Maikling Kuwento

Alab

Ang sumusunod na akda ay bahagi ng erotikong antolohiyang Laglag-Panty, Laglag-Brief: Mga Kuwentong Heterosexual at may maseselang paksa na hindi akma para sa mga bata. PATNUBAY NG MAGULANG ay kailangan.

“Pinakapaborito kong akda rito ay iyong kay Manolito C. Sulit, ang ‘Alab’. Ang milyu ng kuwento ay ang Pilipinas sa taong 2035 kung saan ay mas naging wasak ang lipunan dahil sa maraming taon ng ating kapabayaan sa politika, moral, at kawalan ng nasyonalismo. Dumadaloy ang naratibo sa pagsasalaysay ukol sa mga nakikita ng dalagang si Luz, na parang mga mata na rin ng mambabasa. Kinakatawan ng kanyang murang katawan ang hungkag na larawan ng bansa. Sa kanyang paggalugad sa kanyang balingkinitang katawan ay parang paghahanap ng nawawalang nasyonalismong ipinagkait sa atin hindi lang ng kolonyal na paniniwala ngunit ng korupsyon at pyudalismong kalakaran.”

–K.D. Absolutely’s Reviews, Goodreads

 

 

Nang taong 2035, sumiklab ang digmaang sibil sa Pilipinas, isang pangyayaring hindi inaasahan… Naniwala ang maraming makapangyarihan at nakapag-aral, na walang puwang ang karahasan sa isang lahing palatawa, hindi marunong makipagtuos, at nag-aalinlangan sa pagbabago. Ngunit maraming ikinukubli ang kapayapaang iyon. Nakinabang nang malaki ang mga negosyante sa labis na pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga produkto at kaisipang dayuhan. Sinusugan ng mga bagong batas sa edukasyon, komersyo at pulitika ang kawalan ng nasyonalismo, pabor sa kolonyal na pananaw, upang mapanatili silang mangmang nang pangmatagalan, sa maraming aspekto ng kanilang pagkakatutubo at pamumuhay, habang ipinagbibili ng mga politiko ang pambansang interes sa mga dayuhan nang may kaunting pagtutol. Hindi nila natutuhang mahalin ang bansa, o kaya’y alalahanin ang kasaysayan niyon, at magkaroon ng matataas na simulain, mga dahilan upang mabigo ang naunang mga pagtatangka ng walang kabuluhang bilang ng populasyon, upang baguhin ang sistema. Ibinuhos ng mga Filipino ang kanilang lakas at kaunting dunong sa kanilang ikabubuhay, laban sa lumalalang ekonomiya, na pinakamataas nang pangarap ang mangibang-bansa, upang tiyaking kakain sa oras ang pamilya, at mabibili ang mga bagong uso. Nawalan sila ng pakialam sa pag-aaral ng kultura, sining at pilosopiya, ng mga bagay na espiritwal, bukod sa relihiyon… at sanhi ng marami pang impluwensiya, tuluyang pumanaw ang alab sa kanilang mga puso.

      Maaaring ang sukdulang kahirapan na rin ang naging mitsa ng gulo. Ito ang nagkaloob sa mga Filipino ng bangis, ng ugaling hayop na pumatay para makakain. Hindi rebolusyon, kundi anarkiya ang bumali sa kalansay ng sistema. Nagpasasa sa mga labi nito ang mga mandirigmang pinapakilos ng gutom. Hanggang matutuhan nilang dalisayin ang kanilang pamamaraan at bigyan ito ng bagong katuturan. Pinatunayan nila ang kanilang lakas sa madudugong labanan. Nanaig ang pinakamalakas at naging makapangyarihan. Nagkaisip ang dati’y simpleng pamamaslang para kumain at mabuhay, nagkaroon ng dangal. Itinuon nito ang poot sa maykapangyarihan. Bumagsak ang batas at kaayusan. Nagsagupaan ang maraming politikal at ekonomikong interes, at mula sa mga abo ng Republika, nabuo ang isang militaristikong koalisyon… ang Kapatiran.

