Martial Law Kid Nobela

Martial Law Kid | Kabanata 1

0
(0)

Jepoy ang tawag nila sa akin, galing sa “jeproks”. Nagsimula ito nang isulat ni Kuya Ding sa likod ng manipis kong tisyert ang usong-usong salita mula sa kanta ni Mike Hanopol . “Laki sa layaw, laki sa layaw, jeproks! Tonononot-tononot…” Pero hindi ko talaga alam ang ibig sabihin nito. Ang alam ko lang, laki ako sa hirap at hindi sa layaw.

Bitin na nga ang pagkain sa bahay, lagi pang magtitira para sa isa kong kuyang layas. Parang hindi nga ako nabubusog e. Malimit mag-away sina inay at tatay dahil sa pera, o dahil lasing na naman si tatay. Nakakasawa, pero hindi ko na pinapansin. Tuloy lang ang laro namin sa ibaba ng bahay habang tuloy din ang away nila sa itaas. Pagkatapos, mawawala nang matagal si tatay, siguro nasa lakuan sa Bikol, Cebu, o kaya Davao. Palagay ko, malalayo ang mga lugar na iyon mula sa amin sa Batangas, kasi hindi agad siya makabalik. Doon niya siguro ibinebenta ang gawa niyang patis na nakalagay sa mga bote ng gin. Si inay sa Maynila lang, magdamag lang wala, tuwing Sabado. Banig, kumot, unan, damit, mga patahing kobre-kama at sitkober ang karaniwang nakatambak sa bahay namin tuwing Biyernes, tahiing kulambo naman sa ibang araw, na ginagawa kong dagat-dagatan o lambat-lambatan. Lahat puwedeng laruin, kahit mag-isa ka lang.

Mas gusto ko nga kapag wala si tatay sa bahay. Tahimik ang aming buhay. Parang minsan, mas gusto ko pa na lasing siya, dahil lagi siyang nakangiti. Kapag hindi siya lasing, tahimik, at saka uutusan na naman akong masahehin ang noo niya at tuhod, dahil nirarayuma siya. Matagal iyon, hangga’t hindi niya sinasabi, hindi ako titigil. Tapos, wala naman siyang iniaabot. Hindi gaya ni inay, bibilangin ko lang ang mga ubang naalis ko, tapos babayaran niya ako ng singko kada uban. Kahit mawala ako saglit sa mga kalaro ko sa sampalukan, hindi nasayang ang oras ko. May pambili na ako ng kending linga kay Ka Auring, na may balot na kapirasong papel de hapon. Y’on ang malimit kong bilhin, o kaya isang takal na kendi na halo-halong dilaw, pula at saka pink. Minsan, ‘yong lemon, iniipon ko ang balot na palara at pinakikinis ng hintuturo isa-isa. Wala lang, parang laro na rin y’on. Bihira akong bumili ng bagkat, kasi sobrang kunat. Bumibili lang ako n’on kapag singko lang ang pera ko, para matagal kainin. Kapag nakabili ako ng isnobir, karamel o Bazooka Joe – aba, mapera na ako n’un!

Kalehon (kalyehon) ang tawag sa aming lugar, kasi ito ‘yung una at natatanging kalye sa aming barangay. Ito na yata ang pinakamagandang pook sa amin. Kaya maraming dumadayo rito para maglibang, maliliit man o malalaking bata. Sementado ang kalehon, hindi gaya sa labas na bako-bako at mabato. Saka wala halos dumaraang sasakyan dito. Karaniwan, bisikleta lang at minsan, paragos – parang kariton din y’on, hila-hila rin ng kalabaw at gawa sa kawayan, pero walang gulong. Pagpasok sa kalehon ng paragos ni Pio mula sa palengke at pauwi sa kabilang barangay, bigla y’ong hahagibis at lahat kami, tabing-tabi sa gilid ng daan at manghang-mangha. Magsisigawan kami hanggang hindi na namin matanaw ang paragos sa kabilang dulo ng kalehon.

