Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 6

Akala ko ayos na ang lahat nang nakakamulat na ako. Mas malala pa pala ang kasunod.

Pinuntahan ko agad sa gilid ng bahay ang mga inay pagkagising. Inaayos na ni Ate Mabel sa isang malaking palanggana ang mga kumot, kobre kama at iba pang labahin. Nakakula naman sa malapad na ibabaw ng mga halamang violeta ang maliliit na tisyert ni Kael. Kapag wala kaming makaing kendi ng mga kalaro ko, at naghahanap ng matamis ang aming dila, tiyaga kami sa pagsipsip ng nektar ng bulaklak ng violeta, daig pa namin ang paruparo.

Samahan mo ako. Maglalaba ako sa tubig,” sabi ni Ate Mabel. “Tubig” ang tawag namin sa ilog.

Kakain muna ako,” sabi ko. Tumakbo agad ako pabalik sa kusina. Nasa lamesa ang pandesal, katabi ng kapitera. Dalawa ang pagpipilian kong palaman, “Star” o sinangag – oo, ipinapalaman namin sa tinapay ang sinangag na kanin. Kapag walang-wala, asukal na pula, pwede na rin. Binibili namin ang pandesal na inilalako ni Ka Dining. Tuwing maagang-maaga, maririnig mo ang matinis niyang tinig sa kalehon: “Napoyy!” sunong ang isang malaking bakol.

Jepoy, tayo na!” maya-maya’y tawag ni Ate Mabel. Ito talagang si ate, isa pa nga lang ang nakain ko e. Nagpalaman pa ako ng isa, tapos hinigop ko nang diretso ang natitirang kape sa tasa. Saka patakbong pinuntahan ko si ate, baon ang pandesal na may palamang sinangag.

Ang ilog na pupuntahan namin pwede mo ring matanaw sa bangin sa aming likod-bahay. Minsan, sumasama ako kay Kuya Boy, pamangkin ni inay, na bumaba roon. Nakasakay ako sa balikat niya at sa isang puno kami daraan pababa sa ilog. Ngayon, iikot kami ni Ate Mabel doon sa sadyang daanan papuntang ilog sa di kalayuan. Ang ayaw ko roon, maraming aso sa bahay-bahay, at matatapang! Isa sa mga bahay doon ang kina Alex Pacita.

Dahan-dahan lang kami ni Ate Mabel sa gitna ng kahulan ng mga aso, higit-higit ko ang kanyang palda, habang nararamdaman ko sa binti ko ang ngipin ng isa sa mga aso. “Huwag na huwag kang magkakamaling tumakbo…” bulong ni Ate Mabel.

Pagkalagpas doon, parang bundok naman, may mga puno ng mangga, santol at kaymito. Dahilig ang lupa at parang mga baitang ang nilalakaran naming “pila” (matigas na lupa). Patakbo-takbo ako at pakagat-kagat sa baon kong pandesal, kaya bukod sa pagbuhat ng palangganang nakasandig sa kanyang baywang, dagdag pang trabaho ni Ate Mabel ang sawayin ako, o kaya pagtawanan kapag nadapa. “Hirat nga, kalikot mo e!” Ngunguyngoy ako nang konti, pero pagkarinig sa malapit na lagaslas ng ilog, takbo uli.

Ang ayaw ko sa aming ilog, mababaw lang ito. Tamang-tama lang siyang paglabhan. Uy, wala pang nakapwesto d’un sa gitnang bato! Pahaba iyon at tamang-tamang latagan ng damit na binubugbog (gamit ang “pamugbog” o palo-palo). Minsan, pag walang naglalaba roon, ginagawa namin iyong bangka-bangkaan.

Sinimulan ni Ate Mabel ang kanyang gawain. Ako naman, hubad-barong naglaro muna sa katabing lagaslasan, patawa-tawa dahil nakakakiliti sa singit kapag nakaupo ka roon. Maya-maya pa, natanaw kong tumatakbo ang hubad-barong sina Alex Pacita at Ide, maliligo rin. Bihira naming makasama sa ilog si Alex Doding. Nakakababa lang siya sa ilog kapag maglalaba sila.