      Hinintay ng napatalsik na mga oligarko ang katubusan mula sa labas, sa dating kolonyal na panginoon… ang Estados Unidos. Nakipagsabwatan ang mga ito sa mga dayuhan, at ginamit ang kinurakot na  yaman at impluwensiya upang maikalat sa mundo ang mga kuwento ng kalupitan ng Kapatiran, at gawing lehitimo ang pakikialam ng Amerika. Gaya ng inasahan,  umahon mula sa dagat-Pasipiko, na napapayungan ng mga eroplanong pandigma, ang malaking lehiyong Amerikano, upang tuparin ang “dakilang tungkuling kupkupin ang teritoryo at ang mga naririto sa ngalan ng Demokrasya,” batay sa sarili nitong prinsipyong “walang pamahalaan, walang bansa…”

I

      Bahagyang yumanig ang kuwadradong silid sa sunod-sunod na pagsabog na tila sa loob ng tainga ni Luz nagmumula. Kasunod niyon ang ilang layu-layong pagtutungayaw na hinahabol ng ratsada ng putok, at maya-maya, ang nagmamadaling mga yabag sa makitid na pasilyo sa gitna ng magkakaharap na kuwarter. Sa likod ng tatluhang-kulay na nagsisilbing tabing at hindi ukol sa anupaman, nakita niyang pabalabag na bumukas ang kaniyang pintuan, at inilapag ng mga mandirigma sa sahig ang duguan at walang buhay na katawan ng kaniyang asawa.

      Maliksing lumisan ang mga naghatid, pabalik sa pinagmumulan ng mga putok. Tahimik na lumuhod si Luz sa tabi ng bangkay, hawak ang pamunas, maingat na pinahid ang dugo sa mabuhok na mukha. Ibinuka niya ang nangingitim at punit na dyaket, at pinigil na maduwal sa nakasisindak na ikinukubli niyon. Pinunasan niya iyon hanggang ang basaha’y isa nang bola ng dugo. Piniga niya iyon sa palanggana, kumuha ng malinis na tela na ibinaon sa malaking sugat, dinampot ang malaking tuwalya at ibinalot mula dibdib hanggang likod. Maingat niyang nilinis ang ibang bahagi ng katawan, naglalaro sa isipan ang mga gabing ginagawa niya ito sa asawa upang maging mahimbing ang tulog nito.

      “Ito ang paborito kong oras,” sasabihin nito sa kaniya. Kapag nagawa niya iyon, siya naman ang padadapain nito sa kama, ilililis ang kaniyang kamiseta hanggang balikat, para imasahe ang kaniyang likod. Isusunod ang kaniyang paa at binti, pataas sa hita, baha-bahagyang kinakanti ang dakong may hatid na kiliti sa kaniya mula sa loob. Ibababa nito ang kaniyang shorts, kasama ang panti, hanggang tuhod, hahaguring pataas ang kaniyang puwit, habang sumisidhi ang kilig na nararamdaman niya… at sa gayong masagwang ayos, sisimulan nitong pupugin ang kanyang punong-tainga, ang leeg, ang likod at lahat ng madadaanan pababa sa alak-alakan. Iiikot siya nito paharap at sisimulang susuhin ang kaniyang dibdib.

      Napasaapoy ang mga alaalang iyon nang gabing magsibalik ang mga mandirigma. Kahanay ang iba pang nasawi, sinunog nila iyon sa loob ng malaking guho ng isang Katolikong katedral sa Maynila, o kung ano pang nalabi sa lungsod matapos ang atake sa himpapawid. Mahabang katahimikan iyong paanas na inaawitan ng maningning na liyab, minsa’y gagaralgal sa galit na pag-ihip mula sa di-kalayuang baybayin, sisipol, lalangitngit, at magbubuga ng usok na dahan-dahang lalangkap sa dilim.

      Ikinubong ni Luz sa kaniyang ulo ang itim na balabal mula sa balikat, pagkaramdam sa lamig. Dinaluhan siya ng iba pang babae, mga kabiyak ng mga naroong mandirigma. Sinalubong nila ng tingin ang isa’t isa, at sabay-sabay na muling tumutok sa umaasong kama ng uling at baga, inaaninaw ang hugis na nakahiga roon, at maya-maya’y mga hibla na lamang na tatangayin ng hangin.

