Pananalig Tula

Krus

0
(0)

Nabilang pa kaya ang mga kriminal
at manghihimagsik na doo’y binitay
mula sa dominyon ng buong Italya,
sa diwa ng Gresya’t giting ng Isparta?

Ang Mediteranya mandi’y sasangdali,
nakamkam ang lupang langit niyong api.
Ilan, ilang krus nga yaong hanay-hanay
sa rurok ng burol at lawak ng parang?

Mga mandirigma doo’y nabayubay,
Kagitingang noon sa laya’y namanglaw.
Ang tugon sa hamon ng laksang rebelyon
Ay laksa ring hugong ng pakong bumaon.

Kayhabang panahong ang mga pusakal,
Mamamatay-tao’t ganid na tulisan
sa kedros lumangkap, binali ang tuhod
bago inilibing sa sinumpang puntod.

Iyon ang hustisya ng panga at tangos
ng Romang sa digma’y laging umuungos.
Ang mundong dinilig ng dusa’t siphayo,
Hanging umiihip, may samyo ng dugo.

Kayhabang panahon bago sa Silanga’y
natulos ang aral ng kalwalhatian.
Ang mantsa ng sala na hindi makatkat
Binurang iglap Niyang sa krus di’y naangat.

Ikatlo ng hapon, ang mga panangis
Ng luksa’y maitim na ulap ang wangis.
Sa gitna’y tumindig ang sintang patunay
ng Kaitaasan sa taong minahal.

Noo’y hindi lamang isang agaw-buhay
ang doo’y hinamak ng nagsalawahan,
kundi ang inakong banal na pagtubos
niyong isinakdal at napakong Diyos.

Hindi nga kay Caesar ang krus na naroon,
krus ng kamunduha’t sakim na limayon.
Hindi nga ang Roma ang pinagpugayan
ng halik ng kawal sa paang duguan.

Hindi rin nabigo silang nag-akala
sa isang Mesiyas na nananalasa.
Wala mang matalim na tabak sa kamay,
Tagumpay pa rin S’yang walang alinlangan.

Imperyo ng lupa sa limot nalibing.
Kanya namang Langit ay di nagupiling.
Ang Krus n’ya’y lumaging sa bawat pagdilim
takbuhan ng tao’t takot na panimdim.

A, Krus na marikit, Krus ng kabanalan,
Krus ng paghahari at kapahayagan,
sa dulo ng altar, sa dasal ng mat’wid
laging sinasambit Pangalang kadikit.

Sa bilangan, kuwintas o hamak mang lubid,
Sa noo at buting laging nasa isip,
naroon at wari’y lagi nang may kislap
tuwa man o pait yaong nalalasap.

A, Krus na marikit, Krus ng kabanalan,
Krus ng paghahari at kapahayagan,
kaming naghihintay, ngayo’y nananabik
sa muling paghawi ng dilim sa langit.

(sinulat sa kahilingan ng Parokya ni Santiago Apostol sa Ibaan, Batangas kaugnay ng pagdiriwang ng Jubilee Cross, Hulyo 1994)

Nagustuhan mo ba? (Did you like this post?)

Click on a star to rate it!

Average rating 0 / 5. Vote count: 0

No votes so far! Be the first to rate this post.

As you found this post useful...

Please share on social media!

We are sorry that this post was not useful for you!

Let us improve this post!

Tell us how we can improve this post?

Isinilang noong Oktubre 1972 sa maburol na bayan ng Ibaan sa lalawigan ng Batangas, si Manolito C. Sulit ay awtor ng IBANG DAAN PAUWI (mga tula), NANG TAYO'Y MATUBOS (mga tula), MARTIAL LAW KID (nobela), at BARAKO (pelikula). Umaasa siyang masulat ang lahat ng nobelang nasa isip niya sa nalalapit niyang ginintuang panahon at hangga't ipinahihintulot ng Maykapal.

Leave a Comment

error: Content is protected !!