Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Pagpapakilala ni P. Den Mark Malabuyoc, OSJ

Ang Maalab na Dugo ng Batangan

Sa panahon ngayong ang pagpapanukala ng agham ay umabot na sa kaisipang magamit at pamanginoonan maging ang mga tala at sangkalawakan, maitatanong natin kung si Balagtas ba ay may silbi pa sa harap ni Kardashev. Matapos tumigil umikot ang araw, buwan, mga planeta at tala sa Lupa, anong saysay pa ng makata, siya ba’y may maiaambag pa sa kalinangan ng sangkatauhan?

Kung paanong maitatanong ito sa makata, gayon din naman sa namamanata. At kung ipagtataka kung paanong ang Salita ng Diyos ay maaring magbunga pa sa kasalukuyan, iyan na rin ang hahanapin marahil sa isang katha. Mga pagbubulay-bulay na sinasagot nitong likha.

Naaangkop ang pamagat ng akda sapagkat tila baga, isa itong tabak na magkabilaan ang talim. “Nang Tayo’y Matubos”: nagbabadya ng mga pangyayari halos dalawang libong taon na ang nakaraan, nang mula sa kaluwalhatian, ang Bathala ay nag-andukha; pinagmalasakitan ang taong kanyang nilikha. Kumbaga sa dulang ay nakitapong, kumbaga sa papag ay nakiabay. At hindi basta pumisan lamang, sa naabang kalikasan tayo’y itinanan tungo sa kanyang tahanan.

Sa kabilang dako nama’y naghahamon at pumupukaw, nagtuturo at umaakay: ito ang daan ng katubusan. Kung nais nating sundan si Hesus, kailangang mabuksan ang diwang pinid at nakahilata, na naghihintay lamang kung saan anurin ng agos, tila walang pakialam itaob man ng alon.

Ipinagmamapuri ko ang may-akda hindi lamang bilang aking kababayan sa aming munting bayan ng Ibaan, kundi higit sa lahat, naramdaman kong pumintig na muli sa mga ugat ng Batangan ang maalab na dugo na bumalong sa puso ng mga naunang malikhain na mula pa sa hanay ni P. Gaspar Aquino de Belen. Ay tunay ngang mutyang iniluluha ng puso sa gitna ng kadiliman!

Narito ang mga salita, sa mga ito’y nahihiwatigan ko si Kristo, sinasabi sa bawat isang kaluluwa: “Efatah! Mabuksan ka!” at sa Inang Bayang nalulugmok, “Talitha, qumi! Dalaga, magbangon ka!” Sapagkat ang kaligtasan ay naganap na, sa ating mga katawan ay ganapin natin. May pag-asa at may Pagkabuhay kay Kristo; tayo na’t tuntunin sa tinta ang dugong sa ati’y ipinangtubos sa sangla.

P. Den Mark A. Malabuyoc, OSJ

8 Pebrero 2012

Roma, Italia

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x