Maikling Kuwento

Ang Tsokolateng Di Ko Natikman

Lagi kong maaalala ang aking ama bilang mahigpit at seryosong tao. Parati siya roon sa tabi ng malaking durungawan sa aming kusina, nakatanaw sa likod-bahay na laging mahamog at masukal. Nalililiman iyon ng mga puno ng kaymito, tsiko, abokado, at santol. May mga puno ng saging na tinabihan ng mga gabing malalaki ang hugis-pusong dahon at sari-saring halamang gulay at gamot. Sa dulo niyon ay ang labing na may ilog sa paanan, umaabot sa amin ang lagaslas, ang mga tinig ng naglalaba at ang kanilang mga palupalo, mga naliligo, at ang mga huni ng maya, uwak, lawin, kilyawan, at ibong-bahaw. Kapag wala sa lakuan, tahimik siya roong nakaupo. Makikilala mo siya sa maitim at kulot niyang buhok na walang katulad sa aming walong magkakapatid. Halos ay wala siyang kamukha sa amin, sa palagay ko. Pogi ang aking ama, lalo na sa mga lumang kuha ng kanyang kabataan. Sa tingin ko, mas mahaba kaysa sa kanya ang aking ina, lalo pa nga’t tumaba na siya. Kapag nakaupo siya roon, malamang may pinakukuluan siya sa abuhan. Siguro, isa na namang kakatwang putahe na natutuhan niya sa Bikol, Cebu, Davao o sa kanyang mga kumpare, na karaniwa’y di ko talaga magustuhan, bukod sa ako’y sadyang pihikan nang bata pa. Minsan nama’y dahon ng bayabas o sambong lamang iyon, panggamot niya sa kanyang rayuma.

Malayo ang loob ko sa aking ama. Siguro, dahil pampito na ako, at malimit, ang nakatatanda kong mga kapatid na lalaki ang kanyang kasa-kasama, kapag may inaayos sila sa bahay at sa paligid, sa pagpapastor ng mga kambing, pangungumpay, at sa pagpunta sa bukid. Ayaw nila akong isama. Lampa raw kasi ako at iyakin. Malimit pati akong magkasakit, kaya naman napakapayat ko. Naging mas malapit ako sa aking ina, at sa kanya ako bumuntot-buntot, mula sa pangangahanggan hanggang sa luwasan sa Malabon at Navotas. Isa pa, takot ako sa aking ama. Parang lagi siyang galit. Lalo na nang dumating kami ng aking ina mula sa luwasan at may bitbit akong isang plastik na dyipdyipan, halagang kinse pesos na sabi niya’y dapat bawasin sa baon ko. Malimit pa niya akong utusang hilutin ang kanyang tuhod at noo, o kaya’y alisan siya ng uban, matagal na gawaing umaagaw sa oras kong maglaro. Ganyan siya kapag hindi barik, mainitin ang ulo, dahil masakit siguro. Kapag barik, binababag naman niya ang aking ina. Mag-aaway sila sa itaas ng bahay, habang nasa ibaba kami ng aking mga kalaro. Sanay na kami. Ganyan din ang eksena sa ibang bahay, baka nga mas malala pa.