      Sa kaniyang sala nang gabing iyon, sa pinakapuso ng mga kuwarter para sa mga magkakabiyak, sinilbihan ni Luz ng tsaa ang mga babae. Nakaupo sila sa sahig, natatanglawan ng mga kandila sa likuran, at isa sa gitna nila, hinihigop ang init na may natatanging aroma ng pulot at pinasasarap ng papalipas na simoy ng Enero. Nasa libis ng kampamento ang kanilang kinaroroonan, sa kabila ng dingding ang pampang ng maitim na Ilog Pasig, nang lumao’y ilog ng kawalang-pag-asa, dahil wala na raw pag-asang linisin iyon. Isang sumpa marahil, na ang bantog na moog sa bunganga niyon, ay gaganap muli ng papel bilang pinakahuling tanggulan. Sa labas nito, sa lugar ng malawak na parke at liwasang laging gising noon, itinayo ang mga barikadang buhangin at alambre, hinukay ang mga kublihan… itinanim ang mga minang nakamamatay, ang mga kanyon… gumulong ang mga tangke… laban sa gustong umagaw ng kanilang teritoryo. Ngunit kulang ang mga iyon para gapiin ang kaaway.

      “Napapagod na ang mga lalaki,” ani Luz na nababasa ang damdamin ng mga kaharap. Malalamlam na ningas ang kanilang mga mata, habang sinasalamin ng mga iyon ang nauupos na kandila sa gitna. “May apoy sila, ngunit may hanggahan iyon,” patuloy niya, “kailangan nila’y apoy na hindi napupugnaw.” Naglandas ang kaniyang mahahaba at kalyuhing daliri sa natutunaw na kandila, sinasalo ng hintuturo ang mainit na tulo niyon, inilalangkap sa pinagmulang dulo, inihahaplos sa nakatirik na hubog, sa tila pagtatangkang manatiling nakatayo iyon. “Kailangan nila ng alab…” Halos magkakapanabay nilang inalis ang kanilang mga balabal sa bahagyang banas na dulot ng tsaa at ng kandila.

II

      Wala nang kapayapaan sa Kapatiran mula nang unang araw na lumusob ang kaaway. Umaalis ang mga lalaki sa umaga, bitbit ang mga armas, at bumabalik sa gabi na bitbit ang mga bangkay. Bago nasawi ang asawa ni Luz, matagal na silang hindi nakakapagsiping. Inuubos ng digmaan maging ang lakas ng mga lalaki sa pakikipagtalik. Kakain sila at mag-iinom, pagkuwa’y mahuhulog sa malalim na pagtulog. Kinasawaan ng mga babae ang bukang-liwayway, sapagkat uulitin lamang niyon ang nakakamanhid nilang pakikibaka… para patunayan ang lakas, para patuloy na mabuhay.

      Nagpasiya sila isang gabing hindi bumalik sa kuwarter ang mga lalaki. Dala ang ilang lente at sulo, binaybay ng mga nakabalabal ang tulay na bato papasok sa kutang napapaligiran ng matandang guho. Sa ibabaw ng mataas at konkretong tarangkahan niyon, nakaukit ang anyo ng isang walang-pangalang mangangabayo. Bumungad sa kanilang pagpasok ang isang malaking siga, at sa paligid niyo’y nag-iinom ang mga lalaki. Maliwanag ang mga bintana at halatang puno ng tao ang gitnang gusali na nagsisilbing pagamutan. Hanggang ngayon, naroon pa rin sa isa sa mga silid niyon ang rebulto ni Jose Rizal, na itinuturing na milagroso. Sa kabila ng minsang paghalakhak at halos paanas na salitaan, mas nananaig ang nakakagambalang katahimikan doon. Nilinga nila ang mga tao sa palibot, kinikilala ang mahahalagang mukhang hindi pakikita roon nang walang tiyak na sadya. Kinutuban ang mga babae, at nag-alala silang baka wala nang oras…

