Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 11

Biglang sumingasing ang makina ng tren at yumanig ang palad kong nakadantay sa malaking pinto. Nagising akong hinihigit ni Juana sa balikat upang makaiwas nang kaunti sa umaandar na tren. Nang una’y tahimik lang naming pinanood iyon habang dahan-dahang umuusad. Mamaya, lumakad siyang parang gustong habulin ito nang bumibilis na ang takbo. Nagtatakang bumuntot ako sa kanya. Hindi ko naman makita kung sino’ng tinatanaw niya sa loob dahil maliit ako.

Nakaalis ang tren na walang nagawa si Juana kundi tingnan iyon. Diretsong dumaan iyon sa gitna ng malawak na damuhan at naglagos sa bakod na karimlan sa likod ng sampalukan. Matagal kaming nakatayo roon at nakatanaw sa malayo habang walang kaimik-imik si Juana.

Ang Tagabulag…” sa wakas ay sabi niya.

Tagabulag? Ano po ‘yon?” tanong ko.

Jepoy, ano’ng ginagawa ng mga tao sa pusa para ito mawala?”

Inililigaw!” sagot ko.

Iyon ang trabaho ng Tagabulag. Lahat ng taong naliligaw ng landas – siya ang may gawa niyon,” sabi ni Juana. “Mag-iingat ka. Malimit na ngayong maglabas-masok ang Tagabulag sa hangganang iyon.” Itinuro niya ang bakod na karimlan.

Siya lang po ba ang Tagabulag, isa lang?”

Isa siya. Marami sila,” sagot ni Juana. “Mag-ingat ka. Kaya niyang gayahin ang mga taong malalapit sa iyo.”

Ano naman po’ng napapala niya r’on?” usisa ko.

Ang kanilang mga pangarap… Kapag nailigaw niya ang isang tao, kakainin ng Tagabulag ang kanyang mga pangarap. Hindi na siya katulad ng dati. Magiging sunud-sunuran siya sa Tagabulag.”

Ang takaw pala ng Tagabulag, naisip ko, pati pangarap ng tao, kinakain niya! Ano kayang lasa n’on?

Nakangiting tiningnan ako ni Juana na parang narinig niya ang iniisip ko.

Tayo na, hinahanap ka na sa inyo,” sabi niya.

Akay-akay niya ako sa malambot na damuhan patungo sa sampalukan. Ilang beses akong naghikab habang papalapit kami sa puno. Pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko sa mga paa ko. Papikit-pikit ang mga mata ko na nangyayari lang kapag antok na antok ako.

Hindi ko na alam kung paano ako nakarating sa ilalim ng aming mahabang mesa kung saan ginising ako ni inay. Hindi na rin pangkaraniwan sa kanya iyon, dahil noong mas maliit pa ako, doon ako malimit maglaro.

Pinagtaguan mo ga ang tatay mo?” tanong niya habang nakatalungko sa tapat ng mesa.

Umiling ako.

Bakit n’yo ga naman niyugyog nang niyugyog ang punong kape? Buti’t hinog na ang mga bunga. Kung nagkataon, lagot na lagot ka!”

Lumabas na ako sa mesa. Saka ko napansing malapit nang magtanghali at may niluluto si inay sa abuhan (kalan). Saka ko rin naramdamang masakit ang binti ko. Napansin ni inay ang bilog na pasa roon, kasinlaki ng piso.

Kita mo ang napapala mo… Parine ka’t lalangisan ko. Saan napatama ito?” tanong ni inay.

Sa ugat ng sampalok… Natisod ko nang manghabol si tatay ng palo,” paliwanag ko na may halong pagsusumbong.

Napangiwi ako at napaaray nang paulit-ulit na salatin ni inay ang pasa habang nilalangisan niya iyon.

A, tiisin mo! ‘Yan ang napapala ng malikot,” sabi niyang parang naiinis.

Hindi ko matingnan si tatay nang kumakain kami ng tanghalian. Pinakiramdaman ko kung galit pa siya. Pero wala siyang sinabi kundi ang tungkol sa butosan at ang mga sundalong dumating daw sa bayan. Napatingin tuloy ako sa kanya nang masabi ang “sundalo”. Pero buti’t hindi na niya inalala pa ang nangyari sa punong kape.

Syempre, pagkakain, alam mo na ang sunod na nangyari – natulog na naman kami ni Kael. Hapon na nang magising ako. Natanaw kong papaalis si inay kaya dali-dali ko siyang sinundan. Pero hindi ko siya inabutan. Ang bilis naman niyang nawala. Pinanood ko na lang sina Ate Mabel na mag-chinese garter kasama ang kaklase niyang sina Morena at Sally, dahil wala sina Alex Pacita, at baka kung saan na naman nagpunta. Hindi rin nagtagal, naghiwa-hiwalay na ang tatlo, kasi hindi na rin naman sila mga bata. Sabi ni inay, malapit na raw magdalaga si Ate Mabel.

Saktong pagkatalikod ni Ate Mabel patungong bahay, natanaw ko sa bukana ng kalehon na paparating na si inay. Patakbong sinalubong ko siya. Nakaramdam ako ng takot nang mapansin kong para yatang mabilis na gumagabi. Kapag alam ni inay na takot ako, lagi niyang sinasabi: “Nakabalita ka na ga ng taong inano ng multo?” Pero kakaiba ngayon si inay – tinakot pa niya ako.

