Tula

Diwang Malaya

Sa langit-langitang hindi ko mapanhik,
ako’y diwang ligaw, sa buwa’y tumakip;
tula ko sa limbo, sino nga’ng dirinig?
taynga ng bayan ko’y may pasak at pinid.

Kaya bumulusok at pumailanlang,
nasok sa puso mong lipos, walang malay;
dinilig ko yaon ng matandang aral,
hanggang mamunga ka ng kadakilaan.

Naisaysay ko na ang mga panuto
sa ikalulubos ng iyong pangako;
kaya gumising ka, ngayon ay humayo;
sabay mong ibangon bayang naniphayo.

Daan-daang taon ng ating lumipas,
Buklat-buklatin mong daan-daang pilas;
Pilit mong tuklasin ang lihim na lunas
sa sakit ng lahi, sa naglahong gilas.

Gayong baya’y saklot ng bisyo’t ligalig,
at h’wisyo’y kung saang kandungan naidlip,
ika’y bayani kong darating, sasagip;
sa sama ay buting lilipol, daraig.

Mag-ibayong ingat sa landas na tahak,
pagkat kalupaa’y nagkalat ang ahas;
kung iba ay takot sa yabag at yapak,
kilala ko’y sanay humalik, yumakap.

Nais nilang kunin ang taglay mong lakas,
hanggang manghina ka, kulubot ang balat;
ngunit kung ang giting, pinanday ng pantas,
di sila uubra, ika’y maliligtas.

Ako’y diwang ligaw, gabay mong ituring,
ngunit walang lakas kung ika’y lingkisin;
tula ko’y balikan, lagi mong baunin,
upang maligtas ka sa maraming pain.

Tugmaang larangan ng mga digmaan,
lahat ng sinaysay, lakip ang pangaral,
maging ang pangalan, sa iyo ang alay,
magandang pag-asa ng sawi kong bayan.

Huwag kang bibitiw, gayong nagupiling
ang hukbo ng lahing ayaw paalipin;
duguang bandila’y iyong salikupin,
kahinaan nati’y ating lulupigin.

(Pebrero 11, 2017)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x