      “Hinto!” sigaw ng isang nakakita sa kanila, “Delikado kayong pumarito!” Ngunit hindi nila ito pinansin. Bago sila mapigilan, mabilis nilang tinungo ang mahabang hapag sa likod ng siga, at parang isang katawang hinawi ang mga basyo ng alak sa laking pagkagulat at pagkayamot ng mga lalaki. “Hindi ito ang kailangan ninyo!” sigaw ng galit na tinig-babae,  sa malayo’y tila angil ng isang nagbababalang tigre. Nagsipagbabaan ang mga tao sa gusali. Nagsitayuan naman ang mga lalaking nakakilala sa kanilang mga kabiyak, ngunit bago pa nakakilos ang mga ito, umakyat sa hapag ang ibang babae, nakaagaw ng tambol ang dalawa at sa hampas ng lipaking mga palad, dumagundong ang tila banayad na pintig nang una, na tinugon ng magkasalising laro ng mga kamay, sinundan ng nagkakaisang indayog ng mga balakang, habang dinidinig nila ang tugtog na wari’y mga puso nilang tumitibok.

      Lumapit sa siga si Luz, iniikot-ikot sa hangin ang itim na balabal, mabilis na nagpapalit ng galaw, animo’y hinihimok ang apoy na dilaan ang balingkinitang katawan, hanggang ihagis niya roon ang balabal, na tinugon ng tila biglang pagbuga ng apoy. Wala nang nakahuma sa mga lalaki, tila sakmal ng bumababang pangitain, nang isa-isang isubo ng mga babae ang kanilang mga balabal sa lumalaking apoy, inilalantad ang maninipis nilang saplot, habang umiikot na bumabayo ang mga yapak na paa sa lupa, sumisigaw sa tinig na wari’y nagmumula sa ilalim ng lupa… Bayang magiliw… perlas ng silanganan… Alab ng puso, sa dibdib mo’y buhay…

      Patuloy na niyayanig ang mga alindog nilang namamawis, wari’y gustong makakawala sa hinahapit na kasuotan. Umaahon ang dagundong ng tambol sa umaalong mga dibdib sa piling ng apoy… Lupang hinirang… duyan ka ng magiting… Sa manlulupig, hindi ka pasisiil… Nakaramdam ng alinsangan ang mga lalaki. Tila kinakaon sila ng pagnanasa mula sa mundo ng pakikidigma, ng mga patay… at sila’y muling binubuhay! Umatungal sila sa siglang gumagapang sa kanilang laman, nakisigaw sa mga babae sa bahaging abot ng kanilang alaala: ang dagat at bundok, ang simoy at langit na bughaw, ang tula at awit sa paglayang minamahal, ang kislap ng watawat, ang bituin at araw na kailan ma’y hindi magdidilim…

      “Lupa ng araw… ng luwalhati’t pagsinta!” ang kinakapos ngunit nangingibabaw na tinig ni Luz na ang mukha’y mistulang bukal ng pawis at luha. Malaya roong dumadaloy ang dalamhating pinakatitimpi at natutupok sa pinaliliyab niyang tapang. “Buhay ay langit sa piling mo!” ang sabay-sabay na tugon, at  ang lahat, kung hindi umiindak… sumisigaw, sumusuntok, pumapalakpak, humahalakhak sa galak na matagal nilang nakaligtaan… Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi.. Patuloy na pumailanlang ang apoy, at wari’y lumipat ang ningas niyon sa kanilang mga mata, nang ubos-lakas nilang isigaw… “Ang mamatay nang dahil sa iyo!”

