Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 9

Nasa gilid ng kalsada kaming lahat, nanonood ng dumaraang parada. May mamang paulit-ulit na nagsasalita sa trompa, na hindi ko alam ang sinasabi. Akala namin sagala iyon, napatakbo tuloy kami, pero hindi pa naman flores de mayo. Basta d’un sa isang sasakyan na parang umaandar na entablado, may mga lalaking nakatayo at kaway nang kaway sa mga tao. Dinig kong sabi ni Tute na anak ng Kakang Syura, si Doy Laurel daw iyon. Mamaya, may naghagis ng kendi sa tapat namin. Naku, kagulo ang mga bata. Hindi ko ugaling makigulo, pero iniabot naman sa akin ng isang lalaking tagaroon din sa amin ang napulot niya, kaya meron din ako.

Puro sasakyan lang naman, walang mga nakasaya, kaya umalis din agad kaming mga bata na namimilog ang mga pisngi sa kinakaing kendi. Mas maaliwalas pa kaysa sa sikat ng araw ang aming mga mukha habang patungo sa sampalukan. Medyo tuyo ang damuhan doon dahil hindi pa umuulan. Sabi ni inay, sa Mayo pa raw, sa isang buwan. Kaya raw may flores de mayo ay para humingi ng ulan sa Mahal na Birhen.

Tabi-tabi kaming nakaupo sa mahabang ugat ng sampalok sa nakaangat na lupa sa gilid ng kalehon, habang pakuya-kuyakoy na ninanamnam sa bunganga ang kending nginunguya, kaya wala munang nagsasalita. Unang nagsalita si Alex Doding at iniulat ang pinakahuling pangyayari kay Voltes V. Parang pinakamalaki na siya kaysa sa aming lahat, kakakain niya ng pizza (e ang sama naman ng lasa!)

Akala nila, patay na talaga ang tatay nila, pero buhay pa naman. Katindi nga ng huling laban. Hindi agad mabuo si Voltes V,” kwento ni Alex Doding.

E hindi kasi sila makapagleter V. Hinahalihaw sila n’ung kalabang mukhang aswang!” singit ni Alex Pacita.

May aswang daw na nakita e!” biglang sabad naman ni Ide. Nakuha niya ang aming atensyon.

Saan?” tanong ko.

Kwento ng Tia Auring, sa Balagtas daw! Marami daw y’un e… isang dyip daw. Tapos naghiwa-hiwalay pagdating sa Balagtas. May dalawa raw na nakita rito sa atin,” kwento ni Ide.

E sino na namang nakakita?” tanong ko.

Aywan,” sagot ni Ide, “Basta nakita raw sa atin e, palakad-lakad daw na matanda, tapos nawala… mamaya raw e may nakita namang malaking aso. Kapag daw pula ang mata ng aso, aswang daw y’un!”

Hindi naman talaga kami natatakot sa kwento ni Ide. Namamangha lang kami, at madali kaming maniwala. Pagsapit ng gabi, saka pa lang magkakaintindihan kung sino’ng matapang at sino’ng duwag.

Mamaya, iba na uli ang pinag-uusapan, o kaya balik uli kay Voltes V. Marami pa namang ibang palabas, kaya lang pinakasikat talaga si Voltes V – at minsan ko lang siya napapanood! Mas malimit pa ang kwento ni Alex Doding kaysa sa mapanood ko siya sa TV… ano na ga’ng nangyari sa aming TV?

Bago kami maghiwa-hiwalay, may nabiktima na ang aswang ni Ide – isang natutulog na buntis. Wala raw kamalay-malay ang buntis nang dumapo sa bubungan ng kubo ang aswang. Lumawit ang humahaba at matulis nitong dila patungo sa tiyan ng buntis, sumuot sa pusod, parang istro, at hinigop ang kawawang sanggol mula sa tiyan ng nanay!

Ngek, pa’no nagkasya?” tanong ko.

Ang alin?” tanong ni Ide.

Yung bata sa dila? Sabi mo hinigop!” sabi ko.

Yung dugo ng bata… ‘yun ang hinigop!” bawi ni Ide.

Wala nang laman ‘yun. Balat na lang!” sabi ni Alex Pacita.

E di umimpis ang tiyan ng buntis?” sabi ni Alex Doding.

E pa’no ilalabas ‘yung balat?” tanong ni Alex Pacita.

Baka ‘pag tumae!” sagot ni Ide.

E di… hindi namatay ang buntis?” tanong ko.

Ewan ko sa inyo! Basta ‘yun lang ang kwento!” sagot ni Ide.

Magkakainisan pa sana, pero halos sabay-sabay na humaluyhoy mula sa aming bahay-bahay ang mga boses ng aming mga inay, tumatawag ng tanghalian, kaya nagtakbuhan kaming pauwi. Naiwan si Ide, kasi nasa Bikol naman ang kanyang inay.

