohanang iyon, sa kabila ng aming mga predisposisyon.



Sina Mano, Rosemarie, Jason at Cirilo sa bahay sa kanto ng Kanlaon, Quezon City, Agosto 30, 2014.


Admin Support



The University of Santo Tomas Center for Creative Writing and Literary Studies (UST CCWLS) will be holding its annual National Writers Workshop on July 24-30, 2016 at Ridgewood Residence Hotel in Baguio City.

The following are the writing fellows and their institutional affiliations: Maria Tanya P. Cruz (UST) and Francis Paolo M. Quina (UP Diliman) for fiction in English; Maria Nikka P. Policarpio (UST) and Eric John B. Villena (Xavier University-Ateneo de Cagayan) for fiction in Filipino; Paul M. Jerusalem (Yale-National University of Singapore) and Timothy F. Ong (Ateneo de Manila/UP Diliman) for poetry in English; Jasper Emmanuel Y. Arcalas (UST) and Vanessa Anne Joice T. Haro (Southern Luzon State University) for poetry in Filipino; John Patrick I. Allanegui (Ateneo de Manila) and Jennie Arado (UP Mindanao) for creative nonfiction in English; and Giselle R. Dela Cruz (UST) and Rhea B. Gulin (Philippine Normal University) for creative nonfiction in Filipino.

The senior guest panelists of this year’s Workshop are UP University Professor Emeritus GEMINO H. ABAD, the distinguished poet/scholar/critic, and Philippine High School for the Arts Director V.E. CARMELO NADERA, JR., who is a former editor-in-chief of the Varsitarian and the founder of its annual Gawad USTetika Literary Awards. Abad and Nadera have both served as directors of the UP Institute of Creative Writing (UP ICW). The participation of this year’s senior guest panelists has been made possible through the sponsorship of the VARSITARIAN, official UST student publication, and its adviser, Joselito B. Zulueta.

Workshop Director is poet-critic Ralph Semino Galán, the Assistant Director of the UST CCWLS, and Workshop Coordinator is fictionist-playwright Chuckberry J. Pascual, one of the Resident Fellows of the UST CCWLS.

Aside from Abad, Nadera, Galán and Pascual, the rest of the teaching panel is composed of Cristina Pantoja Hidalgo, Director of the UST CCWLS, Augusto Antonio A. Aguila, Joyce Arriola, Ma. Ailil B. Alvarez, Mar Anthony Simon Dela Cruz, Joselito D. Delos Reyes, Dawn Laurente Marfil, Ned Parfan, John Jack G. Wigley, and Joselito B. Zulueta, all Resident Fellows of the UST CCWLS. 

The fellows are requested to get in touch with the Workshop Coordinator through landline 406-1611 loc. 8281 for further questions and updates connected to the Workshop.
Admin Support

Of the 2,500 titles in Baguio's Mount Cloud Bookshop, 80% are written by Filipino authors.It is no wonder then, that the National Book Development Board included this bookshop in their list of Top 6 Filipiniana Bookstores in the country."That is part of our advocacy and we exist to promote literacy. Baguio is a university town, so we want to be a proper bookstore with books in it," said Marisol Montilla, manager of Mount Cloud Bookshop.Books on history, Cordillera, Ilocano, and various others are available here, and they also promote local products.The bookshop is open from 10:30 in the morning until 8 in the evening daily.--report by Cristine Kim, ABS-CBN News

Admin Jun 10 '16 · Comments: 1 · Tags: philippine books, baguio city, filipiniana bookstore
Lorenzo A. Fernandez Jr. Writer

A man carries a cross

while others take turns

splitting his red back.

Lorenzo A. Fernandez Jr. Writer

Sabi ng lasing:  “Matagal nang

ibig kong magbago.  Matutupad

iyan sa Biyernes Santo.  Itaga mo

sa bote. Pero sa Huwebes Santo,

lalaklak ako nang todo

dahil papatayin ko ang demonyo

kinabukasan.”


Iyan ang kanyang pangako

tuwing hahataw ang singaw

ng Abril o Marso,

buwan ng pagtutuos.


Bulagta siyang puro sugat at galos,

daig pa ang napako sa krus.

