Kuro-kuro

Isang Leksyon o Dalawa sa Pakikipagkaibigan

Ano’ng gagawin mo sa isang pamilyar na relasyong gaya nito?

Ano ba’ng pakiramdam kapag laging ang kaibigan mo lang ang nasusunod sa inyong dalawa, at masyado niyang pinapakialaman ang mga desisyon mo sa buhay, pati ang mga pipiliin mong kaibigan bukod sa kanya? Tapos, lagi pang isusumbat sa iyo ang lahat ng naitulong niya, na kesyo kung hindi dahil sa kanya, wala ka sa kinalalagyan mo ngayon.

Teka muna. Malaki rin naman ang naging pakinabang niya sa iyo. May panahon pa ngang binigyan mo siya ng pantay na karapatan sa inyong “special partnership”. Nalimutan mo na ngang magkaaway kayo sa simula. Ang tanging tumimo sa puso mo ay naging tagapagligtas mo siya, na kung hindi sa kanyang kabaitan ay hindi ka mabibihisan at makatutuntong sa kabihasnan. Ang sabi nga, “Ang kaaway ng kaaway ko ay kaibigan ko.” Napaniwala ka niyang magkakampi kayo.

Naging ugali mo na tuloy na lahat ng gagawin mo ay kaugnay ng sa kanya, o naaayon sa kanyang mga panuntunan sa buhay. Wala ka nang sariling desisyon. Lahat ng alam mong masama at mabuti ay base lang sa kanyang sinabi. Tingin mo nga, magkamukha na kayo. Pero nakatulong ba ang lahat ng iyon para magkaroon ka naman ng pride at tiwala sa sarili? Habang hindi ka halos makakilos dahil sa pagrenda niya sa iyo, malaya siyang makitungo (o makipag-away) kahit kanino. Kapag dumiskarte ka naman ng sa iyo, tinitingnan ka niya na parang may ginawa kang mali o hindi kasiya-siya.

Pakiramdam mo tuloy, hindi mo na kayang tumayong mag-isa. Na parang hindi ka na mabubuhay sa labas ng inyong relasyon. Ano na nga ba ang tingin ng iba sa iyo kapag magkasama kayo? Wala lang. Walang pumapansin sa iyo. Kasi, wala kang sariling identity. Anino ka lang niya: sidekick, alalay, at pinakamasahol–tuta! Pero tingnan mo siya. Hindi ba napakalaya niya mula sa iyo? Kayang-kaya niyang dalhin ang sarili sa mundo. Kailan ka pa niya magiging katulad? Sinusulyapan ka niya na tila sinasabi sa iyo na hindi mo siya kayang tapatan. Ni hindi mo nga siya kayang layuan.

Sa anumang antas, maaaring ginagamit ka lang niya para sa sarili niyang kapritso. Isa ka lang “pawn” sa sarili niyang laro. Ramdam mo ito. Matagal nang nakabibigat sa loob mo ang ganyang pagtrato sa iyo, at sa anumang sitwasyon, ang isang one-sided, hindi parehas na relasyon ay hindi magiging produktibo sa kawawang partido. Ang sigurado, sa mahabang panahon ng inyong pinagsamahan, hindi naging malinaw ang katayuan mo sa inyong partnership. Hindi ka niya nahigit pataas para maging pantay kayo. Ikaw naman, lalo mo pang ibinaba ang sarili mo sa sobrang paninikluhod at over-dependence sa kanya.

Tama ang ginawa mo nang minsang layuan mo siya. Siguro ngayo’y naiisip niya kung gaano ka kahalaga sa kanya. Ngayong nagbabago na ang kanyang estado sa mundo, higit niyang kailangan ngayon ang tapat na Filipinong kaibigan. Ngunit mangako kang hindi mo na siya babalikan. Ngayong hawak mo na ang sariling buhay, alam mo na dapat ang hangganan ng pagbibigay. Huwag ka nang papayag na muling madiktahan at alipinin ninuman. Lagi mong pakatatandaan, ang mahalaga sa anumang relasyon ay ang pagbibigayan. Maiiwasan ang anumang sigalot ng magkakaibigan kung pantay ang turingan at walang lamangan!

Kilala mo na dapat ngayon kung sino ang tunay na kaibigan.

(Tampok na larawan: c/o Philippine Presidential Museum and Library / Public domain)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x