Sinsay sa Sinehan

Paano nga ba Maging si Goyo?

Sipat sa Pelikulang Goyo: Ang Batang Heneral

Si Heneral Antonio Luna ang ikalawang lamat sa imahen ni Presidente Emilio Aguinaldo bilang tagapagtatag ng nasyong Filipino. Ang una ay si Andres Bonifacio. Ano naman ang kinalaman dito ng talubatang si Heneral Gregorio “Goyo” del Pilar?

Ang una kong problema: hindi ko alam kung hanggang saan ko paniniwalaan ang pelikula. Tumatakbo itong isang kathang-isip, na kinatatampukan din ng mga kinathang karakter na ang pinakaprominente ay ang magtiyong potograpong sina Miguel Laureano (Jojit Lorenzo) at Joven Hernando (Arron Villaflor) na una nating nakilala sa Heneral Luna. Malinaw naman kasing hindi intensyon ng pelikula na maglahad ng “katotohanan”. Hindi ito mapagsiyasat (investigative) kundi mapagpakahulugang (interpretive) obra.

Ang binubunong trilohiya ay isang pagpapahayag na politikal, at sa panlabas nitong anyo, si Aguinaldo (Mon Confiado) ng ating rebolusyonaryong naratiba ang target nito. Mukhang desidido ang Artikulo Uno sa ilalim ng TBA Studios (ng sosyohang Fernando Ortigas-Eduardo Rocha) na ibaba sa kanyang pedestal ang Unang Pangulo ng kauna-unahang republika sa Asya, sa maituturing na pinakamagastos na propagandang makinarya ng ating panahon, sa ngalan ng hustisyang historikal o kung anupaman.

Gayunman, sa tingin ko’y medyo nadiskaril ang diskarte ng produksyon sa ikalawang pelikula, ang Goyo: Ang Batang Heneral. Tila hindi nito nadugtungan ang momentum na iniwan ng Heneral Luna. Tulad ng kahinaan ng unang pelikula, may mga nabanggit ditong puta-putaking labanan dahil sa patuloy na pag-atake ng mga Amerikano sa mga lalawigang hawak ng mga tropa ni Aguinaldo, ngunit ang mga ito’y hanggang sabi lamang at disinsana’y ipinamalas sa atin sa pelikula sa bala-balaybay na mga tagpo. Kailan pa ba dapat ipinakita ang “marilag na munting giyera” (splendid little war) ng mga Kano sa bahaging ito ng Asya? Sayang na pagkakataon!

Kung gaano kalaki ang impak ni Goyo (Paulo Avelino) sa pambihirang diskurso ng produksyon, panahon lang ang makapagsasabi. Ipinasilip na sa atin ang magiging tema ng ikatlong pelikula sa kabuntot na eksena–at iyan ang eleksyon sa pagitan ni Aguinaldo at ng nakababatang si Manuel L. Quezon. Hula ko’y magwawakas ang trilohiya sa mapait na pagkatalo ni Aguinaldo sa panguluhan ng Komonwelt. Alam n’yo bang sa naturang eleksyon ay ipinarada ni Quezon ang umano’y kalansay ng pinaslang na Supremo ng Katipunan, na nakaapekto nang husto sa kampanya ni Aguinaldo? Sa tagpong iyan, ika nga’y magiging buo na ang sirkulo.

Pero bago mangyari iyon, kinailangan munang singilin si Goyo, ang “paboritong heneral” ni Aguinaldo, sa kanyang papel sa kamatayan ni Luna at ng matatapat na tauhan nito bilang umano’y tirador o hitman ng pangulo. Gaya rin ng ibang manonood, hindi pamilyar at nakababahala para sa akin ang bahaging ito ng pelikula. Kasama kong nanood ang 12-anyos kong anak na si Immanuel at hindi niya naiwasang magtanong sa akin: “Bakit parang kalaban ang heneral?” na tinutukoy si Goyo. Sa labas ng pelikula, kailangan nating mag-usisa: ano nga ba ang nangyari sa magkakapatid na Bernal matapos mapaslang si Luna?

Konsistent ang pelikula sa tinatahak nitong naratiba nang walang pasintabi o konsiderasyon, gaya ng pagkakasabi ng bugbog-saradong si Komandante Manuel Bernal (Art Acuña) kay Goyo bago ito tuluyang paslangin ng kanyang mga tauhan: “Dahil sa Presidente mo, magiging alipin tayo ng Amerika.” Ito rin ang naging kongklusyon ni Apolinario Mabini sa dakong huli ng pelikula: “Nabigo ang rebolusyon dahil mali ang pamumuno rito.”

Sa kontrobersyal na layuning ito, kumbakit napagdiskitahan ng produksyon ang edad ni Goyo? Iminumungkahi ba ng pelikula na kaya nabigo ang rebolusyon o mas tumpak: ang pakikidigma natin laban sa Amerika, ay dahil laban lang iyon ng mga bata? Sa mismong pamagat ng pelikula, nakamarka ang tila ganyang tesis ng pelikula. Sa kabilang banda, hindi ba’t iyon naman talaga ang tawag ng mga Amerikano kay del Pilar–“boy general“?

