Kuro-kuro

Saan ako magsisimula (uli)?

Sa dinami-rami ng aking mga ginawa sa nakalipas na tatlong dekada, mula nang malathala sa pambansang sirkulasyon ang una kong kuwento, hanggang ngayo’y nagpupumilit pa rin akong magsulat. Nangangarap pa rin akong maging isang “manunulat,” sa buong kahulugan nito: y’ong wala ka nang ibang gagawin, sikatan ka man o lubugan ng araw, kundi ang magsulat–ang magkuwento!

Sa totoo lang, mas hilig ko talaga ang pagkukuwento–kaysa sa pagtula. Hindi “ako” ang makata noong bata pa ako, kundi ang mga kaklase kong sina Nancy at Gildo. Nasa elementarya pa lang kami at si Balagtas lang ang kilala naming makata, kaya katulad niya rin kami kung tumula. Pero kumpara sa mga batang tula ko noon, natural na natural ang mga taludtod nina Nancy at Gildo, hindi pilit, hindi pilipit, na kapag binasa mo, maiisip mong patula rin siguro sila kung magsalita. Siguro, kung nangarap lang silang maging  mga “manunulat,” magagaling na sana silang makata ngayon. Tiyak kong naging magkakabarkada kami, at lagi kaming magkikita-kita at mag-uusap tungkol sa pagsusulat.

Hindi nga tumakbo nang ganoon ang aming mga buhay, at kahit pa nga nakapag-umpisa na ako sa pagiging kuwentista, sa ilang kuwento kong napalathala sa Liwayway noong 1989 pagkagradweyt ko ng hayskul hanggang sa unang hati ng dekada ’90, naabala pa rin ang pagkukuwento ko ng pagkaganyak sa aking tumula ni Ma’am Ophie noong nag-aaral ako sa UST. Nagkagayunman, nakagawa ako ng isang aklat ng mga tula, ang Ibang Daan Pauwi, bilang resulta naman ng isang fellowship nang nagtuturo pa ako sa DLSU, na inilathala ng UST Publishing House noong 2005.

Nangangarap pa rin akong makapaglathala ng isang aklat ng katha (fiction), maiikling kuwento, novella, o nobela. Medyo masama ang loob ko dahil ito pa ang hindi ko matupad-tupad. Ang totoo niyan, katatapos ko lang sulatin ang isang maikling nobela (o novella siguro ito) na may pamagat na “Martial Law Kid.” Sineryalays ko ito noon sa Wattpad at makalawang ulit na nanguna sa historical fiction base sa pagkakatanda ko, na ibig sabihi’y may malaking potensyal itong tangkilikin ng mga mambabasa (sa pananaw ko). Pinag-aaralan ko kung paano ko ito ilalathala. Susubukan ko bang ipasa ito sa ilang publishing house na nakakaalala pa sa akin, o ako na lang ang maglalathala?

Ang sariling paglalathala ay isang popular na trend ngayon sa hanay ng mga manunulat. Nakakalat sa Internet ang maraming self-publishing companies: Amazon KDP, Apple Books, Barnes & Noble Press, Rakuten Kobo, Draft2Digital, Smashwords, PublishDrive, atbp. Sa ibang pagkakataon ko na lang tatalakayin ang bawat isa. Naiisip kong dito magsimula. Oo, tumatanggap sila ng mga akda mula sa iba’t ibang bansa at wika. Kung tutuusin, kung wala ka nang ibang inaalala kundi ang mailathala ang obra mo, madali lang. Pero kung iniisip mo ring pagkakitaan ito, medyo kumplikado kung paano ka mababayaran.

Paminsan-minsan, nakakachat ko sina Nancy at Gildo. Pero hindi ko pa naitanong kung tumutula pa rin sila. Malamang, kung tumutula sila sa panahong ito, Balagtasista pa rin sila. Bakit ko nasabi ito? Hindi naman kasi sila nagmedyor sa Panitikan o sa Malikhaing Pagsulat. Hindi sila kontamineyted ng kung ano-anong ismo ng mga ‘aral’ na pagtula. Masasabi kong ang panulaan ni Balagtas pa rin ang tanging paraan ng pagtula na alam ng masa. Wala akong duda d’yan. Ang hindi ko lang sigurado ay kung nangarap din kaya silang maging manunulat, at kung bakit hindi. Gaano ba kahirap gawin y’on?

Kung mamarapatin mo at kung makalulugod sa iyo, balak kong dito naman iseryalays ang “Martial Law Kid” ngayong natapos ko na ito, at gayundin, ipopost ko rito paminsan-minsan ang ilang tulang mapipili ko mula sa Ibang Daan Pauwi, at kung may bagong tula akong masusulat. Alam mo, bagamat gusto kong intindihin, hindi ko na halos iniisip kung ano’ng mapapala ko kung gawin ko ito. Tutal, kapag inisip mo ang kalagayan ng paglalathala sa ating bansa, hindi ko naman talaga ikayayaman ito. Kaya, sige, gawin ko na lang munang “hobby” ito. Sige, ipabasa ko sa iyo kahit libre.

Puputulin ko na muna ito rito. Ano ba’ng gusto mong pag-usapan natin sa sunod?

Ilang posibleng paksa:

  • Pag-ibig sa panahon ng COVID-19
  • Kung paano ko ginawa ang Barako
  • Kung ano’ng gusto mo (isulat sa komento)

 

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x