Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 12

Araw-araw tuwing Mayo, namumulaklak kami para makapag-alay sa tuklong, ang kawayang kapilyang pinagdarausan ng gabi-gabing pagdarasal sa Mahal na Birhen. Sabi ni inay, ginagawa raw iyon para humingi ng ulan. Kasa-kasama ako palagi ni Ate Mabel para mamitas ng kalatsutsi, santa ana, sampagita at iba pang bulaklak na iba’t ibang laki, kulay at hugis na hindi ko alam ang tawag. Minsan, kahit kampupot at gumamela, isinasama na rin, pamparami o kaya pansabog sa altar. Sa umaga kami namumulaklak para hindi mainit. Ibababad muna sa palangganang may tubig ang mga bulaklak, tapos tutuhug-tuhugin sa tingting at aayusin sa bote o garapon pagsapit ng hapon. Kami ni Ate Mabel ang nag-aalay sa aming pamilya. Hindi kasi nag-aalay ang mga binata’t dalaga na. Sama-sama kaming nakaupo sa nakalatag na sako, pati mga batang hindi namin kakilala, at kapag narinig namin ang kanta (“Halina’t tayo ay mag-alay… ng bulak… lak kay Maria…”) pipila na kami nang pares-pares at ipapatong sa altar ang mga bulaklak na alay.

Kailan lang uli ako napilit ni Ate Mabel na sumama sa tuklong. Dati kasi, n’ung mas maliit pa ako, napahiya ako nang nagsasabog na ng bulaklak sa birhen. Pagkalagay mo kasi sa alay, isasabog mo na ang hawak mong mga talulot. Kaso, dahil matagal ko nang kuyom-kuyom sa maliit kong palad ang mga y’on, nabuo na sila na parang bola ng jackstone. Paghagis ko, parang batong tumama siya sa katawan ng Birhen. Umuga-uga pa iyon dahil doon. Nagtawanan ang mga bata at kahit tapos na ang pag-aalay, tinitingnan pa rin nila ako, tapos tatawa uli. Nang mga sumunod na gabi, hindi na ako sumama sa tuklong. Mabait naman si Ate Mabel. Ibinibigay niya sa akin ang “pakendi” na natatanggap niya. “Sumama ka na uli, para mas marami kang kendi.” Iling na iling ako tuwing uulukan niya ako. Saka mainipin kasi ako. Pagkahaba-haba ng dasal at pagkabagal-bagal magdasal ng matatanda!

Sabi ni ate, sanayin ko raw ang sarili na sumama sa ibang bata, kasi pasukan na sa isang buwan – greyd wan na ako. Hindi ako nagkinder, kasi may pera lang ang nagkikinder. Tinuruan lang ako ni Ate Mabel ng abakada at pagbilang hanggang sampu. Saka kung paano magpakilala at isulat ang pangalan ko. Minsan, binabasahan din niya ako ng kwento galing sa mga libro niya, at kinakantahan ng mga kanta nila sa iskul. Paminsan-minsan, mabait din naman si Ate Malou. Tinuturuan niya akong magkulay, kasi mahilig siya sa mga colAuring book.

Nasasabik akong sumapit ang Sabado, kasi sabi ni inay isasama raw niya ako pagluwas, para bago man lang daw magpasukan ay makita ko ang Maynila. Tanong tuloy ako nang tanong kay Ate Mabel kung ano’ng araw na, kung ilang tulog pa, dahil baka mapasarap ang tulog ko at maiwan ako ni inay. “Martes pa lang,” sagot niya. Hinila niya ako sa isang sulok, dala ang aming kalendaryo na may malalaking pulang numero. Naturuan niya tuloy ako nang di oras tungkol sa mga araw.

Ayos na rin ang gabi-gabing pag-aalay sa tuklong. Hindi na kami sobrang aga matulog, at hindi na ako nagigising sa gabi habang tulog pa ang lahat at tumutunog ang lumang orasan. Lagi pang may kendi, hindi ko na problema ang pambili. Natuto akong magtiyaga at labanan ang pagkainip sa mahahabang dasal. Kapag magpapakendi na, biglang gumagaan ang aking ulo, at pare-pareho lang kaming nanghahaba ang leeg kung nasaan na ang namimigay.

