Kuro-kuro

Pag-ibig sa Panahon ng COVID-19

Nang kumalat sa Wuhan, Tsina ang isang bagong uri ng coronavirus noong Disyembre 2019, binalewala lang natin ito tulad ng isang karaniwang balita. Ipinagdiwang pa natin ang pagsapit ng 2020, makulay at maingay gaya nang sinundan, puno ng pag-asa at mga plano para sa hinaharap. Sumapit pa rin ang Araw ng mga Puso, kahit pa nga nakumpirma nating nakapasok na sa ating bansa ang sakit na kalauna’y pinangalanang COVID-19, nang maitala ang unang kaso nito sa isang turistang Tsino noong katapusan ng Enero. Mula Marso 5, nang makumpirma ang ikalimang kaso at ang  kauna-unahang Filipinong nahawa ng sakit mula sa pamayanan o local transmission, tila saka lamang tayo nahimasmasan. Sa darating na mga araw, hindi na natin maaaring isantabi ang realidad. Hindi na isang balita lamang ang virus na galing Tsina. Sa maikling panahon, ipinamalas nitong kayang-kaya nitong patigilin ang pag-inog ng buhay sa isang lungsod at sa mahigit 200 bansa.

Nang sumailalim ang Kalakhang Maynila sa lakdawn mula Marso 12, kinutuban na ako. Gaano lamang ba kalayo ang 97 kilometro para sa isang virus na libre at sekretong nakapaglalakbay? Kamukat-mukat nito’y nakalunsad na pala ito sa aming bayan, marahil sakay ng Alps galing Cubao o Buendia, at mula sa isang puwedeng mahawa, mahirap na itong mapigilan. Hindi na namin mahihintay na magkaroon ng COVID-19 sa aming bayan. Makalipas lang ang isang linggo, nagdeklara na rin ng lakdawn ang aming alkalde. Hindi na masamang makiuso, kung tutuusin. Dahil para sa isang bayang mayroon lamang isang maliit na pribadong ospital, isa itong nararapat na maagap na hakbang.

Simbilis ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa mundo, sinasakop ng malagim na realidad hindi lamang ang mga pisikal na hangganan kundi maging yaong hindi nakikita. Gayunma’y hindi pa natin lubusang talos kung hanggang saan na ang binago nito sa ating kamalayan. Akalain mo nga naman–akalain mong isang virus lang pala ang katapat nating mga sutil! Ito lamang pala ang magpapapirmi sa atin sa ating mga tahanan, palayo sa ating mga ambisyon, kapalaluan, at materyalismo, upang mamuhay nang payak, walang pinaplanong pamumuhunan o paglalakbay, walang iniisip kundi ang sunod na kakainin, o ano na kayang balita, gaano karami na ang nahawa, gumaling, at namatay. Mayroon pa bang mas papayak pa kaysa sa rito para sa kasalukuyang henerasyon? Hindi ba’t nakagagaan din ng konsensya ang pagkawala ng ilang obligasyong relihiyoso at sosyal, gaya ng pagsisimba at pakikipaglamay?

Sa panig ng pamahalaan, may iniangat ang antas ng ating serbisyo publiko dahil nariyan ang obligasyong punan ang mga pangangailangan ng populasyong tila mga musmos na anumang sandali’y mag-aalburuto sa umiiral na lakdawn. Ano naman kayang magiging pangmatagalang epekto nito sa relihiyon? Sabi ng iba, mas magiging espiritwal daw tayo sa harap ng hindi nakikitang kapangyarihang mas malaki kaysa sa atin. Gayunma’y namamalas natin ang mga lider ng mga organisadong relihiyon, at ni isa’y walang makaangkin sa imortalidad sa harap ng kabi-kabilang pagpanaw. Nabalitaan natin ang dami ng mga paring namatay sa lungsod ng Vatican, at ang dami ng nahawang mga tao sa isang kongregasyon sa Korea, gayundin ang pagsasara ng mga moske, at napagtanto nating walang ligtas puntahan. Hindi sapat ang kalansing ng pananalig para makipagsugal kay Kamatayan.

Gaano katagal tayong ganito? Kung inaalala natin ang mga maralita, gayundin kasahol ang palad ng mga umiibig sa panahong ito. Ito na kaya ang sunod na klasiko? Gaya ng Pag-ibig sa Panahon ng Kolera (El amor en los tiempos del cólera), ang 1985 na obra ni Gabriel Garcia Marquez? Papatok kaya ito sa namamayaning panlasa ng kritika na nagtaksil sa romansa upang makiapid sa realismo? Gayong “suyuan” ang pundasyon ng ating panitikan. Pawang mangingibig sina Balagtas at Rizal, at maging si Bonifacio. Ang mga epiko at kuwentong bayan, hanggang sa bestsellers ng mundo ay pawang mga kuwento ng pag-ibig. Ngunit ano ang ginagawa natin sa sumisibol na mga manunulat at panitikan? Na sumasalang sa mga palihang may iisang linya ng pag-iisip, pinamumugaran ng mga Marxista at ng mga may radikal na adyendang politikal? Umuuwi silang nakikisabay sa agos ng realismong sosyal upang masabing may sinasabi, tinatalikdan ang maraming nakaaaliw, mapanlikha, at tunay na makamasang obrang disinsana’y nasulat at kinagiliwan ng ating publiko.

Mahigit kalahating siglo na ang insureksyon sa ating lipunan at panitikan, at hanggang kailan pa tayo magpapakahirap silipin ang realidad sa likod ng puwit ng baso? Gaya ng isang coronavirus, hindi natin namamalayang tayo mismong mga manunulat ang pumapatay sa panitikan ng bayan.

Mahirap supilin ang virus at pagkamuhi minsang kumalat ang mga ito sa ating mga pamayanan. Gayunma’y huwag nating supilin ang ating pag-ibig sa harap man ng pandemic o paghihimagsik.

Ano ba’ng gusto mong pag-usapan natin sa sunod?

Ilang posibleng paksa:

  • Ang mga manunulat na nakilala ko
  • Ang kongklusyon ng aking tesis sa kolehiyo: “Creating a Society of Readers and Writers in Ibaan, Batangas”
  • Kung ano’ng gusto mo (isulat sa komento)

Maaari mo nang mabasa rito ang Love in the Time of Cholera ni Gabriel Garcia Marquez.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x