Kuro-kuro

Tayo, Hindi Sila

“Ang pinakamasahol na mangmang ay ang mangmang sa politika. Wala siyang naririnig, wala siyang nakikita, at ayaw niyang makialam sa politika. Tila hindi niya alam na ang gastusin sa araw-araw, ang presyo ng mga binhi, ng harina, ng renta, ng gamot, lahat ay depende sa mga desisyong politikal. May gana pa siyang magmalaki sa kanyang kamangmangang politikal, at sabihing ayaw niya ng politika. Hindi alam ng bobong ito na dahil sa hindi niya pakikisangkot sa politika kaya may prostityut, batang lansangan, magnanakaw at ang pinakamasahol sa lahat, mga korap na politiko…” – Bertolt Brecht (akin ang salin)

Bagamat tapos ako ng kursong pamamahayag, hindi ko talaga piniling pumalaot sa larangang ito at wala akong anumang nakamit na katangi-tangi kaugnay nito. Gayunman, bilang isang manunulat, isang disiplinang natutuhan ko mula sa pamamahayag na gamitin ang tunay kong pangalan sa lahat ng sinulat ko, pabor man o hindi ang mga iyon sa ibang tao. Wala akong ipinahayag na hindi ko inako at pinangatawanan ng aking pirma. Walang nasa likod ng aking sinabi o ginawa.

Hindi ito pagmamayabang, kundi isang paghahalimbawa lamang kung paano natin dapat gamitin ang ating karapatang magpahayag. Ginamit ko ang aking kakayahan at kalayaang magsulat hindi para manira, kundi para magbuo; hindi para pagtakpan ang mali, kundi para ituro ang tama. Kahit kailan, hindi ko hinayaang saklawin ng sinuman o anuman ang aking pag-iisip. Nanatili akong malaya mula sa kanilang lahat, kaaway man o kaibigan. Tinutulan ko ang lahat ng leybel na gustong idikit sa akin. Ako lang ito–isang mamamayan.

May pinagmumulan ang lahat ng ating karapatan at kalayaan. Hindi basta sumulpot lang ang mga ito kung saan, kundi isinatitik sa dugo ng ating mga ninuno at ginarantiyahan ng mga gobyernong nabuo simula sa kauna-unahang Republikang ipinahayag sa Malolos noong 1899. Habang iniingatan natin ang ating mga karapatan at kalayaan, tungkulin din nating ipagtanggol ang saligang nagkakaloob ng mga ito. Dahil patuloy ang tunggalian ng mga puwersa sa ating lipunan sa tangkang masaklaw nila ito.

Naitanong mo na ba sa sarili: may mas lalaya pa ba kaysa sa liping Filipino sa kasalukuyan? Maging mga dayuhan ay nahahalina sa ating kapayakan at kalayaan. Sa kabila ng kahirapan, nagagawa natin ang ating gusto. Walang pumipigil sa atin kung saang ibayo tayo tutungo. Gaano man katagal, nakakaraos din tayo, at nababago ang buhay ng ating mga pamilya. Hindi ba’t kaysayang mamuhay sa ating mga pamayanan? Saan man tayo makarating, gaano man kalayo, pilit tayong bumabalik sa ating lupang tinubuan.

Hindi naman totoong hindi nakikisangkot ang ating mga mamamayan sa politika. Consistent na mataas ang bilang ng mga bumoboto sa ating bansa. Alam nating ang eleksyon ay isang tama at legal na panahon para rito. Kailangan pa bang makisawsaw sa negatibismong ipinalalaganap ng mga agit, coopted, politicized, at maging ng mga “pa-woke” sa social media at piketlayn? Ano ba talaga ang nasa likod ng kanilang galit o ipinaglalaban? Salamat kung tunay ang pakikisimpatya pero paano kung tayo’y ginagatungan lang?

Aakuin nila ang ating mga hinaing upang gawing sandata para sa kanilang “politika.” Naaabuso ang ating karapatang magpahayag dahil hinahayaan nating gamitin ito sa layuning mapanghati at mapangwasak. Kaliwa’t kanan ang atake sa ating mga institusyon sa ngalan ng malayang pamamahayag. Hindi naman lingid sa atin kung ano ang kanilang mga pakay, hindi ba? Kung mula sa kanan: palitan ang pinuno ng kanilang kaalyado para tuloy-tuloy ang “asenso.” Kung mula sa kaliwa naman: palitan ang sistemang kapitalista ng anila’y makamasa–sosyalista!

Isang titik lang ang pagkakaiba ng resolusyon at rebolusyon.

Ang pangunahin kong punto ay ito: TAYONG MGA MAMAMAYAN dapat ang nagpapahayag–hindi ang mga aktibista, hindi ang sinumang gustong kumatawan sa atin, at lalong hindi yaong may isinusulong na “pansarili” o “ibang” interes. Malimit sabihin ni PRRD na hindi assertive ang mga Pinoy. Kasi’y dapat tayo mismo ang nagsasalita kung may reklamo tayo o kailangan sa ating gobyerno. Hindi basta mawawala ang kawalang-tiwala dahil sa mahabang panahon ng korupsyon at kawalang-aksyon. Gayunman, ang lahat ng gobyerno ay pinatitibay ng kooperasyon. Mas may mararating tayo sa pamamagitan ng pagsunod, kaysa sa paglabag–paglaban.

Araw-araw, niyayanig tayo ng mga komplikadong suhestiyon gayong simple lang naman ang gusto natin sa ngayon: ang makaraos. Ang totoo’y masaya na tayo sa ating kalayaan. Walang banta o panganib sa daan ng simpleng mamamayan, liban sa banta at panganib ng gutom at kagipitan. Palitan man nila ang pinuno o ang sistema, para sa atin, may mga katotohanan sa buhay na hindi na mag-iiba, gaya ng malaki at maliit, mataas at mababa. Alam nating ang isang desisyong politikal, halimbawa’y ang pagbaba ng pangulo o ang rebolusyon, ay walang ipinagkaiba sa pagtaya sa lotto: hindi lahat nananalo… at anuman ang sinabi ng isang nagngangalang Bertolt Brecht, walang katiyakang mawawala na ang prostityut, batang lansangan, magnanakaw at ang pinakamasahol sa lahat, mga korap na politiko.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x