Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 7

Dalawang taong gulang ang pinakabatang kuha ko sa lahat ng retratong makikita sa aming mga lumang album. Lahat ng kapatid ko may kuha noong sanggol pa sila, kahit nga si Kael, pero ako wala. Kaya kapag oras ng asaran, “pulot sa sagingan” ang tukso nila sa akin. Inanod lang daw ako ng malaking baha mula kung saan, hanggang mapulot nila ako sa sagingan.

Tandang tanda ko pa kung paano ako kinunan sa retratong iyon. Isang umaga, inaya ako ni inay patungong bayan (poblacion). Dinig ko, pupunta raw kami kay Rod’s, magpapalitrato. Siguro, bertdey ko noon. Bago ang suot kong tisyert, syort at pati tsinelas. Lakad lang kami dahil malapit lang iyon.

Pasaan si utoy?”

Kakisig!”

Bati ng ilang nakakasalubong namin habang daan.

Poging-pogi!”

Hmmm…

Pagdating namin sa estudyo, napansin ko agad ang pulang tren-trenan sa ibabaw ng mesa sa sulok. May pisi iyon sa una para hila-hila mo siya. Hindi pa ako nakakita ng totooong tren. Narinig ko lang minsan, sa tren daw sumasakay si tatay papuntang Bikol. Hindi ko rin alam kung saan ang Bikol.

Swerte, nang patayuin na ako para kunan ng retrato, pinahawakan sa akin ng retratista ang pising kakabit ng unahan ng tren sa lapag, ipinatong naman ang kalahati sa isang bangkito sa tabi ko. Kaya kung makikita mo ang retrato – talagang napangiti niya ako.

Kaya lang, eto ang problema: ayoko raw ibalik ang tren. Hindi ko na matandaan ang parteng ito, basta kwento ni inay, pumayag daw ang may-ari na iuwi muna namin ang laruan, at nang makalimutan ko na, saka nila isinauli. Hanggang ngayon, tuwing makikita ko ang retrato, sa dalawang bahagi pa rin ng tren tumututok ang paningin ko.

Mag-isa lang ako sa kwarto ngayong umaga. Mabigat pa rin ang ulo ko, saka mainit pa rin ang hininga ko, medyo masakit na sa ilong. Sa tokador, may nakapatong na royal, ilang sky flakes mula sa lata, at isang mansanas. Dinampot ko syempre ang mansanas na dalawang okasyon ko lang natitikman, Pasko at kapag nilalagnat, gaya ngayon.

Tinungo ko ang katabing sala at lumuhod sa bakal na upuang may foam paharap sa mahabang durungawan. Tanaw na tanaw ko mula sa itaas ang mga kalaro ko nang umagang iyon. Nagka-kalabado sila sa kalehon, habang nagcha-chinese garter naman sina Daisy at Maricon sa kaliwa ng aming bakuran, na may mahahabang damong pinagbubuhol namin para masabit ang paa ng kalaro. Habulan at tayaan din ang larong kalabado. Kailangang magaling kang umilag at malusutan mo ang hanay ng kalabang koponan para manalo.

Nagpuputu-putuhan naman sa isang sulok sina Dobie, Lotlot at Tanang (Rosanna). Iyong putu-putuhan, magtutumpok-tumpok ka muna ng alikabok, tapos bubutasan mo ang mga iyon gamit ang siko mo, bubuhusan ng kaunting tubig (o kaya iihian) bawat butas, at saka kukunin nang pabilog mula sa gilid, ihahanay-hanay at ibebenta kuno sa mga kalaro na parang puto, kaya putu-putuhan.

Malimit ay ganu’n, iisip kami ng magagawa, tapos uulitin lang namin ang tawag d’un o lalagyan ng “-han” sa dulo – laro na y’on. Bahay-bahayan, tinda-tindahanan, espadahan, patay-patayan… Sabi ko sa iyo, hindi kami mauubusan ng laro.

Jepoy!” tawag ni Alex Doding nang matanaw ako. “Me lagnat ka?”

Oo…” Tumango-tango ako dahil parang hindi niya ako marinig.

Tinanaw din ako nina Alex Pacita at Ide.

Penge!” sigaw ni Ide dahil kita niya ang mansanas na hawak ko.

Isa lang e…” sabi ko.

Tapos, nagtakbuhan na uli sila.

Narinig kong may umaakyat sa hagdan. Lumingon ako, si inay pala, nakabihis. Kasunod niya si Anda (Rosalinda), ina ni Tanang. Anak siya ni Ka Sinay.

Sasamahan ka muna ni Anda. Kukuha laang ako ng panlako,” sabi ni inay. “Pag gumaling ka na, isasama kita pagluwas, para makita mo ang Maynila. Pupunta tayo sa Luneta.”

Sumigla ang pakiramdam ko nang marinig ang salitang “Luneta.” Noong ayos pa ang TV namin, napapanood ko ang Maynila. Ipinapakita roon ang mga larawan ng iba’t ibang lugar, mga gusali at sasakyan, habang pinatutugtog ang ngayo’y pamilyar nang kanta:

May bagong silang,

May bago nang buhay,

Bagong bansa, Bagong galaw,

Sa Bagong Lipunan.

Magbabago ang lahat, Tungo sa pag-unlad,

at ating itanghal, Bagong lipunan!

Nilapitan ako ni inay at dinama ang init sa leeg ko.

Mainit pa. May lagnat ka pa. Painumin mo mamaya ng kortal ha, Anda? Hatiin mo.”

Nasa’n ho si Ate Mabel?” tanong ko.

Nasa kamposanto ‘yung tatlo, naglilinis sa puntod ng mga inay. Undras (undas) na sa kabilang linggo.”