Dalangi’y may magbuhos pa

ng banal na tubig ng boteng bubuhay

muli sa kanyang  dugo nang hindi

siya disyertong tigang

bago matulog.


Himalang nagising kinabukasan

at dagling pinawi ng banal na tubig

ang matinding uhaw at muling

humalik sa bote.

Lorenzo A. Fernandez Jr. Writer

Kung minsan, kailangan pang
mangatal ang boses o malasing ang isip
para maihayag ang totoong damdamin . . .
hindi lang basta damdamin kundi
katotohanang matagal nang
nakabitin . . . . Pero
ang tingin lang sa iyo’y lasing
o may tililing kung hindi ka  kayang palinyahin
sa kanilang ipinagmamalaking
tanghalan at hindi ka kayang bilugin
sa kanilang hulmahan.

Bilog pa rin ang mundo
pero sadyang sila’y ganoon at
ganito naman ako.

Lorenzo A. Fernandez Jr. Writer

 

Napadungaw si Allan sa bintana para tingnan ang ingay sa labas. Parang nahulaan na niya na ito’y isang walang kuwentang away lang ng mga sira-ulong lasing sa PR store, tapat ng kanilang bahay. Isang lalaki, kasingtanda niya, ang nagpakawala ng matinding suntok na tumama sa kanang panga ng mas batang kalaban. Sinubukan ng ilang manonood na awatin ang dalawa ngunit matagumpay na nakaganti ang mas bata ng isang tadyak sa dibdib ng kaaway.

            Napapailing si Allan. Noong isang linggo lang ay magkaibigan ang dalawang ito.

            “Ano ba iyan?” tanong ni Sarah, bunsong kapatid, habang papunta sa bintana.

            “Wala. Walang kuwentang palabas.”

            “Huwag mo nga silang intindihin.”

            Itinuloy ni Allan ang kanyang pagbabasa sa sala; nag-plug siya ng karaoke para hindi na niya marinig ang ingay sa labas. Ito ang nakawilihan niyang gawin mula nang siya’y umalis sa trabaho. Siya noon ay isang college math instructor sa Wesleyan University, lunsod ng Cabanatuan, taong 1990. Nag-enjoy din siya nang husto sa kanyang mga estudyanteng babae—magaganda at makikinis—at nai-date niya ang ilan sa mga ito. Ang nakapagtataka, nag-resign siya sa kalagitnaan ng semestre. Bigla niyang naramdaman na hindi na niya kailangan ang paghabol-habol sa mga babae, pati sa propesyon.

            Palagi namang ganito, sabi niya. Ordinaryong buhay. Isang lumang tugtugin, o palabas. Gusto niya’y bago. Alam niya na may dapat mabago, pero pati ito ngayon ay napakalabo. Nagkibit siya ng balikat sa halip na bigyan ng pansin ang tinutungo ng kanyang isip, sa pag-aakalang baka masira ang kanyang ulo. Hanggang kailan siya makakaalpas sa ganitong paglulunoy? Sa edad na 30 at ala-McGyver na tindig at pagmumukha, tingin niya sa sarili’y (taliwas sa inaasahan) isang uugod-ugod na matandang hindi malaman ang gagawin.

            Minsa’y nagtanong ang kanyang Mommy: “Bakit?”

            Sabi niya’y: “Di ko alam. Siguro’y pagod lang ako.”

            “May sakit ka ba? O problema?”

            “Wala,” sabi niya at lumabas ng bahay. Meron siyang mild migraines nitong nakalipas na mga araw. Sabi niya sa sarili’y huwag siyang mag-iisip nang malalim. Ganoon pa man, nakakahanap siya ng release sa paglabas-labas. Parang nakakabuti ito sa kanya. Lumakad siya patungo sa bookstore, kalahating kilometro mula sa bahay, iniisip ang librong susunod na babasahin.

            Tinanong niya ang salesgirl ng JR Bookstore kung merong mga latest bestsellers. Ipinakita nito sa kanya at sinulyap-sulyapan niya sa loob ng dalawang minuto, saka sinabing: “Classics ang gusto ko.”

