Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Pambungad ni P. Albert Alejo, SJ

Mula Huling Hapunan Hanggang Muling Pagkabuhay:

Ibang Landas sa Banal na Paglalakbay

Dinala ako ng munting aklat na ito sa isang paglalakbay—ang pagtahak sa landas ng krus ni Hesus. Tulad ng ibang aklat-dasalan, pinasilip ako nito sa kalooban ng ating Panginoon. Tulad din ng ibang debosyon, kinailangan kong bigyan ito ng panahon. Ngunit malinaw na hindi ito komersiyalisadong gabay sa minamadaling pagninilay. Nagkataong matatas na makata ang may-akda, kaya matipunong tula ang gamit sa paglapit at pagkapit sa Diyos. Nagkataon ding babad siya sa pagkilos sa lipunan, kaya simbigat ng sambayanan ang krus na pasan ng kanyang mga taludtod. Nagkataon ding personal na personal ang kanyang pananampalataya, kaya hindi lamang taktikang estetika ang paggamit niya sa mga larawang hango sa Bibliya. Lalo ko itong napatunayan nang makausap ko mismo ang makatang si Manolito C. Sulit: ang salita ay naging totoong taung-tao, at ang aklat ay nagsilbing saksi sa sarili niyang paglalakbay sa buhay. Masasabi kong bihirang-bihira na nagsasanib sa iisang katawan ang malalim na paniniwala at masining na pananalinghaga. Mabuti na lamang at paminsan-minsan, may bumubuhos na himala, tulad sa biyaya mula Nang Tayo’y Matubos: Patulang Pagninilay sa Daan ng Krus.

Damang-dama ko, halimbawa, ang henyo ni Manolito sa banal na pagninilay doon mismo sa unang saknong ng unang estasyon. Gusto ko itong tuunan ng pansin sapagkat baka daanin lamang ito sa mabilisan at di-mabisang pagdasal. Pauna nating basahin:

Estasyon 1: Ang Huling Hapunang Kapiling si Hesus

Patungo bang Emaus ang tahak na landas?

Kasabay man kita, di natatalastas;

Sa aking pagliko, pa’no kung mawala?

Pagkabagabag ko’y lalong lumulubha;

Kislap ng silahis sa mga mata ko,

May hayag na nasang ikaw ay dumito;

Saluhan mo ako sa baon kong alak;

Sabayan mo akong umawit sa galak;

Sa init ng siga paglatag ng dilim,

Tinapay mong hawak, iyo nang hatiin,

Mata kong mabigat, tulutang mabuksan,

Poon ko’y makita sa aking harapan.

Ang unang estasyon sa sariling listahan ni Sulit ay ang pakikisalo kay Hesus sa kanyang Huling Hapunan—paghahanda sa nakaambang karahasan. Subalit, kataka-taka! Upang maipasok tayo sa kahulugan ng tagpong ito, pinili ni Sulit ang Biblikal na larawan ng mga alagad na naglalakad patungong Emaus—isang tagpo sa Muling Pagkabuhay! Sa Emaus, naliwanagan ang “matang mabigat” ng mga alagad nang pinakain sila ni Hesus sa panahong wala na siya sa libingan.

Tanong: Bakit lumundag si Sulit sa pista ng tagumpay at muling pagkabuhay gayong nagsisimula pa lamang siya sa bisperas ng paghihirap at pagkamatay? Malamang na sagot: Sa Unang Estasyon pa lamang, inaanyayahan na tayong maging alisto sa gagawing pagbubunyag ni Hesus tungkol sa kahulugan ng lahat ng paghihirap na darating sa ating buhay. Samakatwid, ang lahat ng dinadaanan nating pagpapakasakit at pagkamatay sa sarili mula sa ating Huling Hapunan ay dapat tingnan sa liwanag ng Muling Pagkabuhay. Ang paghihirap ngayon ay may kahulugan sa balang araw, kayat sa balang araw ng Panginoon natin ito dapat pagnilayan.

Bagalan natin—at sino ba ang nagsabing dapat madaliin ang pagninilay? —sa pamamagitan ng pagbasa sa kuwento mula mismo sa Bibliya:

Sa araw ding yaon ang dalawa sa mga alagad ay naparoon sa isang nayon na tinatawag na Emaus na ang layo sa Jerusalem ay animnapung estadyo. Pinag-uusapan nila ang tanang bagay na nangyari. Samantalang sila ay nag-uusap at nagtatanungan, lumapit si Jesus at sumama sa kanilang paglalakad, ngunit hindi siya nakilala ng kanilang mga mata. Sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglakad at bakit kayo nalulumbay?”

Ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas ay sumagot sa kanya. “Ikaw lamang baga ang dayuhan sa Jerusalem na di nakaaalam ng mga bagay na nangyari roon sa mga araw na ito?”

