Kuro-kuro

Ilang Leksyon sa Paggawa ng Pelikula

Kaunti lang ang nakakaalam sa amin na nakagawa ako ng pelikula. Narinig mo na ba ang tungkol sa pelikulang Barako? Hindi ko nga sigurado kung pinanood ito ng mga kapamilya ko. Kahit ako, nahihirapang panoorin ito bilang isang “manonood”–y’ong wala kang ibang layunin kundi tapusin ang istorya, na walang ibang inaasahan, pinangangambahan, o kaya’y pinanghihinayangan.

Ngayon ko lang sasabihing hindi buo ang kasiyahan ko sa pelikula bilang manunulat, direktor at prodyuser nito. Maraming bagay dito na dapat sana’y ginawa at hindi ginawa. Puwede pa sanang mapaganda ito–at maraming factor na dapat isaalang-alang para mangyari ito, gaya ng badyet, mga bagay na kakailanganin, logistics, pagpaplano, post-produksyon, pagpapalabas at promosyon ng pelikula.

May ilan din akong pinanghinayangan o regrets sa pagkakagawa ng pelikula. Uunahin ko na ang desisyon kong tanggalin si Dexter Cayanes bilang direktor. Magkasama kaming nagsimula nito ngunit natapos nang magkahiwalay kami. May mga gusot na kailangang plantsahin sa simula, na hindi ko na idedetalye rito. Sa madaling sabi, sa panig ni Dexter, naging “biktima” siya ng isang namayaning consensus ng produksyon. Sa panig ko naman, tulak-tulak ako ng pangamba na baka hindi matapos ang pelikula sa loob ng badyet at panahong inilaan ko rito, kaya kinailangan kong makinig sa iba at magpasya.

Dapat sana’y hinayaan ko na ring mabigyan siya ng kredito bilang “direktor” subalit kaunti lang talaga ang nagamit namin sa mga kuha niya. Marami ring kinailangan kong ulitin. Samakatwid, wala akong nakitang sapat na dahilan para pagbigyan siya, sa kabila ng malaking utang na loob ko sa kanya. At ngayong nasasaksihan ko ang sunod-sunod niyang tagumpay sa larangang ito, lalo kong natiyak sa sarili ko na hindi na dapat mapabilang sa kanyang maningning na portpolyo ang pelikulang Barako.

Leksyon 1: Gagawa ka ng malalaking pagpapasya na maaaring makaapekto sa mga taong sangkot sa produksyon, mapa-direktor man, artista, o tekniko, at anuman ang relasyon mo sa kanila.

May 15 linggo o weekends na nag-shoot kami para sa pelikula, biyabit ang mahigit 50 tauhan, sa may anim na magkakalayong lokasyon sa NCR, Batangas, Bulakan, Laguna at Quezon. Isipin mo kung gaano kalaking sakit ng ulo ito para sa akin. Isipin na lang ang dami ng pakakainin ko sa loob ng panahong iyon, at kung saan kukuha ng pambayad para sa transportasyon, kamera, at mga ilaw. Buti na lang at may mga kaibigang gaya nina Marj De Castro, Warly Guerra, Cesar Marasigan at Jojo De Castro na handang sumaklolo dahil naniniwala sila sa proyektong ito.

Sabi nga ni Tots Aguila, hanga raw siya sa akin dahil parang hindi ako namomoroblema. Bakit daw nakakangiti pa ako at tila kalmadong-kalmado pa? “Naku, kung ako ‘yan, siguradong ganito na kataas ang stress ko!” bulalas niya, at tila para ilarawan ang kanyang saloobin, nasulyapan ko sa mga gamit niya ang isang kahon ng anti-stress tablet.