Sumapit ang araw ng Sabado, nagulat pa si inay nang makita niyang gising na ako. Pinainom niya ako ng kape bago maligo, para raw mainitan ang sikmura. Tapos, binihisan niya ako ng magandang damit – maganda dahil puting tisyert iyon na walang himulmol, kulay asul ang leeg at laylayan ng braso, at saka syort din na kulay asul. (May sapatos na ba ako n’un? Nakatsinelas lang yata ako.) Hindi pa ako nakakapagpagupit. Takip pa rin ng buhok ang noo at taynga ko – jeproks na jeproks pa rin! Sabi ni inay, sa isang linggo na raw bago magpasukan, dahil baka raw mabaguhan ako e sipunin pa pagluwas.

Mamaya pa’y narinig na namin ang busina mula sa labas. Madilim pa sa kalehon nang sumilip ako sa bintana. Nakahinto roon ang gasgasing kulay dilaw na ford pyera ni Ka Pumeng. Iyon ang laging sinasakyan ni inay kapag naglalako, kasama ang iba pang maglalako. Dali-daling lumabas si inay na bitbit ang mga panlako na nakabalot sa malalaking plastik, sako at bag. “Hoy, paalis na kami! Bahala na kayo d’yan!” sigaw niya pagkahigit sa pinto. Kapag umaalis si inay, karaniwang hindi na kami bumabangon. Lalo na dati, noong mas maliit pa ako, iiwasan talaga nila akong magising, dahil hahabol pa ako at magpapalahaw, nakakahiya naman sa kapitbahay.

“Aba! Kasama pala si Jepoy!” gulat pang sabi ni Tiya Pacita nang makita akong kabuntot ni inay.

Masikip at maingay sa loob ng sasakyan. Bukod sa akin, may isa pang batang babaeng naka-jumper na nakaupo sa malaking balot ng panlako sa unahan, sa likod ng drayber. Mas malaki siya kaysa sa akin. Tumakbo agad ang sasakyan pagkaayos namin ng upo. Konting biro ni Ka Pumeng, lahat tawanan agad. Pero dahil sobrang aga kong nagising, nakatulog agad ako sa biyahe habang kalong ni inay at nakaunan sa kanyang panlako.

Nang magmulat ako, namangha ako sa aking nakita. Maliwanag na at nasa kahabaan kami ng haywey – kayhaba-haba, walang kaliko-liko, at kaydaming sasakyan, iba’t ibang klase, maliit at malaki. Hanay-hanay ang mga puno sa magkabilang gilid ng haywey, at mga palayan naman sa kanilang likuran, at isang bundok na “Makiling” daw, sabi ni inay. Bakit makiling? Tiningnan kong maigi ang bundok at hinanapan ng dahilan. Sa isang dako, nadaanan namin ang isang lugar na maraming bahay na pare-pareho ang itsura at laki. “Pabahay ni Imelda,” sabi ni Tiya Pacita. Tinanaw-tanaw nila iyon na parang noon lang nila nakita.

Lalo akong namangha sa maraming sasakyan nang huminto kami sa tinatawag nilang tolgeyt. Ibang-iba talaga rito, ang layo-layo ng itsura sa pinanggalingan namin, naisip ko. Kaya lang, parang namimigat yata ang ulo ko, at saka parang lumalapot ang laway ko. Lumunok-lunok ako na pinaglalabanan ang nararamdaman. Biglang bumilis ang takbo namin pagkalagpas sa tolgeyt. Pero nakahanda naman pala si inay at mabilis na nasalo ng hawak niyang supot ang maasim at malapot na ibinuga ko. “Sabi ko na e,” aniya. Nakatingin ang lahat sa akin na parang inaasahan na nila iyon.

“Kapag naramdaman mo uli, labanan mo sa isip mo. Isipin mo… hindi ako magsusuka!” sabi ni inay. Ganoon nga ang ginawa ko. Paulit-ulit kong sinabi sa isip ko: “Hindi ako magsusuka, hindi ako magsusuka…” Halos iyon na lang ang pinagkaabalahan ng utak ko habang daan. Pero tagumpay naman. Mamaya, nasiyahan na uli ako sa mas marami pang bagong bagay na nakita ko pagsapit namin sa Maynila.

Nasa Malabon daw kami, sa tinatawag nilang a-part-ment na tulugan ng mga maglalako linggo-linggo. Nasa kanto ito ng isang malaking kalye na pilit kong tinatanaw kung gaano kahaba mula sa itaas ng bahay na may mga bintanang kapis, parang bintana rin namin. Ang haba at ang lawak ng kalyeng ito, naisip ko, siguro kahit sampung kalehon, kasya rito. Walang tigil ang paroo’t parito ng mga sasakyan sa harapan ko, gayundin sa may kanto sa kaliwa ko. Saan kaya sila patungo? Humihinto rin kaya sila?