Hindi ko naranasang “makasama” ang aking ama. Malimit siyang wala, at mas gusto ko iyon. Malabo sa alaala ko kung saan talaga siya nagtutungo. Basta alinman sa wala siya dahil naglalako, o wala siya dahil nagbabarik. Magaling daw magluto ang aking ama, pero wala akong matandaang naibigan ko sa kanyang mga putahe. Minsan nga, minura niya ako dahil hindi ko makain ang niluto niyang puro sibuyas. Aywan ko kung ano iyon, basta ayaw na ayaw ko ng sibuyas noon. Wala pati akong ibang gusto, kundi prito. Kahit pritong itlog, kung may sibuyas, pakiramdam ko’y masusuka ako. Malimit pati, uuwi siyang barik sa mahalagang okasyon, at karaniwa’y palulungkutin niya ito sa kanyang pagmumura. Minsan nga, nagtago kaming magkakapatid sa ilalim ng kama dahil sa takot sa kanya. Wala pa akong muwang para maintindihan kung ano talaga ang ikinasasama ng kanyang loob. Naririnig ko lamang sa aking ina na seloso raw ang aking ama, lahat pinagseselosan, maging manghuhula o albularyong tumitingin sa aming bunsong di nagsasalita. Minsan na ring hinabol niya kaming magkakalaro ng palo ng tsinelas nang gawin naming naglalayag na bapor ang punong kape—at nanlaglag na maigi ang mga bunga!

Wala akong maalala na umuwi siyang may pasalubong, o kinarga man lamang niya ako. Isang beses lamang yata na nakita kong tumawa siya sa akin. Naglalaro ako noon sa lumang garahe ng aming dyip (na di ko na inabot), nang mapansin ko roon ang aking ama. Siguro’y batang-bata pa ako noon, kaya hindi ko alam ang hitsura ng nakabarik. Pero tanda kong sinabi ko, at dinig ng aking ina, “Aba, rosy cheeks ang ama!” Natawa ang aking ama, at talagang mapupungay ang kanyang mga mata! Nang lumiligaw pa lamang daw ang aking ama, ayon sa aking ina, sinuman daw ay nagsasabing magaling siyang lalaki, at balita sa kasipagan, bukod pa sa kilalang albularyo ang aking mamay. Natatawa pa rin nga ang aking ina kapag ikinukuwento niya nang minsang bumili ng isda ang aking ama. Mag-asawa na sila noon. Nagulat daw siya sa supot na dala-dala nito. “Pinagkapili ko pa nga’t ako’y nagandahan,” sabi raw ng aking ama. “Di mo ga naman alam na iya’y supot ng pasador?” ang sagot ng aking ina. Mahilig ding kumanta ang aking ama. Isang gabi nga, napabangon kami dahil kilalang-kilala namin ang boses ng kumakanta mula sa tumpang ng baysanan.

Kahit ganoon ang aking ama, masasabi kong pinakamasaya pa rin ang panahong iyon. Kahit pa nga tipid na tipid kami at kahit saan kami bumaling, pinagkakautangan ang kaharap namin. Bata pa ako, ngunit alam ko nang mahiya kapag kasama ako sa palengke ng sinundan kong kapatid na babae. May kahulugan para sa akin ang pag-aabot niya ng isang listahan sa tindera, at malimit, pati ang paghihintay naming kami ay “pagbilhan.” Tanda ko rin, kapag parehong nasa lakuan ang aking ama at ina, dudurugin ng mas nakakatanda kong kapatid na babae (di kami tumatawag ng ate, o ng kuya) ang huling hiwa ng tambakol sa platito, lalagyan ng toyo, at mahimalang magkakasya iyon sa amin. “Torta” na ang tawag namin doon—o iyon ang sinasabi ng aming imahinasyon.

Bihira kaming makatikim ng karne. Malimit sinaing na isda, ‘yung may patis na maipampapalasa rin sa kanin. Minsan puro tuyo, o laging itlog—omelet na hihiwa-hiwain kung ilan kaming kakain. Kapag walang-wala, tatakbo ng isang latang sardinas sa tindahan, pararamihin ng toyo at kaunting suka. Lagi rin namang may gulay na papaya, patani, kibal, kadyos, o balatong. Kaya ayos na. Hindi kami mareklamong magkakapatid. At kahit kailan, hindi sumilid sa isip ko na mayaman kami. Minsan nga lamang, hinahanapan ko ng dahilan ang luma, ngunit malaking bahay, ang garahe, ang halatang dati’y maayos na kasangkapan, ang kama, sirang lampshade, telebisyon, radyo-transistor, mga plaka, ispiker… at kung bakit may flush ang inodoro at may shower sa banyo. Hindi ko na inabot na nagagamit ang mga iyon. Maging ang tubig ay kailangan na ring ipunin at tipirin.