Pagdating ko sa bahay, may bisita pala kami, ang mga kaka ko galing Mindoro, kasama rin si Kuya Boy, anak nila na malimit dumalaw sa amin. Mabait si Kuya Boy at iniintindi niya ako, di gaya ng mga Kuya ko na parang hindi ako napapansin, o kaya ‘pag pinansin naman, sasawayin o pagagalitan. Magaling ding magdrowing si Kuya Boy, parang si Kuya Ding, at saka marunong siyang gumawa ng kung ano-anong bagay. Dati nga, tinunaw niya ang dies sentimos sa aming abuhan (kalan), pinadaloy sa tangkay ng papaya, at ginawang singsing na may mga hugis dahon. Kita kong suot-suot niya ito ngayon.

Hindi ga maraming NPA sa inyo, Kuya?” tanong ni tatay kay Kakang Kiko.

Meron din… ay hindi naman kami inaano. Minsan, nakikiani pa nga ng palay. Nakatago sa dayami ‘yung dalang bakal. Komo kapitan ako ng barangay, malimit ding may lumapit, nagpapatulong,” sabi ni Kakang Kiko.

Nakikinig lang ako, pero hindi ko alam ang kanilang pinag-uusapan. Aanhin naman ng tao ‘yung bakal? Bakit kaya itinatago?

Hindi ga delikado dahil sundalo ang anak mo?” tanong uli ni tatay.

Hindi naman basta gagalaw ang mga y’un,” pakli ni Kakang Kiko.

A, kalaban ng sundalo ang en-pi-ey. Baka pamukpok ‘yung bakal.

Awa ng Diyos e hindi naman magulo rito. Walang ibang NPA dito kundi si Ka Roger,” sabi ni tatay.

Nakakatakot naman ang en-pi-ey. Siguro, parang ‘yung mga lalaking laging galit at nakadyaket sa sine na kalaban ng o-to-ri-dad. Laging sinasabi ‘yun sa sine: “padating na ang otoridad!” Tapos, bakbakan na pagdating ng mga sundalo o kaya pisi. Pero walang baril ang en-pi-ey. Bakal lang ang dala nila?

Wala ngang NPA dito, pero balita e merong aswang. Hindi pa naman ako nakakita, e malay kung totoo,” sabad ni inay.

Hindi ga tagarito ‘yung si Ona? ‘Yun ang alam kong aswang, na laging may kasunod na kotse ng punerarya,” sabad ni Kakang Meri.

Narinig ko na kay Ate Mavic ang kwento tungkol kay Ona. Galing daw Europa si Ona. Doon daw siya nakakain ng atay ng tao na ipinain sa kanya ng isang kaibigan sa pinuntahang party. Nang makauwi, may mga gabing wala siya sa sarili at palakad-lakad, kumakatok sa ibang bahay at humihingi ng maiinom. Sa di kalayuan, nakabuntot sa kanya ang kanilang drayber sakay ng kotse para bantayan siya. Sakit daw kasi y’on. Hindi raw aswang si Ona.

Nakikinig lang kaming magkakapatid, kahit sina Kuya Ding at Ate Mavic, kahit malalaki na sila. Lagi kasing bilin ni inay na huwag kaming sasabad sa usapan ng matatanda. Dalawang beses na akong nakurot ni inay sa singit pagkaalis ng kausap niya, kasi tanong daw ako nang tanong. Bastos daw iyon. E sa gusto ko lang namang linawin kung ano’ng karugtong ng pinag-uusapan nila. Sinusubaybayan ko kasi sa isip ko ang bawat kwento, parang drama sa radyo.

Sa Bongabong e santelmo ang nakikita ng mga tao. Kala mo e sulo lang sa malayo, pero ‘yun e palutang-lutang na bola ng apoy,” sabi ni Kakang Meri.

Parang kagaya iyan ng kwento ng mangkukulam na bumababa sa bundok. Sa malayo, kala mo’y may dalang sulo, pero kapag malapit na, ‘yung kamay niya mismo ang nag-aapoy. Pinapatay daw nito ang bawat masalubong,” kwento ni inay.

Ang iiwasan mo pag nakarating ka sa Mindoro at wala kang kakilala ay ‘yung maparayaan ka,” simula ni Kakang Kiko, “Parang kulam din iyon. May iba pang tawag… kilkig. Kung makikiinom ka, titingnan mong maigi kung paano iabot sa iyo ang baso ng tubig. Kapag lumapat ang daliri sa labi ng baso, huwag mong iinumin. May nakasingit sa kuko n’un. ‘Pag humalo sa tubig at nainom mo, magkakaroon ka ng karamdamang hindi maipaliwanag, hindi nagagamot at nakakamatay.”

Nakakatakot na ang usapan. Parang totoo nga yata ang sinasabi ni Ide.

Lagi namang ganyan ‘pag eeleksyon, kung ano-anong nalabas,” sabi ni tatay.

Hindi ka na ga uli tatakbo? Bata pa naman e,” ungkat ni Kakang Kiko.

Huwag mong maimungkahi d’yan ‘yan, Kuya, kung ayaw mong magkagalit tayo,” pagbabanta ni inay.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x