Kung nagwagi tayo sa digmaan, mababaliktad ang ibig ipakahulugan ng pelikula sa salitang “bata” at magiging magandang inspirasyon pa sa atin. Habang tumatakbo ang pelikula, patuloy na inuungkat ang edad ni Goyo, gaya ng tanungin ng isang mamamayan ng Bulacan ang edad ni Joven–“19”, na nagsabing: “Hindi pala nalalayo sa edad ni Heneral Goyo.” Sa simula, gitna, at wakas ng pelikula, nakabudbod ang pagbibigay-diin sa pagiging bata ni Goyo. Sa isang tagpo na nag-uusap sina Heneral Jose Alejandrino (Alvin Anson) at Apolinario Mabini (Epy Quizon), na noo’y nagbitiw na sa gabinete ni Aguinaldo, naihimutok ni Alejandrino, “Binatilyo pa lang, heneral na…” Matapos magapi ng mga Amerikano ang tropa ni Goyo sa Pasong Tirad, maririnig natin si Mabini na na sinasabing, “Dahan-dahan na akong naniniwala na baka nga tama silang tawagin tayong mga bata.”

Sa isang pagkakataon, siguro’y dahil sa pagkainip habang naroon sa isang pagtitipon at nagsasayaw sina Goyo at Remedios, pinakialaman ni Joven ang inihabiling bag ni Goyo at nabasa ang mga liham dito ng iba’t ibang binibini. Iniwan siya roon ng kanyang Tiyo Hernando sa “barkada” ni Goyo habang inaasikaso ang kanyang mga parukyanong Amerikano sa Maynila. Nang muling magkita ang dalawa, sinabi ni Joven sa tiyo na wala raw siyang natututuhan sa mga tao sa paligid niya. Isipin mo, ganoon siya kalapit sa tanghal na bayani ng Bulacan at, di gaya ng iilang beses na pagkikita nila ni Luna, wala siyang natutuhan kay Goyo na mayroon din namang makabayang tiyuhing si Marcelo del Pilar?

Paano ba maging isang 23-anyos na si Goyo sa panahong iyon? Nasabi nga ni Lourd De Veyra sa kanyang programa, “naglalaro lang ng DOTA o naghahanap ng trabaho” ang edad na iyan. Ganyan din kaya ang pananaw nina Jerrold Tarog at Rody Vera nang sulatin nila ang pelikula? Isa bang milenyal ang tingin nila kay Goyo? Tila ganyan nga kung ibabatay sa hilaw na pagganap nina Paulo Avelino (Gregorio del Pilar), Rafa Siguion-Reyna (Colonel Julian del Pilar), at Carlo Aquino (Colonel Vicente Enríquez) bilang mga pamoso pa manding opisyal ng hukbong sandatahan na kung tutuusin, ay galing pa sa hindi matatawarang karanasan sa rebolusyon laban sa mga Kastila.

Base sa napanood ko, tatlo ang habla ng pelikula sa katauhan ni Goyo: una, na siya ay bata; ikalawa, na siya ay tapat kay Aguinaldo; at ikatlo, na siya ay babaero. Naging kahinaan ng pelikula ang mababaw na atake sa karakter ni Goyo. Sa palagay ko’y pumalpak sa aspektong ito ang pelikula dahil sa maling sikolohiya ng batang heneral. Sa kabila ng maipagmamapuring disenyo ng produksyon, hindi nito napalutang ang mga katangiang maaaring taglayin lang ng mga taong nabuhay sa masalimuot na yugtong iyon–na nagwawakas ang mahigit 300 taong pagkaalipin sa mga Kastila habang nakaamba naman ang isang bagong pakikibaka sa napipintong digmaan ng batang republika laban sa bagong imperyalistang superpower ng mundo. Ang ganoon kahigpit na panahon ay maaari lamang magluwal ng mga taong may kakaibang tigas ng kalooban, kawalan ng takot, at kalupitan (tulad ng ipamamalas ng mga mamamayan ng Balangiga halos dalawang taon mula sa labanan sa Pasong Tirad).

Para matulungan tayong isipin ang tamang katauhan ni Goyo, puwede nating tanungin ang matatandang may gulang na hindi bababa sa 70 o kaedad ni Pangulong Duterte. Madalas ko itong marinig kay inay habang lumalaki kaming magkakapatid, “Marami na akong responsibilidad noong kaedad n’yo ako.” Sa katunayan, nag-aasawa na noon ang mga lalaki sa edad na disinuwebe (19) at ang mga babae mula sa edad na disesais (16). Kuu! Napakalayo ng katangian ng ating mga ina sa ganoong edad sa mga tinedyer ngayon na wala pang kamuwang-muwang sa buhay. Kapag lagpas ka na sa kalendaryo, ibig sabihi’y lampas sa edad na 31 at wala pang asawa, matanda ka nang binata o dalaga.

