Pamayanan

Ang Marilag na Mutya ng Ibaan

Gaya ng pakiramdam ng pagtapak sa isang noon pa lamang nakitang lupalop, hindi mo makaliligtaang mapansin ang isang kagandahang, bagamat paulit-ulit mo nang nakita, tila laging bago at nag-aanyaya, inaakit ka ng kasiyahang sulyapan pang muli, o mangyaring titigan mo pa, hanggang kaya mo, habang naroon ka sa sandaling iyon ng pagkasumpong.

Ang simbahan ng Parokya ng Santiago Apostol sa Ibaan ay tila isang mirahe, sumasalubong sa iyo gaya ng sariwang hangin sa dulo ng isang mahaba at mainit na biyahe. Nakamamanghang malasin ang taas ng harapang sinusuhayan ng anim na Tuskanong kolum hanggang sa pediment nito, na nagpapaalala ng mga templong Greko-Romano, at dalawang tore ng kampana sa magkabila na may tikas ng mga kastilyo ng Espanya.

“Marilag” ang akmang-akmang salita para sa nag-iisang pangmalas na ito ng arkitekturang Neo-klasiko dito sa bahaging ito ng Timog Katagalugan, na may 730 metro kwadradong lawak na napalilibutan ng mga pader na adobeng pinagtulung-tulungang itayo ng hindi kukulangin sa 200 katao.

Kung ibabatay sa 1858 na plano ng bantog na Kastilang arkitektong si Luciano Oliver, ang simbahan ng Ibaan ay binalak na itayo sa hugis ng “cruciform”, isang tradisyonal na disenyong pansimbahan, nang simulan ito sa panahon ni Prayle Manuel Dies Gonzalez, O.S.A na naging kura paroko rito mula 1854 hanggang 1862.

Si Oliver ay siya ring arkitekto ng Basilika Menor ng San Martin de Tours sa Taal at ng iba’t ibang iconic na estrukturang naging bahagi ng palasyo ng Malacañang, ng simbahan ng San Bartolomé sa Malabon, at ng monasteryo ng San Agustin sa Intramuros.

Lilipas ang isang dekada at tatlo pang kura paroko bago matapos ang simbahan noong 1869 sa ilalim ng pangangasiwa ni Prayle Bruno Laredo, O.S.A. Gayunma’y hindi nasunod ang plano ni Oliver sa hindi malinaw na kadahilanan.

Kung wawariin natin, wala pa noon ang harap ng simbahan, isa lamang iyong payak na adobeng estruktura na may tipikal na kabalyeteng bubungan. Mananatiling ganoon ang ayos ng simbahan nang may apat na taon pa bago maipatayo ni Prayle Vicente Maril, O.S.A. ang harap nito noong 1876, at palagyan ng mahahabang kolum at tore gaya ng nakikita natin ngayon.

Batay sa hugis ng cruciform, mahirap wariin sa pinal na anyo ng simbahan kung saan dapat makikita ang bahaging tinatawag na “transept” na may “crossing” sa gitna. Siguro, mayroon pa sanang silid o kapilya sa gawing kanan (sa kinaroroonan ngayon ng krusipiho), katapat ng baptisteryo sa kaliwa. O maaaring ito na ang kinakatawan ng magkatapat na pintuan sa bandang gitna. Ang isa pang bahagi ng cruciform na nawaglit sa kayarian ng simbahan ay ang tinatawag na “apse” na katatagpuan ng altar at kanugnog na mga silid sa loob ng isang semi-sirkulong hugis na karaniwang may dome sa ibabaw, na isang pamilyar na tanawing makikita sa mga katedral.

Marahil ay nakaabala nang malaki sa pagpapagawa ng simbahan noon ang mga likas at politikal na sakuna gaya ng lindol at rebolusyon. Makikita pa nga sa mga retrato ang dalawang bersyon ng mga tore nito. Nakabawas sa likas na panghalina ng kayariang adobe ang pagpapahid dito ng semento at pintura sa tangkang ayusin at pagandahin ang simbahan sa paglipas ng mga taon. Ikinalungkot ito ni Padre Pedro Galende, O.S.A. sa kanyang aklat na Angels in Stone (1987).