“My father is a politician,” pakilala raw ng aming panganay nang nasa elementarya pa siya. Konsehal ang aking ama noong dekada sisenta. Simple lamang maging pulitiko noong araw. Kapag gusto ka ng tao, pagkakasunduan ka nilang patakbuhin at sila mismo ang mangangampanya para sa iyo, paliwanag ng aking ina. Para sa kanya, ang pulitika ang naglayo sa aming ama. Isa rin daw ito sa mga dahilan ng aming paghihirap. Madaling lapitan at pakiusapan ang aking ama. Kaunting naitabi ay nagagawa pang iabot sa nanghihiram. Minsan nga raw, walang-wala sila kahit panggatong, pero pilit naglaga ng kape ang aking ina sa pamamagitan ng papel, para lamang makapagpakape sa bumibisita. Kaya mula noo’y inayawan ng aking ina ang pulitika. Panay ang paalala niya sa amin na huwag na huwag naming maisipang pasukin ito.

Magkokolehiyo na noon ang mga kapatid kong babae nang magtungo sa Iraq ang aking ama bilang isang kusinero. Tandang-tanda ko nang una siyang mapaiskedyul, hindi natuloy ang kanyang flight. Natuwa nga ako nang makita ko siya uli kinahapunan. Pero tahimik lamang siyang nakaupo sa sala, may iniisip. Hindi ko na maalala kung saan-saan naroroon ang iba kong mga kapatid. Nagtatrabaho siguro, o pumapasok sa eskwela. Tila may pinuntahan ang aking ina noon. Kami lamang ng aking bunsong kapatid ang kasama niya sa bahay. Maya-maya, tinawag ako ng aking ama sa kusina, sa tabi ng durungawan. Pinakuha niya ako ng libro at pinatayo sa naroong bangko. Nasa harapan ko naman siya, halos pantay kami sa aking kinaroroonan. “Basahin mo nga…” aniya. Iyon ang una at huling “nakasama” ko ang aking ama. Nakatanaw kami mula sa palapag na may malaking bubog na durungawan. Kitang-kita ko siyang huminto sa kalaghatian ng hagdan ng eroplano para kumaway sa amin. Maya-maya’y iniabot sa amin ng litratista ang kopya ng tagpong iyon: alangang nakatawa, alangang maiiyak na larawan ng lumilisang ama.

Hindi ko halos namalayan ang pagtigil niya sa Iraq, liban sa mga litratong ipinadadala niya. Hindi ko rin naramdaman kung may nabago sa aming pamumuhay. Siguro, nakapagbayad ng mga utang-utang, at hanggang maakit na ring mag-aplay paabrod ang dalawa ko pang kapatid na lalaki. Pero kahit na, wala pa rin akong maalalang kaalwanan. Hanggang isang araw, narinig kong dumating na ang aking ama. Siyam o magsasampung taon na siguro ako. Pero kung bakit hindi siya tumuloy dito sa aming bahay. Sa halip, lumuwas kami ng aking ina sa Makati, sa mga mamay, kung saan sinusuri siya ng kapatid niyang doktora. Narinig ko na noon na nagkasakit daw sa Iraq ang aking ama, nawalan daw ng panlasa. Tanda ko nga’y napakapayat niya sa huling litratong padala niya. Parang hindi siya ang aking ama. Hindi ko alam kung gaano katagal, basta inip na inip ako sa pagtigil namin doon. Pilit akong nilibang ng aking tiya sa pamamagitan ng mga kahon ng posporo mula sa kanyang tindahan, na pinagdugtong-dugtong ko at ginawang robot. Ginupit ko rin ang giraffe, tigre, elepante, usa at iba pa mula sa karton ng Ovaltine. Ang mga iyon lamang ang naging laruan ko roon. Wala naman kasing naiuwi para sa akin ang aking ama—isa mang pirasong tsokolate.