Nang mamatay si del Pilar, hindi pa siya matandang binata pero talagang isa na siyang ganap na binatang taring sa gulang na 24–edad na humihingi ng kaukulang kagulangan o maturity na hindi ko nakita sa pelikula. Napakababaw lang na butas kung tutuusin, hindi ba? Ngunit dahil dito’y hindi nabigyan ng hustisya ang karakter ni Goyo. Naiwasan naman sana ito kung isinaalang-alang ang matinding pagkakaiba ng henerasyon noon at henerasyon ngayon at iba pang konsiderasyong nabanggit ko na. Sinisino natin ang ating mga bayani sa kanilang mga edad na tila naroon ang huwisyo, ang lakas o kahinaan, gayong sa oras ng pakikitalad, wala nang bata-bata pagkat ang bawat isa ay nasa dulo na ng kaniyang taglay na buhay. Hindi ko maisip kung gaano kaimportanteng maging bata si Goyo sa ating paningin sa layuning ibaba sa pedestal ang personalidad na pinag-alayan niya ng katapatan. Maaaring nagtagumpay ang pelikula na buksan ang argumento ng maling pamumuno sa rebolusyon, sa pamamagitan ng pagpapahid ng di-kakaunting dungis sa mukha ng kinagisnan at inidolo nating kabayanihan, ngunit nasaan ang ipinamamansag na hustisyang historikal?

Sa panahong ito ng sosyal midya, at sa gitna ng hindi palabasang publiko, mas malaki ang pananagutan ng sining biswal gaya ng pelikula sa matapat at parehas na pagtatanghal ng kasaysayan. Ang yugto ng kasaysayang kinatampukan ni Goyo, partikular na ang Digmaang Filipino-Amerikano, ay ni hindi nababatid ng karamihan sa ating mga kababayan, lalo na ng mga kabataan. Sa matagal na panahon, namulat silang “kaibigan natin” at hindi “naging kaaway” ang mga Amerikano. Sa katunayan, ang “panahong kopong-kopong” ay kagyat na sinusundan ng “panahon ng Hapon” sa mga kuwentuhan–wala namang “panahon ng Kano.” Bukambibig nila ang mga nakagora’t itak na katipunero ngunit hindi ang mga naka-rayadilyong opisyal at kawal ng republika (an’yare?). Nakikidalamhati ang iba sa mga Hudyo dahil sa holocaust habang hindi nila batid ang genocide ng liping Filipino sa kauna-unahang digmaang imperyalistiko ng mga Amerikano. Ang pagbura sa kasaysayan ng Unang Republika sa gunita ng ating mga kababayan ay sistematikong naisagawa sa pamamagitan ng propagandang kadikit ng kolonyal na edukasyon. Hindi kaya ganoon din ang nangyari sa likod ng ating mga prehuwisyo o masamang pagtingin sa mga lider ng rebolusyon?

Aywan ko kung dahil sa kasahulan ng pag-arte o pagod na ang direktor na gabayan ang nalalabing tagpo, pero sa dulo ng pelikula, matapos silang pahirapan at ilagay sa bingit ng kamatayan ng ilang tiwaling Filipinong pinamunuan ni Goyo sa makitid at mapanganib na Pasong Tirad, makikita natin si Major Peyton March (Jason Dewey) ng mga tropang Amerikano na “maamong” ginagabayan ang mga ginoo at binibining hinahanap ang huling hantungan ng heneral. Habang bugbog na bugbog tayo sa pelikula dahil sa malabis na pagsuri sa sarili, ganyan pa natin ilarawan ang mga dayuhang bumansot sa pagyabong ng ating pagka-Filipino. Dumaragdag ang tagpong ito sa mahinang sensibilidad ng pelikula kaugnay ng nasyonalismo (wala yatang pagkamakabayan, o ni damdamin ay wala, ang mga tauhan sa pelikula). Napahapyawan din ang pagmamaliit sa mga katutubo sa hukbo ni Aguinaldo, na iminumungkahing dahilan ng kanilang pagtulong sa tumutugis na mga Amerikano, ngunit hindi ito nabigyan ng tamang atensyon sa iskrip at, kasama ng pangit na biswal ng odyssey ni Aguinaldo at ng mismong labanan sa Pasong Tirad, dagdag pa sa kahinaan ng pelikula.

Siguro, upang hindi masabing “walang puso” ang produksyon, tinangka nitong sagipin ang pagkatao ni Goyo bago nito isara ang tabing ng pelikula. Ngayo’y si del Pilar na, ang bayani, ang nagsasalita sa huling liham niya kay Remedios, at sa madaling sabi, siya na rin nga ang sumagip sa kanyang sarili. Salamat kay Mabini, ang kanyang konteksto ang sumagip naman sa kabuuan ng pelikula. Sino ba naman tayo para pasubalian ang kanyang mga sinabi? Hinahamon tayo ng pelikula sa pamamagitan ng tinig ni Mabini, ngunit hindi gaya ni Mabini, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Tulad ng ginawa ni Joven, halwatin natin ang mga ebidensya, higit sa mga tendensya, upang sa wakas, mahanap natin ang wastong kasagutan sa tanong ng ating mga anak.

 

 Goyo: Ang Batang Heneral (2018) on IMDb

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x