            Ipinahanap niya ang Brothers Karamazov ni Dostoyevsky, isang Russian novelist, at nang matagpuan ito ay agad niyang binili. Hindi sa wala siyang hilig sa mga modernistang manunulat, pero sa tingin niya’y ang karaniwang sinusulat nila’y pangkomersiyal. Halos alam na niya ang laman nito at nakakasawa—sa pagiging mapagbalatkayo o puro palabas. 

            “Ni hindi man lang ako manginig,” sabi niya minsan sa mga kasamahan sa trabaho at mga kaibigan. Dalawang buwan bago siya umalis, sa isang party, sinorpresa niya ang mga ito nang sabihin niya na malapit nang lumabas sa mga pangunahing bookstore ang kanyang unang libro, isang nobela. Sila’y hindi halos makapaniwala, parang napapangiti na may halong pagtataka at pang-uuyam. Paano’y siya ang pinakatahimik sa grupo, pinakamahirap at pinakabata. Hindi sila makapaniwala na magagawa niya iyon, bukod pa sa siya’y isang hamak na titser lang ng matematika.

            Sa sumunod na dalawang linggo, wala ni isa mang kaibigan ang tumawag o bumisita sa kanya. Ngayon, batid na niyang wala siyang kaibigan. O meron man, alam niya na sila’y hindi na magiging kagaya nang dati—sa kanya—at maging siya, sa kanila.

            Para niyang nahuhulaan ang kanilang sinasabi: “Hindi ka na kabilang sa amin. Wala kang pakisama!”

            E, ano? Dati naman akong nagsosolo!

            “Masyado nang mahirap,” minsa’y nasabi niya kay Briggs, ang pinalamalapit niyang kasama sa trabaho, isang linggo bago siya nag-resign. “Lalo na’t hindi mo alam kung saan ka patungo. Parang isang palabas lang.”

            “Hindi ganyang mag-isip ang mahihirap,” sabi ni Briggs, habang sinisipsip ang brandy.

            “Wala silang pamimilian,” sagot niya. “Iba ako, maski mahirap, ayokong magsipsip.”

            “Makatagal ka kaya sa ganyang paniniwala?”

            “That’s the question I haven’t answered up to now,” sagot ni Allan.

            “A, kalimutan na natin,” deklara ni Briggs na halatang yamot na. Siguro’y sipsip din siya.

            “Pagtakas iyan—escapism!” sabi ni Allan, hawak ang baso ng brandy, akmang tutunggain.

            “What the heck! Ibig kong sabihin—ang alak! Sabi ni Hemingway, ito raw ang gamot sa lahat ng ating pagdududa at hindi pagdedesisyon. Nakalimutan ko na ‘ata . . . . Oh, wine is not really good for the brain.”

            “Magiging gulay rin tayo,” tawa ni Allan. “Mahilig ka ring magbasa?”

            “Oo, pero hindi nagsusulat. Sana makapagsulat din ako. Nagsusulat ka, di ba?”

            Tumango siya. “Wala akong panahon ngayon. Alam mo na, ‘tong trabaho natin. Wala naman tayong ginagawa kundi magsipsip . . . ng alak!” pabirong sabi niya.

           

Ngayon naalala ni Allan ang mga huling salita niya noon at bigla siyang nagkaroon ng ideya at kasagutan sa kanyang problema. Ngayong meron na siyang panahon, puwede na siyang magsulat nang magsulat nang walang masyadong pressure sa trabaho at sa mga tinatawag niyang kaibigan. Sa palagay niya’y aksiyon na lang ang kulang, determinadong aksiyon; alam niya, dahil matagal din siyang nag-isip.

Pero saan naman niya kukunin ang pangtustos sa ganitong proyekto? Kaya kinakailangan niyang magtrabaho uli para lang dito. Malinaw na ito kay Allan.

Matagal din siyang nagbabasa, mga isang oras na walang pumapasok sa ulo, dahil abala sa pag-iisip. Ngayon ang mga nakaimprentang salita ay malinaw niyang nababasa at naiintindihan, dumadaloy sa kanya na parang malinis at malamig na tubig.

