Mga Manunulat

Rodolfo S. Salandanan, Manunulat at Patnugot ng Liwayway

0
(0)

Sisimulan ko ngayon ang isang serye tungkol sa mga manunulat na personal kong nakilala. Sisikapin kong balikan sa aking gunita kung paano nangyari ang bawat pagtatagpo. Pero bago ang lahat, alam mo ba ang problema natin kaugnay ng ating panitikan? At kapag sinabi kong “ating panitikan” o “panitikang Filipino,” hindi ko ibig sabihing Tagalog at Filipino lang. Ang tinutukoy ko ay ang kabuuan ng panitikan ng Pilipinas. Sa palagay ko, ang pangunahin nating problema sa ating panitikan ay ang kawalan ng koneksyon ng ating panitikan sa ating publiko, samakatwid ay sa mga kababayan natin.

Hindi ko na pahahabain ito dahil mas mabuting talakayin ko ito sa isang hiwalay na post. Gayunman, sasagutin ko na agad kung bakit walang koneksyon. Simple lang ang sagot: dahil hindi nila gusto. Hindi nila gusto ang sinusulat ng ating mga manunulat. Masyado nating pinatagal ang disgusto ng publiko at ngayon, sobrang layo na nila. Naghahanap ka ng pruweba? Sino-sino ba ang inaasahan mong dadalo sa lunsad-aklat mo? Mayroon ka bang naiisip na isang grupo ng mga tao na bibili ng libro mo? Ang mga estudyante ba? Ang mga kapwa mo manunulat? (LOL)

Ang makapagbigay ng aliw sa mambabasa–ito ang unang payong propesyunal na natanggap ko mula sa isang patnugot. Dumating ito sa anyo ng isang “rejection notice” kaugnay ng akdang ipinadala ko sa noo’y nangungunang lingguhang magasin sa bansa, ang Liwayway. Tanda ko pa ang maikling kuwentong iyon, may pamagat na “Megiddo,” isang kathang isip kaugnay ng Mesiyas at ng huling digmaang magaganap sa mundo–ang Armageddon, ayon sa sa propesiyang Hudiyo-Kristyano. Iyon sana ang ikalawang kuwento kong nalathala sa Liwayway kung nakapasa sa panlasa ng punong patnugot nito na si Rodolfo “Rod” S. Salandanan.

Taong 1989 nang malathala ang una kong akdang may pamagat na “Aktibista,” tungkol sa magkaibigang kapwa naging biktima ng pinasok nilang “pakikibaka” sa lipunang nasa ilalim ng noo’y umiiral na Cold War. Para sa isang probinsyanong kabataang tulad ko, na katatapos lang ng hayskul, laki sa hirap at sa loob ng isang pamayanang tumatangkilik sa komiks at Liwayway, isang pambihirang pagkakataon iyon. Agad akong nakilala sa aming bayan, umpisa sa pangunahing distribyutor ng magasin sa palengke na kilala sa kanyang apelyidong “Mandocdoc.”

Natuwa rin ang inay ko at pinakaingatan ang bawat isyu ng Liwayway na katatagpuan ng aking maikling kuwento at minsa’y sanaysay. Alam mo, ang totoo’y ayaw talaga ng inay na maging manunulat isa man sa kanyang mga anak. Bakit? Natatakot kasi siya na baka “maluko” kami. Halimbawa, iyong ate ko, si Marivic, dati’y gusto niyang maging kuwentista sa komiks. Dumadalo pa nga siya noon sa mga worksyap ni Carlo Caparas, na humantong sa pagkakalathala ng kuwentong “Reseta ng Pag-ibig.” Siyempre, kapag nagsusulat, napupuyat ang ate ko, payatot pa naman, kaya ayun, sapilitang pinahinto siya ni inay at baka raw “maluka.”

Hindi niya ako tinangkang pahintuin, liban sa paminsan-minsang paalalang “baka maluko ka” na nang malaki na ako, nasasagot ko na ng “hindi nakakaluko ang pag-iisip kundi ang damdamin.” Naks! Mas matigas lang talaga ang ulo ko, kaya hindi masabihan. Kaya ayun, kahit paano, nakamit ko naman ang reputasyon bilang “manunulat” sa aming bayan. Kahit nga ang naging mga biyenan ko, kilala ako bilang “manunulat ng Liwayway.”

Nagkokolehiyo na yata ako sa UST nang makuha ko ang bayad para sa kuwento ko: P250. Sa mga tiyahin ko sa Taylo St., Makati kami nakatira ni Marivic at ng isa ko pang ate, si Marilou (sumalangit nawa). Malapit lang iyon sa Pasong Tamo na kinaroroonan ng opisina ng Liwayway at Balita, na kabilang sa network ng mga publikasyon ng Manila Bulletin (corp.). Kaya nga nalingilan kong pasyalan ang tanggapan ni Rod S. Salandanan. Tawagin na lang natin siyang “Mang Rudy.”

