Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Estasyon 4

Ipinahagupit si Hesus at Pinutungan ng Koronang Tinik

 

Nang matagpuan ka sa anyong mahambal,
Di kaakit-akit, lugmok na nilalang;
Ikaw ba’ng aako sa gawang magtanggol?
Ni wala kang sakop, ilan lang ang kampon;
Sa gitna ng bayan, yaong punong tuod,
Sa mga galamay, bwitre’y nakatanod;
Nagagalak silang mag-abang maghapon,
Dugo ng mahina, sa lusak matapon;
Pawang nananangan sa bisa ng lakas,
Hinangad ng bayan ay isang Barrabas,
Tapang na papahid ng kanilang luha,
Bagwis na papatid niyong tanikala.

“Ako nga ang doo’y inyong mamamasdan,
Sa kanan ng Amang Makapangyarihan;
Ang inyong Mesias na siyang darating,
Sa ulap ng langit, lubhang nagniningning.”

Pag-ibig o dahas? Mundo’y pumili na,
At magmula noo’y di pa nagtitika;
Mula sa Gabata, libo pang bayani,
At libong digmaan dito’y namalagi;
Taong tila takot sa kapwa umibig,
Kung ano ang sukli, siyang nasa isip,
At ang kanyang tanong, “Kung umibig baga,
Tiyak bang sa akin, mayroong sisinta?
Ang mabuting gawin, yumaman, dumunong,
Bakit uunahin, ang iba’y ikanlong?”
Kaya yaong lahing nagmahal sa bayan,
Sa hindi kalahi, hain ay digmaan.

Nawa’y malaman ko ang lihim na taon
Ng iyong pagbalik sa mundong nag-ampon;
Kapag itong puso’y panay nga ang kabog,
Malamang ikaw nga yaong pumanaog.

Bokabularyo:

Lusak – putik
Gabata – kung saan pinili ng mga tao si Barrabas sa halip na si Hesus
Kabog – tibok

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x