Nang Tayo'y Matubos

Nang Tayo’y Matubos | Estasyon 6

Nadapa si Hesus sa Bigat ng Krus

 

Ano ba ang dulo nitong kalupaan?
Nilalakaran ko’y baku-bakong daan,
Kaylungkot tahakin, lalo’t nag-iisa;
Walang sumasabay, lahat lumisan na;
Nang ako’y matisod, agad na nalugmok;
Bibig ko’y nangain niyong alikabok;
Hamak itong anyo, luha’y nagpuputik;
Naririnig ko pa kanilang paglait;
Ulirat ko’t bait, pawang tumatakas;
Lama’y nangangatal, natigis ang lakas;
Hangad ko na lamang ang ako’y maidlip;
Bayaan n’yo akong muling managinip.

“Kung dahil sa Diyos, kayo’y inuusig,
Mapapalad kayong mabilang sa Langit;
Ang mga propetang nauna sa inyo,
Sa gayunding habla pinatay ng tao.”

Ngalan mo’y hindi na muling nasasambit;
Ang hari’y nanangan sa sariling bait;
Dinaig ng batas ang banal na aral,
At naging saligan ng lakas at dangal;
Sa gitna ng bayan, naglaan ng puwang;
Pagtingin sa iyo, hanggang doon lamang;
Ulitin mang dinggin ang iyong babala,
Hindi nalilimot ang imbing pakana;
Mga magnanakaw, bihis ay marangal;
Mamamatay-tao, siyang nagsasakdal;
Sa mga lansangan, ang iniwang sumpa:
“Sa habampanahon, kasama ang dukha.”

Ibangon mo ngayon ang mga nalugmok;
Buhayin ang loob ng nakikihamok;
Turuan mo kaming sa buti’y magtanggol;
Sa iyong paanan, ang sama’y malipol.

 

(Tampok na larawan: Raphael / Public domain)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x