Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Estasyon 3

Hinatulan ng Kamatayan si Hesus

 

Tingnan mong maigi ang napapanood—
Baka isang Kristo ang inginungudngod;
Baka ang binitay, ang hamak na Nabat,
Busong at rebelde ang kanilang sumbat;
Gawa-gawang habla ng may katungkulan,
Sa hangad lumawig ang sariling parang;
Ang Diyos at bayan, mainam na gamit;
Madlang walang isip, dagling pumapanig;
Sa ganyang dahilan, dami nang naputi
Ng tiwaling hukom at bulaang saksi;
Mata ng naapi, kung iyong mamalas,
Nakabahid doon ang ugat ng dahas.

“Kayo’y magluluksa, tatangis, iiyak,
Habang sanlibuta’y iindak sa galak;
Kaunting panahon, wari ba’y kaytagal—
Muling makikitang ako’y naririyan!”

Ang milyang tinakbo nitong aming mundo,
Hindi ba’t kaylayo sa panahong bato?
Katawang malinis, magara ang bihis,
Halos di gitian, gamunggo mang pawis;
Taong napagawi sa Lambak ng Patay,
Nagagawa naming ibalik nang buhay;
Gubat, kalawakan, at maging ang Langit,
Aming sasaklawin, kung yao’y malirip;
H’wag kaming hadlangan, sukatin ang lakas;
Dinalisay namin, maging itong dahas;
Tangkain mong waksan itong aming tangan,
At lahat sa lupa, magkakangmamatay!

Magtanggol ka, Poon, ibuka ang labi;
Lakas ng Lumikha, mamalas na muli;
Bayaang maglinaw sa likod ng dagim,
Yaong unang araw na ika’y kapiling.

Bokabularyo:

Busong – sinumpa dahil sa paglait sa Diyos

Naputi – napatay

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x