Isang umaga, kinukulayan ko ng pentel pen ang iginuhit kong bahay na tanaw mula sa terasa sa itaas, nang tawagin ako ng aking ama sa kalapit na kama. Lumapit ako sa kanya at ipinakita ang aking ginagawa. Ngumiti lamang siya. Hindi ko na rin maalala ang kanyang tinig. Matagal ko na siyang hindi naririnig magsalita, matapos ang araw na pabasahin niya ako ng libro bago siya umalis papuntang Iraq. Nang tanghali, narinig kong pinag-uusapan nila, tiningnan daw ng mamay ang palad ng aking ama, ngunit hindi ko naunawaan ang kahulugan ng usapang iyon. Parang naalala kong minasdan din ng aking ama ang aking mga palad—at nag-iisip na minasdan ko rin ang mga ito.

Hapon nang matanaw ko mula sa terasa nang pilit nilang binuhat ang aking ama, kasama ang mismong silyang kinauupuan niya. Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang pagtutol niyang madala sa pagamutan. Lumipas ang mga oras, ipinagpatuloy ko ang aking paglalaro sa aking robot na kahon at sa mga hayop na karton. Tila inabot ako ng gabi roon, at nagulat na lamang ako nang higitin ng aking tiya ang braso ko, dahil pauwi na raw kami. Tila naiiyak siya, pero ayaw kong patalo sa kutob ko. Salo sa tisyert ang mga kahon ng posporo at ang mga hayop, umalis kami roon. Hindi ko na maalala kung saan sila napatago o nahulog kaya. Ang mahalaga—uuwi na kami, kasama ang aking ama.

Mahal kong misis at mga anak,

Bago ang lahat ay katulad ng dati kalakip nang liham kong ito ang taos pusong dalangin na nawa’y kayong mga mahal ko sa buhay, laging na sa mabuting kalagayan, at ligtas sa ano mang kapahamakan. At kong ako, ang inyo namang itatanong o maaalaala ay mabuti naman sa awa ng Dios at puong maykapal, at kong bagaman nagkakaroon ng karamdaman ay gumagaling pa rin. Kaya huwag magaalaala nang tungkol sa akin. Sapagkat kong kami dini ay ilalayo nang panginoong Dios at magkakaroon ng mahigpit na deperensya, ay malalaman agad ninyo diyan sapagkat hindi magpapabaya sa amin ang “companya.” Kaya nga lamang ay hindi ako malimit makapagpadala ng sulat sa inyo. Kaya kayo na lamang malimit susulat sa akin.

Ang una kong hinihingi sa inyo at hinihiling padalhan ninyo rito ng litrato ninyong lahat, na kuha diyan sa harap ng ating bahay. Sa lalong madaling panahon. Sapagkat kong oras oras gusto kong kayo makita. Ang ikalwa ay bagay sa pagaapply ni Sofio ay huwag siyang maiinip maghintay siya kong wala pang lugal sa Saudi, sapagkat kong dito sa Iraq sa huwag na. Sapagkat napakahirap dini wala dining dollar at mahal pa ang mga bilihin. Tama na ako ang makaranas. “Hintayin kong kailan may logal sa Saudi!” Bagay naman kay Nanding huwag din siyang maiinip, kung sakali mang wala siyang mabuting trabajo, talagang ganyan ang buhay. Lahat tayo ay magtitiis mona nang kaunting hirap. At lalong pinakamahalaga sa tao, ay ang kabaitan, kaya kayong lahat na, mga anak ko, ay alam kong kayo ay mababait na, subalit kadadagdagan pa ninyo, ang inyong kabaitan. Magsipag kayong lahat sa “pagaaral” upang tayo ay mahango sa kahirapan.