Sa isang sulyap sa akin ng dalawa habang tumatakbong palagpas sa aming kinaroroonan, tumayo agad ako at umahon paakyat sa ilang baytang ng adobe sa pampang ng ilog, habol ng saway ni Ate Mabel, “D’yan ka laang sa malapit!”

Kaya pala nagmamadali ang dalawa. Sa dakong unahan ng ilog, hinarangan ng mga binata ang isang bahagi mula sa pampang hanggang sa kabilang gilid ng batuhan, kaya malalim doon at pwedeng lumangoy. Lumusong din kaming tatlo pero nag-atubili kaming puntahan ang dakong malapit sa sangga (harang) –kawayan, kahoy, puno ng saging, palapa ng niyog, lumang banig, sako, plastik at kung ano-ano pang pwedeng iharang sa tubig. Kapag nabubutas, dali-dali silang maghahanap ng pantapal. Sa ibabaw namin, minsan parang atungal ang langitngit ng punong kawayan. Natutuwa akong pagmasdan ang mga dahon niyong paikot-ikot na nalalaglag, parang hugis pilipit.

Pag-ahon doon, pinuntahan namin ang lungga ng mga katang (maliliit na talangka). Isang katamtamang butas iyon na puno ng lumot. Kapag hinigit mo ang lumot, nakadikit doon ang mga katang. Dinadampot namin ang mga iyon at inilalagay sa tabong may tubig para maiuwi. May ilang rainbow fish din doon at saka piras (maliliit na shell). Niluluto namin ang katang at piras kasama ng kangkong na galing din sa ilog. Maliliit pa ang mga katang kaya ibinalik namin uli sila roon.

Malapit sa pinaglalabhan ni Ate Mabel, mayroon kaming tinatawag na “layon,” isang pasalok na bahagi ng ilog na malalim. Makipot lang iyon kaya pwede ka lang magbabad. Pero malalim talaga, hindi ko maabot ng paa. Tumanghod lang kami roon dahil wala kaming kasamang mas malaki. Baka kami malunod.

Sa ibabaw ng layon ang kabilang pampang ng ilog. May matandang puno ng mangga roon na nakatayo sa gilid ng bangin. Paborito naming batuhin ang mga bunga niyon. Minsan, nakatama ako ng isa, tuwang-tuwa ako. Pakiramdam ko, ang galing-galing ko, asintado, parang si Lito Lapid!

Nanginginig na ako nang bumalik kay Ate Mabel. Nagsabon ako ng katawan at nagbuhos malapit sa kanya gamit ang tabo. Wala kaming sabong mabango, kaya ‘yung panlaba rin ang ginamit ko. Nagpipiga na si Ate Mabel at ilang sandali pa, naghanda na kaming umuwi.

Nakakapagod kapag pabalik dahil pataas naman. Kita kong nabibigatan si Ate Mabel sa kanyang dala. Ngayo’y sunong na niya ang palanggana sa ulo. Bitbit ko naman ang pamugbog at ang tabong may lamang sabon. Pagdating mo nga pala sa itaas, doon din sa lugar ng maraming aso ang bahay ng Kakang Syura, ang magtatawas. Tagpi-tagping sasa at kahoy iyon, at pati sahig, tagpi-tagpi rin. Sama-sama nang lahat sa loob, sala, lutuan, kainan at tulugan. Binati kami ng Kakang Syura mula sa banggerahan nang maramdaman kami. Matanda na talaga siya, at kahit isa na lang ang litaw niyang ngipin, lagi pa ring nakangiti.

Nakalagpas uli kami nang ligtas sa mga aso. Pasalamat ako at naroon ang Kakang Syura. Sinaway niya ang mga ito.