Sa tantiya ko, nasa singkwenta anyos si Mang Rudy nang una ko siyang makita nang huling kapat ng 1989. Kayumanggi siya na may katamtamang taas at pangangatawan. Hawas at may katamlayan ang kanyang mukha, nakasalamin nang buo, at may esponghadong buhok na naglalantad ng malapad niyang noo. Siguro’y sadyang hindi siya palaimik dahil wala naman kaming gaanong napag-usapan. Sabi niya, napakabata ko pa raw pala, at ilan pang karaniwang palitan ng salita sa unang pagkikita. Siyempre, pinalakas niya ang loob ko at pinayuhang patuloy na magsulat.

Nang lumabas ang maikling kuwentong “Aktibista,” inihalintulad niya ang pagsusulat ko kay Egardo M. Reyes, may-akda ng pamosong nobelang “Laro sa Baga” na naging lingguhang serye sa Liwayway noong dekada ’80 bago ito isinaaklat noong 1991. Masayang-masaya ako nang mabasa ko ang komento ni Mang Rudy. Pero hindi ko naman ito sinadya. Ang katotohanan niyan, kamakailan ko lang nabasa nang buo ang nobela ni Reyes dahil noong kabataan ko, panakaw ko lang itong basahin (dahil alam mo na).

Hindi iyon ang una’t huling pagkikita namin ni Mang Rudy. Ilang pang maikling kuwento ang naipalathala ko sa Liwayway, hanggang noong nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo, nakapasok ako bilang cub reporter sa pahayagang Balita sa tulong niya. Bilang isang mag-aaral ng Journalism, gusto ko kasing magkaroon ng paunang danas ng karerang papasukin ko. Bakante ako sa tanghali, kaya doon na ako kumakain sa Eastern Police District (EPD) Press Corps na nakabase sa Mandaluyong Police.  Hindi man regular na kontribyutor, nagpatuloy pa rin ako sa pagsulat ng maikling kuwento at sanaysay para sa Liwayway hanggang 1994.

Nang makatapos ako sa kolehiyo at naging abala sa aking mga partaym na trabaho sa DLSU-Maynila at iba pa, hindi ko na nabalikan pa ang kanilang tanggapan sa Pasong Tamo na kalauna’y naging Chino Roces Avenue. Nang umalis ako roon, mainit na isyu ang pagbuwag sa mga istaf ng Liwayway at Balita, gayundin sa buong tanggapan, at paglilipat ng operasyon sa pangunahing tanggapan ng Manila Bulletin (corp.) sa Intramuros. Mula noo’y hindi ko na nakita si Mang Rudy, hanggang sa mabalitaan ko sa social media na pumanaw na siya sa edad na 79 noong Abril 30, 2016.

Mapalad akong nakadaupan kahit sa maikling panahon ang kahuli-hulihang patnugot niyong makasaysayang Liwayway na naiwan sa gunita ng masang Filipinong nagbabasa. Sa aking pananaw (wala akong hawak na datos), mukhang hindi nakatulong sa magasin ang paglilipat ng pamamahala sa punong tanggapan ng Manila Bulletin (corp.). Parang mga bandilang isa-isang ibinababa ang mga kopya ng Liwayway sa mga pamilihan. Mula sa pagpasok ng taong 2000, wala na akong nakikitang senyales na may publiko pang sumusubaybay dito sa ating mga pamayanan–kung tutuusin ay isang malungkot na pangyayari para sa panitikan ng bayan.

Maraming hindi nakakakilala kay Rod S. Salandanan maging sa hanay ng mga Filipinong manunulat na may kanya-kanyang paksyon at pula (prejudice) sa isa’t isa. Gayunma’y hindi matatawaran ang kanyang kontribusyon sa panitikan hindi lamang bilang punong patnugot ng Liwayway, kundi sa dami ng kanyang nasulat bilang nobelista, kuwentista at makata. Naging peryodista rin siya ng pahayagang Balita, opisyal ng National Press Club, at presidente ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS). Nagsilbi rin siya sa pamahalaan bilang bise-alkalde ng Abucay, Bataan at bilang bokal ng lalawigan.

(Kinuha ang larawan sa KOMIXPAGE.)

Ano’ng gusto mong pag-usapan natin sa sunod?

  • Si Ophelia A. Dimalanta
  • Anong oras ako nagsusulat
  • Kung ano’ng gusto mo (sabihin sa komento)

Nagustuhan mo ba? (Did you like this post?)

Click on a star to rate it!

Average rating 0 / 5. Vote count: 0

No votes so far! Be the first to rate this post.

As you found this post useful...

Please share on social media!

We are sorry that this post was not useful for you!

Let us improve this post!

Tell us how we can improve this post?

Isinilang noong Oktubre 1972 sa maburol na bayan ng Ibaan sa lalawigan ng Batangas, si Manolito C. Sulit ay awtor ng IBANG DAAN PAUWI (mga tula), NANG TAYO'Y MATUBOS (mga tula), MARTIAL LAW KID (nobela), at BARAKO (pelikula). Umaasa siyang masulat ang lahat ng nobelang nasa isip niya sa nalalapit niyang ginintuang panahon at hangga't ipinahihintulot ng Maykapal.

Leave a Comment

error: Content is protected !!