Dumungaw siya sa bintana. Walang maiingay na mga lasing. Tanging matatamis na ngiti mula sa dalagitang anak ni Mrs. Hernandez, may-ari ng tindahan, habang iniaabot ang bote ng Coke sa isang batang lalaki. Napapangiting lumakad siya papasok sa kanyang kuwarto, humiga sa kanyang kama na parang nabunutan ng tinik.

Maya-maya’y bumangon siya at naupo sa kanyang writing table. Kaybilis ng pagsusulat niya habang nakakintal sa utak ang ngiti ng dalagitang anak ni Mrs. Hernandez.

 

Lorenzo A. Fernandez Jr. Writer

Habang pauwi ako kahapon ng hapon, sakay ng aking motorsiklo, may isang van ang nag-overtake sa akin. Maya-maya, isang asong nakabulagta ang aking nakita sa gitna ng daan. May tatlong lalaki ang tumitingin dito at ang narinig kong sabi ng isa, “Pulutan, pare!”

            Isa akong teacher sa high school, sa isang barrio sa bayan ng Muñoz. Lunes hanggang Biyernes ay nagdaraan ako sa dakong iyon na siyang tanging daang shortcut para makauwi agad sa aming bahay na may layong limang kilometro mula sa eskuwelahan.

            Wala rin palang ipinagkaiba, noon at ngayon, naisip ko.  Naalala ko tuloy noong ako’y lima o anim na taon.  Bagong lipat kami sa isang barrio dahil doon nadistino ang aking Daddy bilang guro sa elementary school. Mura pa ang lupa noon, kaya nakabili siya ng kalahating ektarya na may kasama nang bahay. Ilang hakbang lang ang distansiya nito sa eskuwelahan.

            May ilang puno ng mangga, sinigwelas, at kamatsile sa paligid ng bahay. Sagana rin sa damo ang lupa, lalo na sa bandang nasisikatan ng araw. Wala pang bakod, pero ang bumabakod dito ay mga puno ng ipi-ipil na nakakabitan lang ng isang linya ng barbed wire.  Sa laki ng mga guwang sa bawat puno ay puwedeng pumasok at lumabas ang ibang mga hayop, kahit anong hayop (pati mukhang hayop puwede). Natuon ang pansin ko sa mga dahon at damo. Siguro, puwedeng magpastol ng kambing. Sinabi ko ito sa Daddy ko at di kalaunan may alaga na akong dumalagang kambing. Masipag kumain ng damo, gusto rin ang mga dahon, lalo na iyong galing sa sinigwelas at dito ko siya itinatali tuwing hapon kung lubog na ang araw at sa umaga’y malaya uli siyang manginain ng damo. Hindi naman siya nagtatangkang lumabas ng bakuran, kaya hindi ko problema ang pagbabantay.

            “Alagaan mong mabuti iyan,” sabi ng Daddy. “Sa Pasko ay papartihin natin. Matagal na rin akong hindi nakakatikim ng dinuguan at papaitan.”

            “Ayoko,” tutol ko. “Pararamihin ko.”

            “Oh, I see. Magaling. Ikaw rin, pag dumami baka hindi mo na kayang alagaan.”

            “Kahit sampu lang.”

            “Ikaw ang bahala, pero sa Pasko, kambing pa rin ang gusto ko.  Sabagay, marami naman sa palengke. . .”

            Tuwang-tuwa ako at binigyan ako ng kapangyarihan na paramihin ang lahi ng kambing. Naisip ko na kapag sampu na sila ay hihirit na naman ako at hihilingin ko na magpagawa na ng goat house para doon na sila pakainin at paramihin. Marami namang paraan para mapakain sila kahit nakakulong. Puwede akong magtanim pa ng ibang damo at bumili ng supplementary feeds. Anong malay ko, baka magkaroon pa ako ng malawak na goat farm balang araw. . . .  Nahimbing ako na ganoon ang iniisip.

            Maya-maya, nakarinig ako ng palahaw na iyak ng kambing. “Mee, mee!” Kahit sinong Nero o Hitler na makarinig ay tiyak na madudurog ang puso.

            Nagising din si Daddy. “Nadisgrasya yata si Dumalaga,” sabi niya. Dumungaw ako sa bintana at wala na nga sa kinatatalian niya ang kambing.