Itinanong niya, “Anong mga bagay?” Sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, sa mata ng Diyos at ng buong bayan; kung paano siyang ipinagkanulo ng mga punong pari at ng mga pinuno namin upang parusahan ng kamatayan at ipako sa krus. Inaasahan namin na siya ang magliligtas sa Israel, ngunit ikatlong araw na buhat nang mangyari ang lahat ng ito.

Tunay, ginulat kami ng mga babaeng kasamahan namin. Bago magbukang-liwayway naparoon sila sa libingan, at nang di nila matagpuan ang katawan ni Jesus ay nagbalik sila na may balita tungkol sa mga anghel na napakita sa kanila na nagsasabing siya ay buhay.

Ang ilan sa amin ay nagtungo sa libingan at nasumpungan nila ang sinasabi ng mga babae, ngunit hindi siya nakita nila.”

Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga hangal at mababagal ang puso sa pagsampalataya sa lahat ng sinabi ng mga propeta! Hindi baga kailangan na ang Mesias ay magdusa ng mga bagay na ito upang makapasok sa kanyang kaluwalhatian?” At simula kay Moises at sa lahat ng mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang buong Kasulatan na tumutukoy sa kanya.

Nang malapit na sila sa nayong kanilang tinutungo, siya’y nagkunwaring malayo pa ang paroroonan. Datapuwat pilit siyang pinigil nila na ang sabi, “Tumuloy ka na sa amin, sapagkat gumagabi na at lubog na ang araw.”

Kaya siya’y pumasok upang makituloy sa kanila. Noong nakaupo na sa hapag na kasalo sila, kumuha siya ng tinapay, binasbasan [ito] at pagkahati ay ibinigay sa kanila.

Nabuksan ang kanilang mga mata at siya’y nakilala nila, datapuwat bigla siyang nawala sa kanilang harapan. At sila’y nag-usapan, “Hindi ba nararamdaman nating nag-aalab ang ating puso samantalang kinakausap niya tayo sa daan, at ipinaliwanag niya ang mga kasulatan?”

Sa oras ding yaon ay naghanda sila upang bumalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang labing-isa at ang iba nilang mga kasama, na nagsasabi, “Ang Panginoon ay tunay na nabuhay na muli, at napakita kay Simon.” At ibinalita rin nila kung ano ang nangyari sa kanila sa daan at kung paano nilang nakilala siya sa paghahati ng tinapay. (San Lucas 24:13-35, Abril 1968; sariling bigay-diin)

Ngayon, ngayon! Balikan natin ang mga taludtod ni Sulit. Ilapat natin ang ganitong pagpapakahulugan sa Huling Hapunan:

Patungo bang Emaus ang tahak na landas?

Kasabay man kita, di natatalastas;

Sa aking pagliko, pa’no kung mawala?

Pagkabagabag ko’y lalong lumulubha;

Kislap ng silahis sa mga mata ko,

May hayag na nasang ikaw ay dumito;

Saluhan mo ako sa baon kong alak;

Sabayan mo akong umawit sa galak;

Sa init ng siga paglatag ng dilim,

Tinapay mong hawak, iyo nang hatiin,

Mata kong mabigat, tulutang mabuksan,

Poon ko’y makita sa aking harapan.

Harinawang tulad ng mga alagad na nagsimula sa pagiging “mabigat ang mata” at “mabagal ang puso sa pananampalataya”, ang loob nati’y “mabuksan”. Harinawang siya’y ating “makilala sa paghahati ng tinapay” at “Poo’y makita sa ating harapan.” Marami sa katagang ito sa Banal na Kasulatan ay aalingawngaw sa ibang mga yugto ng estasyon sa Krus. Kayo na ang bahalang magpakabagal at magpakabanal.

Ngayon, bilang pangwakas sa pambungad, magtapatan tayo. Alam kong may iba sa atin na mas nakalalapit sa Panginoon habang nakatitig sa sinindihang kandila o habang nakikinig sa malayong kampana—hindi kailangang manalinghaga. May iba namang nagpapakabanal sa pagkilos sa pagbabago ng lipunan—hindi kailangang lumuhod at magnilay. Subalit natitiyak kong marami pa ring katulad ko na tinatablan at tinatawag sa ganitong patulang pagninilay, mga taong umaamin nang walang pag-aalumpihit:

Tanging sa tula lamang at awit

Ako sa Diyos nakalalapit.” [Tagore]

Salamat sa banal na panitikan tulad ng kay Manolito C. Sulit.

Albert E. Alejo, SJ

Miyerkoles ng Abo, 1 Marso 2006

Lungsod ng Davao

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x