Tatlumpung taon ang lilipas at tila bilang tugon sa himutok ni Galende, babalikatin ni Padre Perseverando Marquez, O.S.J. ang restorasyon ng simbahan mula Pebrero 2017 hanggang Disyembre 2018, sa tulong ng pangkat nina Engr. Roylan Caringal at Arch. Suzette Chua-Caringal, at ng mga eksperto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Kaugnay nito, nagpatawag muna ng isang pampublikong pagdinig ang parokya, sa pangunguna ng Parish Pastoral Council, na dinaluhan din ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at maging ng NHCP, bago mapagpasyahang gawin ang proyekto. Nang una’y nagpahayag ng masidhing pagnanais ang kura paroko na maisaayos ang simbahan ayon sa orihinal na plano ni Oliver. Gayunma’y minabuti na rin ni Marquez na pagtuunan na lang ng pansin ang anumang makakayang gawin sa kanyang termino, nang walang babaguhin o gigibaing estruktura.

Ayon na rin sa NHCP, kung mayroon mang hindi nagawa noon, ipagpalagay na lamang na bahagi na iyon ng kasaysayan.

Sinanay at ginabayan ng NHCP ang pangkat nina Caringal sa buong panahon ng ginawang restorasyon, mula sa pagtesting sa mga bato at pagtimpla ng natural na kemikal hanggang sa iba pang teknikal na pamamaraan.
Batay sa ginawang pagsusuri nina Caringal, ang mga adobeng ginamit sa pagtatayo ng simbahan ay galing mismo sa Ibaan, at parehong materyal na matatagpuan sa noon pa ma’y tinatawag nang “pinagtipakan”, isang bahagi ng Ilog Ibaan na malapit sa spillway sa pagitan ng Brgy. Poblacion at Coliat. Doon tinipak ang maraming adobeng naging sangkap sa paggawa ng simbahan at ng iba pang gusali at bahay na bato sa paligid nito.

Umabot sa 13.5 milyong piso ang nagastos sa proyekto, kabilang na ang maraming inayos at napadagdag sa loob at labas ng simbahan, gaya ng mga linya ng kuryente at tubig, mga pintang obra sa kisame, tindahan ng mga relihiyosong bagay, mga palikuran, bagong harapan ng kamposanto, at isang bagong tuklong (kapilya). Ang propesyunal na serbisyo ng inhinyero at arkitekto ay kusang loob at walang bayad, paglilinaw ni Caringal. Maraming nag-ambag-ambag sa gastusin ng restorasyon batay sa kanilang kakayahan, bukod sa nagtulong-tulong ang mga organisasyong pansimbahan sa iba’t ibang paraan ng paglikom ng pondo.

Sa hinaharap ay kailangang baguhin ang kongkretong palibot ng simbahan na hindi nakabubuti sa adobeng kayarian nito, ani Caringal. Dagdag pa niya, kailangang ilagay sa tamang kaayusan ang iba pang estrukturang nakaharang sa mukha ng simbahan, at maganda rin sanang maibalik sa orihinal na anyo ang lumang gusali ng kanugnog na paaralan ng Saint James Academy.

Kung ang mga taga-Ibaan ang iyong tatanungin, laging maganda ang simbahan, noon o ngayon man. Sa anumang kalagayan, nagawa niyong hipuin ang puso ng bawat isang nananahan dito, nakatayo roon bilang pinakamarikit sa gitna natin, dalisay na kaisang-dibdib ni Kristo, matibay na tagapagpagunita ng langit na inilalaan ng Diyos para sa lahat.

Mga sanggunian:
Galende, Pedro. Maynila: G.A. Formoso Publishing, 1987. Angels in Stone: Architecture of the Augustinian Churches in the Philippines
Ilustre, Aurea G. Manila. Maynila: 1981. Maikling Kasaysayan ng Lungsod at Lalawigan ng Batangas
Osjphil.org
Quezon, Manuel L. III. Maynila : Studio 5 Pub., 2005. Malacañan Palace : the official illustrated history

Mga larawan:
© Society of Historical, Ismael P. Quinio, Owen M. Lascano

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x