Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 3

“Jepoyyy!” matinis na tawag ni inay, na pinahahaba pa ang dulong tunog ng pangalan ko na parang humahaluyhoy. Ganoon din kapag tinatawag niya ang aming alagang asong si Popoy tuwing pakakainin niya ito.

“Nariyan na ho!” sagot ko habang patakbong papasok sa aming bakuran. Kabuntot ko na rin si Popoy na masiglang iwinawasiwas ang buntot. Mali siguro ang dinig niya.

Nagulat ako pagpasok sa kusina. Naroon si tatay, walang imik na naghihintay sa mesa. Naku, ano na naman kayang niluto niya?

“Upo na,” aniya sa akin. Walang barik si tatay, seryoso.

“Maghuhugas ho muna ako ng kamay…”

Sa mahabang mesa, dalawa na lang ang kulang at kumpleto na kami. Walo kaming magkakapatid. Si Kuya Pepe ang panganay, nag-aaral sa Maynila. Magiging dentista raw siya. Sunod sa kanya si Kuya Pio. Sabi ni inay, nagtratrabaho na raw siya, kasi hindi raw mahilig mag-aral. Silang dalawa lang ang wala ngayon.

Katabi ko si Ate Mabel, magkasunod kami. Nasa kabila naman sina Ate Mavic at Ate Malou, saka si Kuya Ding. Nasa ibabaw ng mesa ang bunso, si Kael, tatlong taon pa lang siya. Sinusubuan siya ni inay.
Bulanglang na papayang sinampalukan at niluto sa patis ng isda ang aming gulay. Ibig sabihin niyon, malinis na ang palayok at nasa harapan namin ngayon ang kahuli-hulihang piraso ng tulingan. Mabuti na rin at hindi nag-eksperimento sa pagluluto si tatay. Bagong dating lang kasi. Malay mo, bukas.

Hindi pa ako natatapos kumain nang tumawag si Ide sa labas. Napabilis tuloy ako ng subo sa pagmamadali. Hindi ito nakaligtas sa paningin ni tatay. Patakbo na ako palabas nang marinig ko ang matigas niyang sabi: “Balik sa upuan!”

Paipis-ipis na bumalik ako sa upuan, takot sa sunod niyang sasabihin. Tumakbo na agad paalis si Ide nang marinig ang boses ni tatay.

“Bakit ka nagmamadali? Alin ga ang mahalaga: maglaro o kumain?”

Sumabad agad si inay at sinaway si tatay, “Oras ng pagkain e…”

“Y’on nga e. Oras ng pagkain! E bakit ang isang ito e nagmamadali? Akala mo’y napakaimportante ng gagawin sa labas.”

Napatingin ako kina Ate Mavic. Naninisi ang mga tingin nila sa akin, kasi sinira ko ang masarap sanang tanghalian.

“Siya, tama na…” saway uli ni inay. “Tapusin n’yo na ang pagkain. Mabel, hugasan mo ang mga pinggan ha?” Kita kong umismir si Ate Mabel, pero hindi pinansin iyon ni inay. Si tatay, hindi umaalis ang tingin sa akin, nakakatakot! Kamukha pa naman niya si Marcos. Pati hati ng buhok nila, pareho. Naisip ko, siguro kasingbagsik niya si Marcos. Kaya lahat naipagbabawal niya.

“Ba’t hindi ka na kumakain? Tapos ka na ga?” tanong uli ni tatay. Tumango lang ako.

“Sagot! Wala ka gang bibig?” malakas na tanong ni tatay.

Gusto ko sanang sumagot, kaso para na akong nabulunan, parang punong puno ng hangin ang lalamunan ko, at wala na akong nagawa kundi mapaiyak. Maagap naman akong inalo ni inay at pinainom ng tubig. “Tahan, tahan! Huwag umiyak…”

Si inay naman ang pinagbalingan ni tatay. “Iyan, kaya ganyan ang mga anak mo, lagi mong kinunsinti!”

“E ano’ng gusto mong gawin ko? Ikaw itong hindi muna palipasin e oras ng pagkain. O, patayin mo na at baka ikasisiya mo!” galit na ring sagot ni inay. Tuluyan nang nawasak ang kanina’y masarap, kung hindi man masayang tanghalian.

Habang pinipigil kong mapaiyak, parang nagkakasuson-suson ang hangin sa lalamunan ko, at lalo lang akong napapabunghalit ng iyak. Humalo na sa luha ko pati sipon ko. Dahil sa nangyari, kahit kadarating lang, umalis na uli si tatay. Sa isip ko, nagtagumpay na naman si inay sa kanilang laban, pero sa halip na matuwa, lalo akong nalungkot.

Sarilinang pinagsabihan ako nina Ate Mavic at Ate Malou. Pakiramdam ko, ako ang sinisisi ng buong pamilya dahil sinira ko ang araw nila.

“Mabel, tabihan mo y’ong dalawa pagkatapos mo d’yan, para makatulog,” maya-maya’y sabi ni inay. “Maghahanap kami ng isusuot ng Ate Malou mo.”