            “Matulog ka na, bukas ko na hahanapin.”

            “Wala na akong aalagaan. Paano na ngayon?”

            “Huwag kang mag-alala,” sabi niya. “Kukuha na lang ako ng kapalit.”

            Magkahalong lungkot at poot ang aking naramdaman. Kahit mapunta ka pala sa isang napakagandang lugar, ito’y pumapangit dahil sa masamang gawi ng mga tao. Isang leksiyon iyan na sa mura kong edad ay hindi ko makalimutan.

            Malamig ang umaga kinabukasan, umulan kagabi at mamasa-masa ang dating tigang na ilog sa bandang likod lang ng aming bahay. May mga kawayan din sa likod ng bahay na sakop pa rin aming bakuran, tamang-tama sana sa iniisip kong gagawing kulungan ng mga kambing. Pero gumuho lahat ang aking pangarap dahil naglipana naman pala ang mga magagaling na magnanakaw ng kambing. Kambing lang kaya?

            Maagang nagising si Dad, ako rin. Nagawi kami sa ilog. Sa tulay ay natanawan namin sa ibaba ng tabi ng ilog ang mga aso na nag-aagawan sa karne ng kung anong hayop na iyon. Bumaba kami sa tulay sa dakong mabuhangin na pinagbaunan ng hayop. Hindi naman nanlalapa ng tao ang mga aso dito, kaya madali naming binugaw at sila’y nagsilayuan. Ang alaga ko ngang kambing ang nahukay na nilalapa ng mga aso--balahibo, balat, at ulo lang ang natira.  Ang buto’t laman siguro ay pinulutan ng mga lasenggo, naisip ko.

            Napapailing na lang si Dad. “Mabuti pa’y aso na lang muna ang alagaan mo. Pag malaki na, saka ako kukuha ng bagong kambing.  At least, may bantay ka nang kasama.”

            Bumili ang Daddy ng isang tutang nalahian daw ng police dog, matingkad na kayumanggi ang kulay ng balahibo. At nang ito’y lumaki, nasabi niya, “Puwede nang bumili ng kambing, may guwardiya na siya.”

            “Matalinong aso, napansin ko,” sabi ko.  “Madaling turuan at bawalin kung nanghahabol ng tao.”

            “May lahi ngang police dog.”

            Isang umaga, pupungas-pungas pa ako, nang may narinig akong tumatawag sa tarangkahan. “Tao po, Maestro.”

            Sumilip ako sa bintana at may kasama pang dalawang lalaki ang tumatawag. Binuksan ko ang pinto at paglabas ko ng bahay ay nakita kong nakabulagta malapit sa tarangkahan si German Brown, iyon ang ipinangalan ko sa aso.

            “Hoy, pakisabi nga kay Maestro, patay ‘yong aso niyo,” sabi ng tumatawag (bastos sa akin, pero magalang kunwari kay Daddy).

            Paanong nangyari iyon? Kagabi lang ay naglalaro pa kami ng hide and seek ni German Brown.

            “Sabihin mo rin kung puwede naming hingin.”

            Sinabi ko kay Daddy ang nangyari at ang hiling ng tatlong lalaki.

            “Naghahanap lang ng mapupulutan ang mga patay-gutom na lasing,” nasabi ni Dad. “Madali lang gumawa ng paraan, kahit masama, kapag ginusto. Mula ngayon, wala nang kambing o aso. Magtanim na lang tayo ng kamote.”

            “Hindi ba pinupulutan ang kamote?” tanong ko.

            Napangiti siya at ginulu-gulo niya ang buhok ko sa noo. “Hindi, pero hinihingi na lang kung tamad magtanim ang mga taong nakapalibot sa iyo. Sa isang taon, mag-aaral ka na. Maging masipag sa pag-aaral. Tandaan mo, ang bunga ng iyong pinag-aralan ay hindi kayang nakawin at pulutanin ninuman, at lalong hindi ito hinihingi. Ito’y binabayaran.”