May malaking tao sa daraanan natin… Hindi mo ga nakikita?”

Sinabi pa niyang naglalakad daw kami sa ilalim ng malaking tao. Mahigpit akong kumakapit sa kanya, pero itinutulak niya ako. “Siya ka, kukunin ka ng malaking tao…” Parang biglang ang haba-haba ng kalehon sa pakiramdam ko, at parang ang layo-layo ng bahay namin. Sa tindi ng takot ko, nang matanaw kong malapit na kami sa amin, kumaripas na ako ng takbo.

Humihingal na naupo muna ako sa isang sulok ng aming sala pagdating ko sa bahay. Nang mahimasmasan na ako, pumasok ako sa kusina. Naroon na si inay at abalang nagkakasaw ng itlog na may kamatis para sa aming hapunan.

Inay, tinakot n’yo naman ako,” sabi kong may halong tampo.

Huminto siya sa pagkakasaw ng itlog at matagal akong tiningnan. “Saan naman kita tinakot?”

Kanina, sa kalehon, n’ung naglalakad tayo,” sagot ko na nilalaro ng dalawang daliri ang pasamano ng bintana sa tabi ko, na kala mo’y taong tumatakbo.

Bakit naman kita tatakutin? Saka kanina pa ako rito… sigurado kang ako ang kasama mo sa kalehon?” tanong ni inay.

Ala, lagot!

Mag-iingat ka. Baka Tagabulag y’un!” sabi ni inay, na parang inulit lang ang sinabi ni Juanang Ilaya.

Sabi ni Juana, malimit daw pumunta rito ang Tagabulag,” inosenteng sabi ko.

Sino si Juana?” tanong ni inay.

Napamaang ako. Hindi ko nga pala pwedeng sabihin iyon. Baka akala nila, nanuno na naman ako.

A, ‘yung batang taga-ispilwey…” sagot ko.

Nanggagaya ng mukha ang Tagabulag. Ginagaya ang kakilala ng taong gusto niyang iligaw. ‘Yung dalagitang anak ni Dining, natanaw daw ang kuya niya na naglalakad sa labas. Y’un naman pala, nasa kwarto lang. Naku, kung sinundan niya y’on, mawawala siya.”

Totoo pala ang sinabi ni Juana.

Y’ong mga taong nailigaw ng Tagabulag,” patuloy ni inay habang itinutuloy din ang pagkakasaw, “namumuti ang mata, at nakatulala. Gan’un ang itsura nila kapag natagpuan.”

Huminto siya sa pagkakasaw, kinuha ang kawali at ipinatong sa shellane. Nagsindi siya ng posporo at sabay na idinikit iyon sa labasan ng apoy at inikot ang pihitan. Sumiklab ang apoy sa puwitan ng kawali.

Kaya ikaw,” baling niya sa akin, “huwag kang basta sunod nang sunod. Kilalanin mo muna ang sinusundan mo at tiyakin mong hindi ka ipapahamak.”

Binalikan ko sa isip ko ang nangyari kanina. Parang hindi nga gagawin ni inay iyon. Kaya pala parang ang tagal naming maglakad at saka parang ang layo ng kalehon. Samantalang isang takbuhan ko lang iyon galing kay Ka Auring. Buti na lang, tumakbo ako. Kung nagkataon, nailigaw na ako ng Tagabulag. Doon daw sa gubat dinadala ng Tagabulag ang mga biktima niya. Hindi raw pinapatay, pero minsan, ilang araw ding nawawala. Pwede rin daw mamatay kung hindi agad makita.

Kapag nailigaw ka ng Tagabulag, hinding-hindi mo mahahanap ang daang pabalik,” dugtong pa ni inay.

Ibang klase talaga ang Tagabulag. Kaya pala pati si Juanang Ilaya, nababagabag sa maaari niyang gawin.

Ang daming kataka-takang nangyayari sa akin, pero wala akong mapagkwentuhan. Hindi ko rin masabi sa mga kalaro ko, dahil baka isipin nilang may sapi ako, at hindi na sila makipaglaro sa akin. Saka wala namang maniniwala. Aakalain lang nila na nanuno ako, tapos lagi akong ipapatawas, e ayaw na ayaw ko pa naman ang pakiramdam ng langis at dinikdik na tawas sa balat ko. Kaya mabuti pa, sarilinin ko na lang.

May kakaibang nangyari nang sumapit ang gabi. Nagronda ang mga barangay tanod dahil sa nababalitang aswang, at inanyayahan sila ni tatay na magkape sa amin. Hindi na kami bumaba nina ate, tutal hindi rin naman kami pwedeng sumali sa usapan. Iyon ang oras na nagigising ako sa kalagitnaan ng gabi. Hindi na ako natakot dahil alam kong may iba pang taong gising bukod sa akin. Sayang, hindi ko matatanong si tatay kung nakakita ba talaga ng aswang ang mga tanod. Pero di bale, kay Ide ko na lang itatanong bukas.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x