Sa bahay namin, yaya si Ate Mabel. Beauty queen naman si Ate Malou, kasi lagi siyang muse ng iskul. Proud na proud si inay sa kanya. Si Ate Mavic naman ang Cinderella, kasi linis siya nang linis at luto nang luto, lalo na kapag naglalako sina inay. Si Kuya Ding, dahil lalaki at malaki na, halos hindi hinahanap sa bahay kahit mawala nang matagal. Siya naman ang bahalang mangumpay (kumuha ng mga dahon at iba pang pwedeng pakain) para sa mga kambing at sa nag-iisang baboy sa kural, na pinalalaki para ihanda sa piyesta.

Napabalikwas ako sa tama ng liwanag ng bumababang araw sa aking pisngi. Hapon na pala. Hindi ko na namalayan kung paano ko tinulugan ang sama ng loob. Sa banig na inilatag sa lapag ng sala, tulog pa rin sina Ate Mabel at Kael. Sa labas, dinig ko ang manaka-naka at hindi mawawaang sigaw ng mga batang naglalaro. Lumabas ako at mumukat-mukat na tumalungko sa aming harapan. Pakiramdam ko, parang nahihilam ang namumugto kong mga mata, habang pilit hinahabol ng tingin ang naghahabulang mga bata sa kalehon. Si Alex Pacita lang ang nakilala ko, pero abala siya sa pag-iwas na mataya. Nasaan kaya si Alex Doding? Si Ide?

“Jepoy! Sali ka?” sa wakas ay tanong ni Alex.

Umiling lang ako na parang nasisilaw.

“Umiyak ka?” tanong ni Alex habang patakbo-takbo.

Umiling uli ako. “Bagong gising ako…” sabi ko.

Mamaya pa, narinig kong tumatawag si Ate Mabel. Nasa likuran ko na siya nang lumingon ako.

“Akala ko, kung nasaan ka na naman. O, nag-iwan ng piso si inay. Huwag mong ibibili lahat.”

Nagliwanag ang paningin ko sa narinig, at hindi na ako nahihilam ngayon. Pagkaabot ko ng piso, patikar na ako patungo kina Ka Auring. Bumili ako ng kornik. May sukli pa akong tatlong bente singko. Tapos, pakandi-kandirit na bumalik ako sa aking puwesto sa harapan ng bahay. Tumabi si Alex Pacita sa akin, nakidampot sa hawak kong isang supot na kornik. Tapos, nagpayabangan kami sa mga pinapanood naming kartun, kung sino’ng mas magaling. Para sa akin, si Paul ang magaling, at ang kanyang magic yoyo. Si Alex, syempre si Voltes V (hindi ko nga napapanood e!).

Unti-unti nang lumalatag ang takipsilim, at isa na lang kalat sa kalehon ang munting supot ng kornik. Nawala na ang mga batang naghahabulan, humalili ang nagsisiuwing manggagawa, pati na ang ilang alwageng naghahanap ng kainuman. Papasok na ako sa bahay nang marinig ko ang batingting ng gumagaraheng oner kina Alex. Napangiti ako. Biyernes pala ngayon. Maaga-agang umuwi si Kuya Tony.

Hindi agad ako pumasok sa bahay. Sa halip, tumalilis ako at patagong nag-usyoso sa gilid ng bakod nina Alex. Nakita ko uli ang nakita ko na dati. Sabik na sabik na sumalubong ang magkakapatid sa kanilang tatay. Tapos, inabot naman ni Ate Doding y’ong kahon ng pasalubong. Masarap siguro ang laman niyon.
Kababalik ko lang sa bahay nang dumating sina inay at Ate Malou. May dala silang gown na nakabalot sa plastik. Tumakbo ako sa kanila at nagmano kay inay.

“Natulog ka ga, Jepoy? Ang tatay mo, bumalik na ga?”

“Wala pa ho. Natulog ho ako. Pinatulog kami ni Ate Mabel.”

Papasok pa lang kami, amoy na amoy na namin ang nilulutong ginisang bagoong ni Ate Mavic. Nasa kuna si Kael sa sala, dumedede. Pagpasok sa kusina, nakahain sa mesa ang tirang isang pirasong tulingan na pinirito na. Naglalagay naman ng mga pinggan si Ate Mabel. Nagmano silang dalawa kay inay.
“Saan na naman kaya nagsuot ang inyong tatay?”

Hindi naman iyon problema kay tatay. Sa aming bayan, walang hindi nakakakilala sa kanya. “Primera konsehal” daw si tatay. Hindi ko alam ang ibig sabihin niyon, pero tuwing sasabihin iyon ng ibang tao, nababakas ko sa kanilang mukha ang paghanga. Pero matagal na rin iyon. Wala na raw sa munisipyo si tatay, kasi hindi na raw uli siya tumakbo. Ano ba y’ung tumakbo?

“Huwag na huwag ninyong susundan ang yapak ng inyong tatay,” anang inay habang kinikipil ng kamay ang isang subong kanin na may bagoong.