            Lumipas ang maraming taon at isa na rin akong maestro. Paborito ko rin ang kambing kung namumulutan kami ng mga kasama kong maestro. At may alaga na naman akong aso na pinapabakunaan ko taon-taon ng anti-rabies. Suwerte lang ang makakadale nito, mataba, pero Quickie ang pangalan dahil maliksing kumilos.

            Bandang alas-sais ng hapon, dumating ako sa bahay.  Hinanap ko agad si Quickie.

            “Quickie! Yoo-hoo!”

            Dati-rati ay sumasalubong na siya pag narinig ang ugong ng motorsiklo. May pasalubong pa akong kalderetang kambing na nakabalot sa plastic, natirang pulutan naming mga titser kanina.

            “Wala na, “ sabi ng aking maybahay nang marinig ako.

            “Ano?”

           “Kaninang bandang alas-kuwatro, napansin kong susuray-suray siya, bumubula ang bibig. Wala pang isang oras, dedo na. Hiningi ng mga salot na lasenggong inutil, alam daw nila ang gagawin para hindi sila malason, kung ito’y nilason. Buhay nga naman sa barrio Tagay!  Sana matsambahan nila sa susunod nilang lalasunin iyong may rabies para sila naman ang mangisay!”

            Wala akong nasabi kundi, “Magtanim na lang tayo ng kamote.”


Manolito Sulit Writer

Medyo uneasy akong basahin ito sa simula dahil sa tagpuang La Salle na may isang panahong naging tahanan ko bilang isang kabataang guro noon. Dahil propesor doon ang awtor, pumasok sa isip ko na tila napakaalwan naman para sa kanya na gawin pang Lasalista ang sentrong tauhan ng nobela, at pati na ang ginagalawang kapaligiran. Kung mas kilala ko pa si Rhod, siguro may iba pa akong maituturong pagkakahawig sa kanyang mga karanasan, halimbawa'y ang ibang lugar na pinuntahan ni Arvin Villa, at ang kanyang mga opinyon, panlasa, tipo niyang babae atbp.

 

Pero ano'ng paki ko kung gusto ni Rhod sulatin ang mga y'on? Hindi naman bawal, di ba? Bilang mambabasa, ang gusto lang nating malaman ay kung maganda, makabuluhan at sabihin pa'y kapana-panabik ang nobela, at walang kagatol-gatol na "oo" ang sagot ko. Dapat mong mabasa ang nobelang ito, ipagyabang sa mga ka-fb at bitbitin habang nakatayo sa MRT. Kung palabasa ka ng mga kwentong detektib sa Ingles, marami kang namimis kung iniisnab mo ang sarili nating literatura. Naalala ko tuloy ang "Pagkamulat ni Magdalena" nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio P. Kapulong, at ang "Satanas sa Lupa" ni Celso Al. Carunungan (nabasa mo na ba?).

 

Nasiyahan ako sa maiiksi ngunit solidong mga kabanata, na lahat naghahangad tuklasin ang misteryo ng Ultramar (at isipin mo, lagi iyong bumubulaga sa atin at di natin nakikilala). Nagustuhan ko ang mga tauhang hindi perpekto, ang kawalan ng interes (ng awtor) na sinuhin ang masama sa mabuti. Lahat may kapintasan, at ang nalalabi na lang sa tao (sa Filipino) ay gawin ang dapat niyang gawin, anuman y'on, kung y'on ang makabubuti!

 

Ang Lihim ng Ultramar

Inilathala 2013

UST Publishing House

215 pahina

 

Layunin ng “NBSMoNB? Mini-rebyu ni Mano” na ipakilala sa ating mga mambabasa ang napakaraming akdang walang pagod na sinusulat ng ating mga manunulat na hindi halos nababasa sa labas ng mga pamantasan at mga sirkulong pampanitikan. Isa itong personal na panawagan sa ating mga kababayan na tangkilikin (at unahin) ang sariling literatura bago ang iba. Huwag nating hintaying magkatotoo sa atin ang sinabi ng dayuhang awtor na si Ray Bradbury na “hindi mo kailangang magsunog ng mga aklat para lipulin ang isang kultura – ang kailangan lang ay huwag na itong basahin ng mga tao.”

Pages: 1 2 3 4 »