Iniwan ako saglit ni inay doon. Hindi naman ako umangal. Kasama ko ang isang matandang maglalako na nagpapahinga dahil bigla raw sumama ang pakiramdam. Bago tumanghali, bumalik siya at tumawid kami sa kalyeng iyon patungo sa isang karihan (karenderya) sa kabila. Menudo at kornbip (corned beef) ang inorder ni inay, pero malay ko kung ano ang mga iyon. Noon lang ako nakakain sa labas. Nasarapan ako dahil noon lang talaga ako nakakain ng masarap sa isang pangkaraniwang araw.

Sabi ni inay nang makakain kami, matulog daw muna ako habang naniningil siya. Sumunod lang ako dahil wala naman talaga akong pagpipilian. Wala naman akong ibang pwedeng puntahan. Umalis din ang matandang maglalako nang makainom ng kortal at bumuti-buti na ang pakiramdam, bitbit sa magkabilang kamay ang malalaking balot ng panlako, bukod pa ang kilik na bag na kulay brown. Mag-isa na lang ako sa kwarto, pero hindi naman nakakainip dahil maingay, maraming tao, sasakyan at kakaibang gusaling pwedeng matanaw mula roon. Gising na gising ang paligid, hindi tulad ng aming kalehon na kami lang mga bata ang nag-iingay.

May nangyari nang makaalis si inay. Umakyat ang malaki at balbong aso ng may-ari ng bahay at nakapasok sa aming kwarto. Umungol ang aso pagkakita sa akin, kumahol-kahol at nang hindi makuntento, tumakbong palapit sa akin. Sa takot ko, mabilis akong nakaakyat sa pasamano ng bintana habang nakakapit sa kahoy na nakatukod doon. Napasigaw ang isang aleng naglalakad sa ibaba, “Ay! Baka mahulog ang bata!” Napatingala sa kinaroroonan ko ang iba pang tao, habang palipat-lipat ako ng puwesto sa pag-iwas sa salbaheng aso. Mamaya, humahangos na pumasok sa kwarto ang isang medyo matabang babae (siya siguro ang may-ari) at sinaway ang aso.

Bumubulong-bulong sa galit si inay nang bumalik. Sa dinig ko, iba ang sinabi ng may-ari kay inay. Nilikot ko raw ‘yung aso kaya hinabol ako. Hay, unang araw ko sa Maynila at nakatagpo agad ako ng sinungaling, sa loob-loob ko.

Bago humapon, nag-aya si inay sa Luneta, kasama ang ilang maglalako at ang batang babae (na hanggang ngayon, iniisip ko pa rin ang pangalan). Nakailang sakay yata kami, at bago lumubog ang araw, narating namin ang Luneta – estatwa ni Rizal, malawak na damuhan, mga hardin, magagandang lakaran, maraming ilaw. Tanda ko pa, may retrato si Ate Mavic sa malaking relong iyon na nadaanan namin. At may lobo, ice cream, pop at chippy. Dati, naririnig ko lang ang Luneta kapag ipinapasilip ni Kuya Ding sa balat ng sinturis (dalandan). Sabi niya, “Utoy, par’ne ka’t makikita mo ang Luneta.” Silip naman ako. “Tingnan mong maigi. Ilapit mo’ng mata mo.” Saka niya pipisilin ang balat ng sinturis para sumingaw iyon at masilam ako. Iyak na naman ako habang tawa siya nang tawa.

Bawal magtapon ha?” paalala ni inay. Luminga-linga ako at nakita ko ang isang pulis na nakatayo roong nagmamasid sa mga taong kumakain sa parke. Walis naman nang walis ang mga nakasalakot na tagapagwalis sa kani-kanilang puwesto. “Kasisipag ng mga metro aid e! Wala na halos mawalis,” sabi ng matandang kasama namin, lola yata ng batang babae.

Sama-sama kaming nagparetrato, malapit sa parang malaking paliguan, pero mukhang walang naliligo roon. Nang dumilim na, nagulat ako dahil isa palang malaking fountain ang nakatago roon. Namangha ako sa makukulay na liwanag na lumalabas sa bawat buga at pulandit ng tubig, at naisip ko, isang engkantadong lugar pala iyon na bukas sa lahat, hindi gaya ng daigdig sa kabila ng sampalukan na hindi basta mapupuntahan ninuman. Hindi ba pwedeng lahat ng lugar ay ganito, mahiwaga man o hindi? Bakit kailangang malayo? Bakit kailangang nakatago?

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x