Paulit-ulit na ang kwento ni inay tungkol sa pagiging politiko ni tatay. Ayon sa kanya, mabait daw naman noong una si tatay. Naiinggit nga raw sa kanya ang ibang dalaga, kasi masipag si tatay. Nag-iisang lalaki sa anim na magkakapatid, siya ang nag-aasikaso ng mga lupa ng mamay (lolo ko). “Kaya lang, hindi mahilig mag-aral ang tatay n’yo. Kung may hilig lang e, pag-aabogadohin y’on ng tatay,” sabi ni inay. “Nang panahong iyon, hindi pa siya nahihilig sa pag-inom ng alak. Ang politika ang nagturo sa kanya n’on.”

Mahirap daw pumasok sa politika. Lagi raw lumalapit ang mga nangangailangan. Halos araw-araw, may nangungutang sa kanila, o kaya naman, mga taong bumibisita. Mahirap daw hindian, dahil baka masamain nila. Sabi pa ni inay, “Hindi naman siya marunong uminom dati. Natuto lang siya dahil sa pakikisama, o dahil nahihiyang tumanggi at baka sabihing suplado siya at hindi marunong makitungo sa tao.”

Nakikinig lang ako pero hindi ko lubos na nauunawaan ang mga bagay na sinasabi ni inay. Kumuha ako ng konting ginisang bagoong na may kamatis at ikinalat sa ibabaw ng pinatag kong kanin. Pumiraso rin ako ng pritong tulingan at hinimay ito sa gilid ng aking pinggan.

“At kahit hindi na siya kandidato, gano’n pa rin. Kaya lang naman umuwi siya ngayon, dahil umpisa na naman ng kampanyahan sa isang linggo,” buntot ni inay.

“Balita ko ho e kalaban daw ni Marcos si Aquino,” sabad ni Ate Mavic.

“Pwede ga naman y’ong nakapiriso?” balik ni inay.

Nakapiriso? Nakakulong? Hindi ga masama y’on? – sa loob-loob ko.

“May tatalo pa ga kaya kay Marcos?” tanong ni inay.

“Inay, sino ho si Marcos?” ang hindi ko na napigilang pag-uusisa. Sa aming pamilya, laging ibinabawal ng aming mga magulang ang pagsali ng bata sa usapan ng matatanda.

“Si Ferdinand Marcos ang presidente ng Pilipinas. Hindi mo pa nga pala alam. ‘Yaan mo’t papasok ka na rin naman sa isang taon. Aabutan mo pa rin si Marcos,” sabi ni inay. Buti, binalewala niya ang pagsabad ko.

“Ano ho y’ung per… persidente?”

“PRESIDENTE!” pagtatama ni Ate Malou. “Siya ang pinuno ng bansa. Parang hari y’on,” paliwanag niya.

Parang hari, parang y’ong napanood kong sine – Florante at Laura. May hari d’un! Saka y’ung Tres Musketeros. May hari rin d’un. Tapos, may mga kawal ang hari, at kapag sinabi niyang “sugod”, susunod agad sila, patay kung patay, walang urungan. Si Aquino siguro y’ung kalaban ng hari, kaya siya ikinulong. Masama kaya siyang tao? Pero si Florante, hinuli rin, pero siya naman ang bida.

Tabi-tabi kaming natutulog sa isang kwarto rito sa itaas. Tapos bahala na ang mga kuya ko kung saang parte ng bahay nila gustong matulog. Kapag umuuwi si Kuya Pepe, doon siya sa kabilang kwarto. Katabi n’on ang kwarto ni Kuya Pio. Si Kuya Ding naman ang natutulog sa ibaba, d’un sa may likurang pinto ng bahay. Hanga nga ako sa kanya, kasi hindi siya natatakot mag-isa d’un. Nakakatakot sa likod-bahay namin. May sumusutsot d’un. Sabi ni inay, si “Juanang Ilaya” raw y’un, isang mestisa na namatay noong panahon ng mga Kastila.

Hindi ko pa nga alam kung ano y’ung Kastila. Basta y’ong isang klase ng atis, atis-kastila ang tawag. Saka ang isang tiya ko, si Tiya Ofel, lagi raw siyang nagkakastila. Y’ong mestisa, ang alam ko, maputi. Gaya ng nanay (lola ko) na ina ni inay, mestisa raw kasi maputi.

Gabing-gabi na nang mapabalikwas kami ng bangon. Narinig kasi namin ang pamilyar na boses na kumakanta mula sa baysanan (kasalan). Tuwing may ikinakasal kasi, nagkakabit sila ng malaking tumpang (trompa) sa mahabang tikin (kawayan). Lahat ng tugtugan at salitaan, maririnig mo mula roon kahit malayo. Ngayong gabi, kilalang kilala namin ang boses ng kumakanta – si tatay y’un! Saka y’on naman lagi ang kinakanta niya (ano nga gang pamagat n’un?). Nakangiti na si inay. Kita kong napanatag na siya, kasi alam na niya kung saan naroon si tatay.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x