Iniatang kay Simon Sireneo ang Krus ni Hesus
Ang akalang matwid, iyon pala’y liko;
Ngunit di aamin—iba ang aako;
Ayaw na magbuhat, dalahing mabigat;
Ang gawa’y ipasa sa ibang balikat;
Magmula sa hari hanggang sa alipin,
Hanap ay mahinang sasamantalahin;
Noon pa man yata, naging panukala:
“Turo na sa aso, turo pa sa pusa;”
Sa sarili’y laging tingin ay malinis;
Sa mukha ng kapwa, nakikita’y dungis;
Ang labis tumitig sa dalang liwanag,
Pagdaan ng araw, siyang mabubulag.
“Bigkis na mabigat, sa tao ang atang;
Tiklop ang daliri, ayaw na dumamay;
Sa harap ng madla, asal ay mabuti,
Sa gitna ng piging, hangad ay mapuri.”
Ang pagtuturuan, s’yang nakamihasnan,
Sa gawa o maling hangad malusutan;
Luklukan ng bansa’y puno ng Pilato,
Alam man ang tama, di pa rin boboto;
Ang katotohanan, kung ito’y mahayag,
Kapalit ng yaman, di pa rin papayag;
Kung sakali namang sila ay masukol,
Mababaligtad pa ang ginawang hatol;
Katarungan dito’y kawawang pagmasdan,
Mata’y nakapiring, mukhang matimtiman;
Sa pagkatingala, wari ang dalangin:
“Ang leeg ng matwid, ilayo sa akin!”
Pagdating ng araw na walang ligalig,
Ang lahat ng taynga ay makaririnig;
Kailanma’y wala nang kakampi sa mali;
Di mo nanaising liko ay maghari.
(Tampok na larawan: vatican.va)