NBSMoNB?

Pagkamulat ni Magdalena nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio P. Kapulong

Ito ang nobela! — ang una kong reaksyon matapos basahin ang Pagkamulat ni Magdalena nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio P. Kapulong.

Inilathala noong 1958, tinatalakay ng nobela ang isang panghinaharap na kalagayan ng 1980. Naalala ko tuloy ang nobelang 1984 ni George Orwell na panghinaharap din at tumatalakay naman sa isang lipunang distopyan ng superdiktador at ngayo’y iconic nang si “Big Brother” ng isang TV franchise. (Ano bang meron sa dekada ’80?)

Tungkol ito kina Denang at Dario, sa kalayaan ng pag-ibig (at sabihin pa’y ng sex) at sa mga salimuot ng lipunang hinahangad nilang madaig. Sa likhang mundo ng nobela, pinamamahalaan ng mga mananakop na “Intsik” ang Pilipinas (kuwidaw sa mga may sentimyento laban sa Tsina). Isa lamang si Denang sa kanilang mga lokal na tiktik na may misyong subaybayan ang isang “lihim na kaaway ng bayan” upang ipagkanulo at ipapatay. Si Dario, ang propesor, ang tinutukoy na kaaway.

Talagang namang una at mapangahas sa kanilang panahon si Abadilla at ang kanyang disipulong si Kapulong. Hindi sila natigatig na ihain sa nakahihigit na konserbatibong madla ang konsepto ng isang lipunang may pagtingin sa dangal ng sex at sa kalayaang ipahayag y’on sa labas ng mga muhon at kumbensyong kinalakhan at sinasandigan ng nakararami sa atin. Inaanyayahan nila tayong mamulat din gaya ni Denang/Magdalena, na tila y’on na nga ang ultimong paglaya na maghahatid ng katubusan sa sambayanan.

Kung ikukumpara sa nauna at mas makakapal na nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, at Banaag at Sikat ni Santos, na pawang tumatalakay din sa kasalungat na kaisipan, masasabi kong panalo ang Pagkamulat sa pagiging prangka nito at sa mas hinog na mga panukala. Hangad nitong tumindig na mag-isa ang tao, sa kabila ng kanyang lipunan, at magkaroon ng pag-asang lumigaya. Gaano kalaki kaya ang ating tiyansa? Kayo na ang humusga.

NABASA MO NA BA?

Unang inilathala 1958 ng Inang Wika Publishing House, Maynila
Orihinal na pamagat: Pagkamulat ni Magdalena
Wika ng edisyon: Filipino
264 pahina

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x