Nang makatalikod si inay, inubos ko na ang mansanas. Nagbabasa si Anda ng komiks na nakatambak sa mesita. Pagkaubos ng mansanas, dumungaw uli ako sa bintana. Wala na ang mga nagcha-chinese garter at nagpuputu-putuhan. Natanaw ko pang naglalakad ang dalawang Alex at si Ide sa dako ng sampalukan. Siguradong pagkwekwentuhan na naman nila si Voltes V. Ano na kayang nangyari? Una-unahan pa sa pagkwekwento ang mga iyon pero pare-pareho naman ang pinanood.

Humilata uli ako sa silya nang makaramdam ng pamimigat ng ulo. Napansin ako ni Anda kaya tinanong kung ayos lang ako. Hinaplos-haplos niya ang noo ko.

Nakapunta ka na ga sa Maynila?” tanong ko.

Oo, maganda roon! At hindi ka pwedeng magtapon ng balat ng kendi d’un. Huhulihin ka ng pulis,” sabi niyang may pagbibiro.

Kilala mo ga si Marcos?” tanong ko.

Oo, siya ang pangulo ng Pilipinas,” sagot niya na parang tinuturuan ako.

Mabait ga si Marcos?” tanong ko uli.

Matapang daw y’un, sabi ng tatay! Pag hindi ka sumunod, papaluin ka n’un.”

Di ko nga pala nasabi, pisi (PC) ang tatay nina Anda. Parang pulis din y’un. Minsan nga, pag naglalaro kami sa labas, nakikita naming dumarating, nakauniporme pa ng kaki at saka ang kintab ng puluhan ng baril. Tumatabi agad kami, dahil singkit siya at hindi pa ngumingiti.

Matulog ka muna para gumaling,” sabi ni Anda.

Dito na ako. Ayoko sa kama,” sabi ko na nakatingin sa gumagalaw-galaw na ginantsilyong kurtina ng bintana.

Hindi naman ako aalis. Sasamahan kita. Mas magaling doon,” udyok ni Anda sa akin.

Bumangon ako at lumipat sa kama. Nakasara sa kalahati ang bintanang kapis. Nakabakat doon ang anino ng punong cacao sa labas, na parang isang malaking insekto na habilog ang ulo. Tumagilid ako patalikod sa bintana. Pumikit ako at niyakap nang mahigpit ang isang unan, dahil nakakaramdam na naman ako ng kakaiba sa katawan ko. Nang maging sakitin ako, may oras na pakiramdam ko, parang paliit ako nang paliit, o kaya naman, palaki nang palaki. Kapag nangyayari ito, kahit ano’ng sabihin ng mga nakapaligid sa akin, wala akong naiintindihan, at hindi rin nila ako maintindihan. Para raw akong luko (baliw), sabi ni Kuya Pio. Pinilit ko na lang na makatulog.

Buti pa e uminom ka muna ng gamot, para kahit makatulog,” sabi ni Anda. Inabutan niya ako ng sky flakes. “Kainin mo muna.” Tapos, hinampas niya nang malakas ang kortal sa mesa. Ibinigay niya sa akin ang kalahati, at isang basong tubig.

Nakatulog ako pagkatapos, at nanaginip. Sa panaginip ko, may nagsasalitang babae. Sabi niya, “Ako ang ina mo.” Hindi ko sigurado kung ako ang kinakausap niya, o kung magkasama kami. Basta nakatingin lang siya, at pakiramdam ko, hindi naman ako maaano.

Ginising ako ni inay bago magtanghalian. Nakaalis na si Anda. Nakauwi na rin ang mga ate at mga nakadaster na naliligo sa tabi ng banyo na may dingding na sasa sa unahan ng lumang garahe. Hindi lang pera o pagkain ang tinitipid namin, pati tubig. Nag-iipon pa kami ng tubig kapag gabi, kasi minsan, walang tulo sa araw.

May garahe kami dahil meron daw kaming dyip dati, pero napilitang ibenta ni tatay dahil nakabangga ng bata. Kaya ngayon, bodega na lang ang garahe. Naroon din ang malaking kaban ng palay na ibinibilad namin sa labas bago ipagiling. Kita ko nang ibaba ng Kakang Piyano sa kariton ang ilang sakong palay noong isang araw. Siya ang nag-iintindi ng aming lupa dahil naglalako nga si tatay.

Nakakainip talaga kapag nilalagnat. Puro higa at tulog lang ang nagagawa ko. Tapos, kahit nakahiga, dinig ko pa ang takbuhan, sigawan at tawanan ng mga kalaro ko. Mamaya, hapon na uli, tapos gabi naman… tapos na naman ang isang araw. Walang laro, walang mapanood, walang makakwentuhan…

Tabi-tabi kaming natulog sa isang malaking banig sa sala sa ibaba ng bahay. Ginigitna namin ni Kael si inay, sa magkabilang gilid sina Ate Mavic at Ate Malou, at sa paanan si Ate Mabel.

Hindi ko alam kung gising ako o nananaginip. Nang una, wala akong makita. Mamaya, biglang nagliwanag. Mga bilog na ilaw, balumbon ng usok, sunod-sunod na tsug-tsug. Sumisilbato ang itim na bagon habang nilalandas ang nabubuong eksena. Tumingala ako sa mga kalbong tao, nakabiting pabaligtad sa kisame, babae’t lalake. Sa loob ng tren, patong-patong ang hubo’t hubad na mga patay, at ramdam ko, ako iyon sa ibabaw!

Naramdaman ko na lang na niyuyugyog ako ni Ate Mavic at pilit na pinaiinom ng tubig.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x