Leksyon 2: Planuhin ang mga eksena at tingnan kung posibleng kunan ang mga ito sa isang lokasyon lamang. Gamit ang pagkamalikhain, kahit maliit ang espasyo ng produksyon, puwede itong mapalawak at makuhanan sa iba’t ibang anggulo depende sa kailangang tagpo. Kahit sabihin kong hinahabol ko ang authenticity ng eksena kaugnay ng lugar, mas naiwasan sana ang extrang gastos at pagod kung nagpaikot-ikot na lang kami sa iisang lokasyon.

Nangyari rin kasi y’on dahil nakikisingit lang kami sa iskedyul ng ilang artistang napakiusapan naming gumanap sa pelikula. Minsan nga, nagpasya na lang kaming mag-shoot sa isang lugar na mas malapit sa kinaroroonan ng artista. Ito rin ang dahilan kung bakit naging protracted ang panahon ng shoot, bukod pa sa kailangan ko pa ring magtrabaho sa weekdays. Bagamat kailangang maging flexible, hindi namin namalayang kung saan-saan na pala kami nag-eskursyon dahil sa maraming konsiderasyon.

Leksyon 3: Dapat masunod ang iskedyul ng produksyon–hindi ng mga indibidwal na kasangkot dito. Bagamat maliit at baguhan lang ang produksyon, dapat na makakuha ito ng mga artista at tauhang kayang magkomit ng kanilang panahon batay sa isang tiyak na plano ng mga kuha para sa mga eksena ng pelikula. Siyempre, kapag komitment na ang usapin, dapat na komited din tayo sa pagbibigay ng kompensasyon (sob).

Sa wakas, natapos ding kunan lahat ng tagpo, at umupo na kami ni Ron Papag para mag-edit. Siguro, may tatlong buwan din akong pabalik-balik kina Ron sa tinutuluyan nila ni Aya sa Quezon City. May panibago kaming natuklasang ilang problema sa aming mga kuha, partikular sa sa sinematograpiya. Palibhasa, baguhan ang direktor (ako y’un) at kulang sa kaalamang teknikal ng lente, ilaw atbp., ipinaubaya ko itong lahat sa sinematograper. May mga kuha si Emman Pascual na kinailangan pa naming palapitin o palayuin (zoom in, zoom out) para umakma sa tagpo ng pelikula. Hangga’t maaari, dapat iwasang gawin ito dahil may epekto sa resolusyon. Ang laking sakit ng ulo rin ang kakulangan sa B-roll na nagsisilbing filler, transitional, o takeaway shots. Ginawan namin ng paraan ni Ron na mapunan ang anumang pagkukulang na maengkwentro namin sa matagal na proseso ng editing.

Leksyon 4: Bukod sa A-roll o mga pangunahing kuha ng mga tagpo, dapat na tiyaking sapat (mas maigi nga kung sobra) ang B-roll para mapadali ang pagkakabit-kabit ng mga eksena. Lalo na sa panahong ito ng digital filmmaking, wala namang rolyo ng film na sukat panghinayangan. Makakatulong din kung bukod sa sinematograper, may isang team na ito lang ang trabaho, kumuha nang kumuha ng mga kaugnay na vidyo batay pa rin sa binubuong istorya. Siyempre, puwede silang magabayan ng sinematograper sa sinusundang estilo at puntodebista. Hindi naman puwedeng kung ano-ano lang at basta na lang kinunan.

Ang ikalimang leksyon? Hindi madaling gumawa ng pelikula. Dahil dito, nadagdagan ang paghanga at paggalang ko sa mga taong ito talaga ang ikinabubuhay, anuman ang genre, at anuman ang gusto nilang mangyari sa pelikula: magpatawa, magpaiyak, manakot, mang-udyok, magmulat. Kung totoong laging may ikalawang pagkakataon, ikagagalak kong makagawa uli ng isa pang pelikula.

Ano ba’ng gusto mong pag-usapan natin sa sunod?

Ilang posibleng paksa:

  • Ang mga manunulat na nakilala ko
  • Pag-ibig sa panahon ng COVID-19
  • Kung ano’ng gusto mo (isulat sa komento)

Now Showing: Barako

5 1 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x