Kung teritoryo naming mga bata ang loob ng kalehon, naroon naman sa bukana, sa kanto, ang mga binata (at mga dalaga rin). Para rin silang mga bata, masasaya rin at halos walang ibang ginagawa sa maghapon. Uy! Tiyempo, nasa pulpulan si Kuya Ding. Mas bata siya at mas mabait kaysa sa dalawa ko pang kuya, kaya malimit, sa kanya ako humihingi ng pera. Isang sabi ko lang, wala nang tanong-tanong, dudukot agad siya sa bulsa. May hawak siyang tako at hinihintay tumira ang kalaro niya. Parang bilyar ang pulpulan, pero mga holen lang at maliit na mesa ang gamit. Nirerentahan ito ng singkwenta (sentimos) kada oras. Kapag talagang magaling ka na sa pulpol, puwede ka nang maglaro ng totoong bilyar sa bayan.

“Kuya Ding, pengeng dyis!” Tumakbo ako palapit, at gaya ng sabi ko, walang sabi-sabing dumukot siya sa bulsa at iniabot sa akin ang buong sampung sentimo (minsan, dalawang singko). Pagkatapos, takbo na uli ako sa katabing tindahan ni Ka Auring. Kapag hindi ko nakita si Kuya Ding, pupunta ako sa silong nina Ka Sinay, kapitbahay namin, at maghahanap ng nahulog na barya. Nakatira sila sa bahay ng kaka kong taga-Mindoro. Kawayan ang sahig ng bahay, kaya minsan, may nahuhulog na barya sa silong. Minsan, nakapulot ako ng bente singko. Minsan, singkwenta, pero hindi pa ako nakapulot ng piso. Puwede kang upahan sa pag-uuban, humingi sa kuya, o makapulot ng pera, basta huwag na huwag kang hihingi kay inay o tatay, dahil lagi silang walang pera.

Dito sa sampalukan ang tambayan naming mga bata. S’yempre, ano pang makikita mo rito kundi isang malaking puno ng sampalok? Para mayakap ang matabang katawan ng puno, kailangang maghawak-hawak kami ng tatlo kong kalaro paikot dito. Sila sina Alex Pacita, Alex Doding at Ide (Eddie). Napakayabong ng puno at halos mga sanga at dahon na lang ang nakikita namin sa itaas kapag nakahiga kami sa damuhan sa may paanan nito. Mas mataas ang lugar na kinatatayuan nito sa gilid ng daan, kaya mistulang bakod ang malalaking ugat, at makikita mo kaming magkakalaro na nakaupo sa ibabaw ng mga ito. Kapag bagong tubo ang damuhan sa gilid, nagpapadulas kami at para na rin kaming si Heidi sa kartun. Pakiramdam namin sakay din kami sa isang kahoy na sled at binabaybay ang gilid ng Alps. Marami pa kaming ibang kalaro, nadaragdagan kami o nababawasan bawat araw, pero mas mahalaga ay kung anong magpapasaya o magpapagalaw ng aming imahinasyon sa bawat pagkikita namin sa sampalukan.

Hindi kami matataba, kasi raw sobrang lilikot, reklamo lagi ng matatanda. Takbo kami roon, takbo rito, hanggang mga boses na lang namin ang maririnig mo sa kalehon. Karaniwan, nakakamiseta at shorts lang kami, nakatsinelas. ‘Yung mga kamiseta ko, mga pinaglumaan ng anim kong mas matandang kapatid. Y’ong tisyert na na may nakasulat na “Jeproks” sa likod, maaaninag mo na ang balat ko dahil sa sobrang kanipisan, at parang matutunaw nang tuluyan kapag ibinabad sa tubig, pero presko naman sa katawan. Sa aming magkakalaro, ako lang yata ang nagsusuot ng padyama. Kasi lagi akong itinatahi ni inay mula sa mga retaso ng kurtina, kobre kama, bestida at sayang patahi sa kanya. Kapag bulaklakin, ayaw kong isuot at baka matukso pa akong bakla ng mga kalaro ko. Iilan pa lang ang bakla sa aming bayan, at ang pinakasikat sa kanila ay isang kargador sa palengke – si Pilo.

May isa pang sampalukan, pero gubat ang likod niyon at malimit kaming takutin ng matatanda kapag nagagawi kami sa lugar na iyon. Sabi nila, may nagpapakita raw doon na paring pugot ang ulo. Kaya alerto ako kapag minsan, isinasama ako ni Kuya Ding sa pagpapastor ng mga kambing sa damuhan sa likod ng sampalukang iyon tuwing umaga at hapon. Isang beses, nagsala-salabid ang tali ng kambing sa mga paa ko dahil sa pagkaripas ko ng takbo, at nagasgas ang tuhod ko ng mga amor seko. Nagmadali kasi ako nang paalis na kami, dahil hindi ko na mapigilan ang takot ko. Parang anumang sandali, lalabas na talaga at makikita ko ang paring pugot ang ulo.

