Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Estasyon 2

Nanalangin si Hesus sa Getsemani

 

Barya-baryang pilak ang baong dalangin,
Sa balon ang tapon, kasabay ng hiling;
Kung hindi mo dinggin, tatalikod kami,
Hanap ay tadhana sa kamay ng genie;
Kami ba ay pawang inanak ni Cain?
Kahit na kapatid aming papaslangin;
Sa magkakaloob, sanla’y kaluluwa,
Yaon man ang mula-ng-pagkakasala;
Nabantayan sana ang iyong pagtangis,
Ang kabalisaang nagdurugong pawis;
Napagtanto sanang di lahat ng ibig,
Sa hapag ng Diyos, aming makakabig.

“Ito na ang oras ng pagpaparangal;
Sa Iyo’y habilin, kawang minamahal;
Kagaya nang ako at Ika’y magsanib,
Nawa’y maging isa silang nananalig.”

Pag kami’y nasukol, mga labi’y tikom,
Walang kakilala sa harap ng hukom;
Di kami aamin, gusto pang mabuhay;
Sa kinang ng pilak, magpapakamatay;
Tanong ni Pilato’y saligan ng lilo,
Hanggang mabaluktot ang tama’t totoo;
Ginaganyak kami, matamis ang wika;
Sino’ng di aayon? Kaygandang pakana!
Tatahimik kami nang hindi guluhin,
Magkukunwang bingi, kung may sinungaling;
Mata’y ipipikit pag may naaapi;
O, mabuti pa ngang kami’y maging pipi!

‘Pag ika’y nagbalik, ano ngang daratnan?
Mga katiwalang sa iyo’y papaslang?
Kapag narinig na ang pastol na tinig,
Sila’y iiwan ko’t sa iyo papanig.

 

Bokabularyo:
Saligan – Sandigan, batayan
Ang tanong ni Pilato: “Ano ang katotohanan?”

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x