Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Estasyon 5

Pinasan ni Hesus ang Krus

 

Sino nga bang tao ang ibig maghirap?
Kaya nagsisikap, ginhawa ang hanap;
Sa pagkabagabag, mundo’y dumidilim,
Kanino tatakbo? Saan ba susuling?
Magawa pa kayang sumunod sa Utos?
Manalig, magalak, gayong kinakapos?
Sino nga bang tao ang agad lulusong?
Sa takot lumubog, lamunin ng alon;
Tiwala kang lahat, aming magagawa,
Gabutil man itong pagsampalataya;
Ngunit ayaw naming mabunot ang bundok;
Pagkat gusto naming iyon ay masakop!

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin,
Sarili’y limutin, ang krus ay pasanin;
Kung buhay ang hangad, unang malalagas;
Ang mag-alay niyo’y siyang maliligtas.”

Masdan sa malayo—ang Dako ng Bungo!
Yao’y mundo naming binalot ng dugo;
Bago pa sinugo, alam na ng Diyos,
Banal mong Pasakit, doon ay bubuhos;
Hangad mong mabuti, aming binaluktot;
Hangad namin kasi, lahat ay mahuthot;
Lilingapin namin yaong nasasaklaw,
Ngunit lagpas doon, kami’y nanunuklaw;
Kaya kalupaa’y batbat na ng hirap,
Walang nagkukusang sa kapwa’y lumingap;
Sa isang nang-agaw, isa ang nawalan—
At nagdaralita ang buo n’yang angkan.

Sa ingay ng sama, nasaan ang buti?
Mga labi’y pinid at nangungunsinti;
Sa araw na yaon, sa gitna ng lipon,
Patutunayan mong ikaw nga ang Poon.

 

Bokabularyo:

Susuling – paroroon

(Tampok na larawan: vatican.va)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x