Tamang-tama ang dating namin sa bahay, naghahain na para sa tanghalian. Naroon na rin ang dalawa ko pang ate. Namalengke pala sila habang nasa ilog kami. Sabado nga pala ngayon! Binuklat ko ang kanilang pinamili, hanap ang paborito kong butse-butse.

Kakain na nga e pagkain pa rin ang hanap,” sabi ni inay.

Wala uli si tatay, nasa Bikol. Pero umuwi raw si Kuya Pio. Dinig ko sa inay, nagtratrabaho raw sa Makati at sa kuli-kuli nakatira. Hindi pa ako nakakarating doon, pero tagaroon daw ang Mamay Rufo at iba pa naming pinsan.

Lumipas ang mga oras na walang drama, walang sawayan at walang iyakan. Dahil nakaligo sa ilog, masarap ang tulog ko nang tanghali. Kaya lang paggising ko, parang mainit daw ang hipo ni inay sa akin. Nakakain pa ako nang ayos sa hapunan, pero nang gumabi na, nanginginig na ako sa matinding ginaw. Nanuno agad ang suspetsa ni inay, kaya tinanong si Ate Mabel kung ano raw ginawa ko sa ilog.

Kasama n’yan sina Alex. Naligo ang mga ‘yan d’un sa sangga,” sabi ni Ate Mabel.

Baka nakatuwaan na naman ito. Ayos na kaya ang Kakang Syura?” sabi ni inay.

Parang ayos naman nang makita namin,” sagot ni ate.

Magpapatawas bukas. Pupunasan muna kita,” sabi ni inay.

Habang nakahiga, gising ang diwa ko buong magdamag at bumubulusok kung saan-saang sulok ng kalawakan. Hindi ko alam kung nananaginip ako. Parang may kausap ako na gaya ko ring puro liwanag. Para kaming mga raket na pataas nang pataas, gumuguhit sa karimlan ng papawirin, at salita nang salita sa hindi mawawaang wika, nakakapanlata.

Hindi ko na namalayan kung paano ako tuluyang nahimbing. Basta pagmulat ko ng mata, umaga na, nasa isang tabi ang natuyo nang tuwalya, at mabigat ang pakiramdam ko. Bumangon ako at saka ko namalayang balot na balot ako ng dyaket, padyama at medyas. Lalo ko tuloy naramdamang may sakit ako. Painot-inot akong bumaba ng hagdan at humilata sa silya sa sala. Doon ako napasukan ni inay at inalok ng lugaw. Dinalhan niya ako ng isang mangkok, pero hindi ko naubos. Nakatulog uli ako roon. Nang magising ako, magtatanghali na. Hindi na raw ako ginising ni inay dahil mas mahalaga raw ang magpahinga.

Pagbangon ko, nakita ko si Kuya Pio sa tabi ng mesa. Nakatayo siyang tila nag-iisip sa tabi ng mahabang durungawan. Ewan ko kung dahil sa lagnat, pero maabo ang tingin ko sa paligid, makulimlim. Lumapit ako sa durungawan at pagtingin ko sa labas, basa ang paligid, umaagos ang tubig sa puno ng kaymito malapit doon.

Umuulan pala…” sabi ko.

Hindi ko maintindihan kung bakit tiningnan ako ni Kuya Pio nang matagal pagkarinig sa sinabi ko. Lumayo agad ako dahil parang naiinis siya sa akin. Humilata na lang uli ako sa silya. Pagkuwa’y narinig kong sabi niya kay inay: “Sabi ni Jepoy, umuulan daw… hindi naman a… kainitang-kainitan!” Pero hindi ko na masyadong inintindi iyon. Lalong hindi ko kayang ipaliwanag ang mga sunod na mangyayari.

5 2 votes
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
1 Comment
Oldest
Newest Most Voted
Inline Feedbacks
View all comments
Immanuel Genesis Sulit
Immanuel Genesis Sulit
22 days ago

Ako po ‘yung naka-blue sa picture. 🙂

error: Content is protected !!
1
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x