      Nangingintab sa malapot na pawis ang humihingal na mga babae, isang makapigil-hiningang tanawin ng niyayanig na mga kalamnan. Napaluhod si Luz, sabay tingala ng naglalatang at nasisiyahang mukha sa pagwawakas ng sayaw, kasunod ang hindi magkamayaw na palakpakan. Dumagdag sa nakakamanghang sandali ang liwanag ng buwan na naglalagos sa mga usok na tila mabababang alapaap, at tumatanglaw sa nagsisibangong anino ng mga diyosa. Hindi makapaniwala ang mga babae, nagawa nilang tuklasin muli ang apoy na hindi napupugnaw…

III

      Noon dumiklap ang kalangitan. Kasabay halos ng malakas na pagsabog malapit sa moog, humudyat ang tambuli sa tore. Galing sa pagsasaya, nagpulasan ang mga lalaki patungo sa kanilang mga sandata. Sumisigaw ang isang balbasing mandirigma sa mga babae: “Nakakita kami ng dahilan para mamatay!” Sinundan iyon ng halakhak habang papalayong tumatakbo. Hindi malaman ng mga babae kung bakit sila natatawa, at kahit paano’y naibsan ang kanilang pagkabalisa.

      Sa kani-kaniyang silid na natatanglawan ng mga kandila, tahimik na nag-abang ang mga babae sa pagbabalik ng mga lalaki, sa balita ng pagwawagi o pagkasawi, matagal na paghihintay na noon lamang nila ginawa. Hanggang sila’y gapiin ng antok, at muling sumapit ang bukang-liwayway. Nanibago sila sa katahimikan. Wari’y iisa ang kanilang iniisip nang magkita-kita sila sa pandayan upang tapusin ang sinimulan nang nagdaang araw. Sama-sama silang nananghali, hain ang masasarap na ulam ng bawat isa, ang makahulugang tinginan at mga ngiti ng pagwawalambahala sa maaari pang mangyari. Bago humapon, natimpla na nila ang sumasabog na pulbura, isang tanging gawaing ipinaubaya ng mga lalaki sa kanila, sa paniniwalang mas matindi kung ang bomba’y gawa ng isang babae.

      “Naghahanap ang manlalakbay ng mapagpapahingahan,” wika ni Luz na sinasamyo ang aroma ng pulot sa kanyang tsaa. Matamang nakikinig ang mga babae sa paligid niya. Nakaguhit ang kahandaan sa mukha nilang bahagya nang nabahiran ng amo. “Wala nang mas giginhawa pa sa banig na ating hinabi…” Mariin siyang pumikit, at nagmulat na nakangiti ang maninipis at bahagyang tuyong mga labi, isinenyas ng kamay sa mga kasama ang lumalamig na tsaa. “Tandaan ninyo… huwag na kayong babalik para sa iba. Wala tayong pananagutan sa isa’t isa.” Hinigop nila ang tsaa na pawang nakapikit, ninanamnam ang pantay na langkap ng tabang at pait, habang ang malamlam na liwanag sa bintana’y nagbababala ng paglubog ng araw.

      Hindi sila nagkamali. Dumating nang takipsilim ang isang sangay ng may tatlumpung mananandata, pawang malalaki, at sa kabila ng putik at dugong nakakulapol, halata ang kaputiang nasisingitan lamang ng ilang itim at kayumanggi.  Nakabalabal ang mga babae, at tahimik na pinatuloy ang mga bagong-dating sa mga silid na maingat nilang nilinis at inayos para sa mga ito. Naging abala sila pagkatapos sa pagluluto at sa paghahanda ng malaking hapag. Pinagsilbihan at binusog nila ang mga ito sa kabila ng mga nakakainsultong kuwento sa banyagang wika na akala yata’y hindi nila naunawaan. Ngunit mula rin sa mga ito’y narinig nila ang nakakakilabot na sagupaan, at nalaman nilang isang langkay na maninila ang nakakawala kagabi mula sa kanilang kandungan.

      Nakipagtalik ang mga babae sa kanilang mga bisita nang gabing iyon. Pinanabikan nilang matupok ng kanilang apoy ang mga kandila sa silid. Alam nila ang hangganan ng mga iyon. Hindi mananatiling nakatayo ang tirik na mga hubog, hahantong din sa nakakaupos na pagkalusaw. “Ang kandila ang inyong palatandaan…” wari’y nangingibabaw doon ang tinig ni Luz. “Kapag naupos ito… iyon na ang oras!” Pinilit nilang maging malakas, at bakahin ang hapding naggugumiit sa kanilang pagkababae, habang nasisilip nilang matikas pa roong nakatindig ang kandila. Hindi sila pinanghinaang panooring tumulo iyon nang tumulo. Tinigasan nila ang kanilang loob. Alam nilang hindi makakatulong ang pagluha.