Siguro, mas matapang ako kapag kasama ang mga kalaro ko. Kasi, pare-pareho lang kaming nagtatapang-tapangan. Kapag may isang natakot, sabay-sabay lang kaming magtatakbuhan, at kapag nakabalik na kami sa “aming” sampalukan, pagtatawanan namin ang kanya-kanyang karuwagan. Kung hindi multo, inahing manok, kambing, guya o aso ang hahabol sa amin, at pareho rin ang uwi n’on. May humahagulgol, may nanginginig pa sa takot, may nakaiwan ng tsinelas. Tapos, magtatawanan uli kami.

Anim na taong gulang ako, at mas matanda nang ilang buwan sina Alex Pacita, Alex Doding at Ide kaysa sa akin. Teka pala, magtukayo lang ang dalawang Alex, at ang mga ina nila ay sina Tiya Pacita at Ate Doding. Hindi lang kami basta magkakababata o magkakalaro, magpipinsan talaga kami. Halos lahat ng tao rito sa aming lugar magkakamag-anak. Minsan, hindi mo na alam kung paano. Y’ung isa ko ngang pinsan, si Nene, “tiyo” ang tawag sa akin, pero ang laki-laki na niya, dapat siya ang tawagin kong ate. Pero sabi ni inay, ganu’n daw talaga, kasi mas matanda ang inay ko kaysa sa mga magulang ni Nene na pamangkin niya sa pinsan – nakakahilo!

Kung tutuusin, hindi lang naman ang sampalukan ang aming palaruan, kundi ang buong kalehon at kahit lagpas pa roon. Pwede kaming magpalipat-lipat ng bakuran at kahit bahay. Welkam na welkam kami kahit saan, at ang nakamamangha, laging alam ng maybahay kung sino-sino kami. “O, Jepoy, kumusta naman ang inay mo? Sabihin mo, ang tagal na niyang hindi pumupunta rito. Pasyalan naman niya ako. Ikaw naman, Alex…” Sabay lumingon ang dalawa. “Y’ong anak ni Ate Doding… kumusta ang tatay mo? Sa Maynila pa ga rin ang trabaho? Magaling pa ang tatay ng batang ito, malaki ang kita.”

Si Kuya Tony ang tinutukoy niya. Tama siya. Nakakainggit talaga ang pamilya ni Alex Doding. Nakatira sila sa bunggalong katabi ng bahay namin. Lingguhan kung umuwi ang tatay niya. Alam na alam ko kapag dumarating siya tuwing Biyernes ng gabi. Kapag umaatras kasi sa garahe ang oner niya, tumutunog ito na parang kampana – “teng, teng, teng!” Minsan, nakikipanood ako ng Mazinger Z sa kanila nang matiyempuhan ko ang pagdating niya. Parang ang saya-saya nila sa pag-uwi ng kanilang ama. Noon ko unang natikman ang lasa ng pizza.

“Hoy, Jepoy!” yakag sa akin ni Alex Pacita na nasa labas na pala ng bahay kasama ng dalawa. Nagtakbuhan sila palabas ng bakuran. Tumakbo na rin ako. Maya-maya lang, nasa gubat na pala kami, nagtatakbuhan at maiingay na parang mga hayop na ligaw. Pakiramdam namin, parang mga mandirigma, mga superhero kami, at bawat araw, isang bagong pakikipagsapalaran – hindi kami mauubusan.

Nagustuhan mo ba? (Did you like this post?)

Click on a star to rate it!

Average rating 0 / 5. Vote count: 0

No votes so far! Be the first to rate this post.

As you found this post useful...

Please share on social media!

We are sorry that this post was not useful for you!

Let us improve this post!

Tell us how we can improve this post?

Isinilang noong Oktubre 1972 sa maburol na bayan ng Ibaan sa lalawigan ng Batangas, si Manolito C. Sulit ay awtor ng IBANG DAAN PAUWI (mga tula), NANG TAYO'Y MATUBOS (mga tula), MARTIAL LAW KID (nobela), at BARAKO (pelikula). Umaasa siyang masulat ang lahat ng nobelang nasa isip niya sa nalalapit niyang ginintuang panahon at hangga't ipinahihintulot ng Maykapal.

Leave a Comment

error: Content is protected !!