Ang lahat na nakobra mo diyan na kuwarta, ay ipadala mo dini sa akin kung magkano na, upang malaman ko dini kong tama ang inyong kinukobra sa buwan buwan. Kami ay mayroon pinanghahawakan na aming pinirmahan dini, kong ilang buwan ang siyang nasasahod. Tungkol naman kay Pepe, ay hindi na ako sumagot sa kanyang sulat, dahilan sa hindi ko alam ang isasagot sa kanyang kahilingan. Ayaw kong sugatan ang kanyang damdamin. Buhat nang siya ay sumulat dini sa akin ay hindi siya sumulat na muli.

Mahal ko, ako ngayon ay hindi malaki ang sasahurin dahilan sa wala akong overtime. Gayon man hindi na bali ano? Hindi naman mahirap ang aking trabajo. Hangang sa sinulat ko ito Petsa 5 ng Octobre ay hindi pa kami nakakasweldo ng buwang Sept. Maaaring magkasabay na ang Sept. at Octobre.

At siya nga pala bago ko tapusin ang liham kong ito ay “Happy Anniversary sa Noviembre 24/82.” Siempre naman isang HALIK kay Otoy. At iyong litrato ninyong lahat siempre magaganda ang suot, para lalong bumagay sa magandang misis, at naggagandahan kong anak.

Ito na lamang, at bago matulog siempre naman ay isang mainit na halik igagawad kay Otoy.

Ang hindi na makalilimot na Mr. at ama ng kanyang anak…

Kahit sa litrato, hindi na niya muling nakita kami na kanyang pamilya, sama-sama at magaganda ang bihis sa harap ng aming bahay. Itinatanong ko sa aking ina kung bakit hindi na nakapagpakuha, ngunit hindi na rin niya maalala ang dahilan. Mula nang pumanaw ang aking ama, nakapangibang-bansa rin ang lima kong nakatatandang kapatid. Ngunit bawat paglisan, tila ninanakaw sa amin ang tuwa ng pagiging buo, at kahit nakabalik na sila, hindi na rin naibalik pa ang nawaglit na panahong wala sila. Ang pagkaway na iyon ng aking ama sa hagdan ng eroplano ay siya palang wakas ng yugtong iyon. Ipinagiba ang inaanay nang bahay at pinalitan ng bago. Nawala na ang paboritong durungawan ng aking ama sa kusina, maging ang mga tinatanaw niya roon.

Matagal na akong tapos sa pag-aaral nang mapanaginipan ko ang aking ama. Dinalaw niya raw ako sa aking pamantasan. Niyaya niya akong mamasyal, at sabik na inilibot ko siya roon. Siyang-siya siya sa kanyang nakita. Bago kami maghiwalay, isang bar ng tsokolate ang iniabot niya sa akin, na aming pinagsaluhan. Iyon siguro ang gustong-gusto niyang ibigay sa akin noon. Danga’t kailangan ang maraming taon at isang panaginip, para matupad lamang ang isang iyon.

(Sa alaala ng aking ama, Venancio C. Sulit)

02/27/06

 

Bokabularyo:

labing – isang munting bangin, talampas, o matarik na lupang pormasyon

ibong-bahaw – tinawag na gayon dahil sa bahaw (pangit) na huni

lakuan – lugar na pinagbebentahan; pinaglalakuan; akto ng paglalako

abuhan – mula sa salitang abo; lutuang ginagatungan ng kahoy; kalan

pangungumpay – pangunguha ng dahon o damong pakain sa hayop

pangangahanggan – pangangapitbahay

hilutin – haplusin, himasin, imasahe

barik – pang-uri, nakainom, lasing; pandiwa, uminom, maglasing

binababag – inaaway

mamay – lolo

pasador – sanitary napkin

tumpang – trompa, loud speaker

baysanan – kasalan

balatong – munggo

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x