      Kumislap ang mga mata ni Luz sa malayang agos ng nauupos nang kandila. Nilingon niya ang maputing buhok sa kanyang tabi pagkatapos. Humihingal ito sa pagkakatihaya. Maya-maya pa’y napalitan iyon ng mahimbing na pagharok. Halos magkakapanabay silang kumilos sa kani-kaniyang silid, kinuha ang pinanday na mga itak sa kalubang nakahabi sa banig, at parang naririnig pa ang tambol nang nagdaang gabi, habang sumasayaw ang apoy sa mga kandilang mabilis nauupos, itinaas nila ang pinanday na mga itak, at halos magkakasunod na lumapag sa banyagang leeg ang buong katalasang umuusal ng dalit na nakamamatay.

      Ngunit napigilan ng puting buhok ang paparating na kamatayan. Mabilis nitong naitulak si Luz. Nagpambuno ang dalawa sa itak. Nahulog ang mga kandila sa kasuotan ni Luz sa sahig, na agad lumikha ng malaking liyab. Sa labas, nagtatakbuhan ang hubad na mga babaeng salikop ang kasuotan, patakas sa kanilang mga biktima. Humagis ang hubad na katawan ni Luz sa tatluhang-kulay na kasama niyang lumagpak sa sahig. Mabilis na nakakubabaw sa kaniya ang kaaway na handang itarak sa kanyang lalamunan ang itak.

      Nang saglit na iyo’y kumislap sa isip niya ang mainit na tulo ng kandilang pilit niyang ibinabalik sa nauupos na hubog, at ginising ang kanyang diwa ng nakakasiglang aroma ng pulot. Tinipon niya ang kanyang lakas at humihiyaw na piniga ng kalyuhing mga kamay ang lugnot na pagkalalaking nasa kanyang harapan. Umuungol itong natumba sa nasusunog na banig, habang ang madugo nitong harapa’y isa na lamang gulanit na laman. Binalot ni Luz ng kinalugmukang tabing ang sarili, at mabilis na tumakbo palayo roon. Narinig niyang sumambulat ang silid habang binabaybay ang maliit na pasilyo. Nagtumulin siyang habol ang hininga nang matanaw ang labasan. Kasunod ng pinakamalaking pagsabog ng buong gusali, tila iniluwa siya ng balumbon ng apoy, at gumulong sa mahamog na lupa…

      Madilim-dilim pa nang landasin ni Luz ang tulay na bato, habang nakatapi ng tatluhang-kulay at hindi alintana ang ginaw. Sinalubong siya roon ng nabubulok na amoy, ngunit ilang bangkay lamang ng mga lalaki ang kanyang nakita. Umakyat siya sa isa sa mga tore ng moog, mula roo’y tinanaw ang maabo at mausok na ibayo. Halos nakita niyang sumugod doon ang mga mandirigmang nag-aalab ang mga puso… Nakakita kami ng dahilan para mamatay! Nangiti siyang naluluha.

      Napatingin siya sa ibaba nang marinig ang mga tinig, at kinawayan ang mga babaeng naroon. Hanggang mapatanaw siyang muli sa ibayo, sa humuhugong na hudyat mula roon. Naulit iyon, na dali-daling tinugon niya ng tambuling nasa tore. Bumalik ang alingawngaw na may kasamang pagbubunyi ng mga tinig na tila isa-isang nagsisibangon sa mga usok. Tumakbo siya sa ibabaw ng moog, at doo’y pinalaya ang tabing na tatluhang-kulay mula sa kaniyang katawan… magiliw na iwinagayway sa mga nagsisiuwing mandirigma sa malayo, at iyo’y pumailanlang sa kinasanayang galaw, habang sila’y kapuwa hinahaplos ng amihan, at tumitingkad ang maapoy nilang alindog sa papataas na sikat ng araw.

4 1 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x