Martial Law Kid

Martial Law Kid | Kabanata 14

Habang tumatagal ang brownout, humahaba ang mga usapan tungkol sa aswang, ang kulto ni Fermina, at pati na ang gabi-gabing pagroronda ng mga barangay tanod. Marami na raw nakakita. Marami rin daw na muntik nang mabiktima. Pero wala pa silang nahuhuli, liban sa ilang aso, pusa at baboy-damong ikinulong at pinakawalan din nila nang mataas na ang sikat ng araw at hindi pa rin naging tao. Kinatay at pinaghati-hatian ng mga tanod ang baboy-damo para maiuwi sa kanilang mga pamilya. Iyon na ang kahuli-hulihang baboy-damong nahuli sa aming lugar.

Minsan, may uwing dyaryo si Kuya Pio, at dahil medyo nakababasa na ako, nalaman ko ang tungkol sa balitang may nahuli raw na tikbalang sa Candelaria, Quezon. Totoo kaya iyon? Siguro, inuusyoso na siyang maigi ng mga tao: may mukha ng kabayo at katawan ng tao. Ano kayang itsura niya sa malapitan?

Sabado, habang naglalaro kami sa labas, iyon pa rin ang usapan ng mga kapitbahay namin. Doon sila naiipon sa kabilang sampalukan, habang ang isa’y nananalbos (kumukuha ng mura o sariwang dahon) bilang pampalasa sa bulanglang (pinabulakan lang) na papaya, o namimitas ng panuka (pansuka o pampaasim) sa sinaing na tulingan. Bago kami magtakbuhan palayo, nakita ko roon ang Kakang Haning, asawa ng Kakang Isyo; ang Tia Juliana, asawa ng Tio Jose; ang Tia Pacita at ang Ka Kayang na mga kababata ni inay.

“D’un sa Matala, wakwak daw ang tiyan e, at wala ang laman-loob,” kwento ng Ka Kayang.

“Tatlong baka raw iyon,” sabi ng Tia Pacita.

“Bukod pa ga iyon sa balita n’ung isang araw? Iyong hinabol daw ng may-ari pero naging malaking aso na pulang pula ang mata,” tanong ng Kakang Haning.

“Iba pa iyon!” sagot ng Tia Pacita.

“Buti’t wala pa rito sa atin,” sabi ng Tia Juliana.

“Meron na. N’ung isang gabi e may hinabol ang mga tanod na malaking baboy daw,” kwento uli ng Ka Kayang.

“Hindi ga iyon na ngang baboy-damo?” tanong uli ng Kakang Haning.

“Iba pa iyon!” sagot uli ng Tia Pacita.

Hindi ko na alam kung saan nauwi ang kanilang pulong dahil nagtakbuhan na nga kami nang makabalik si Alex Pacita galing sa kasilyas (kubeta).

Pagdating namin sa aming sampalukan, saka ko lang nalaman ang isang nakagigimbal na balita: WALA NANG VOLTES V!

“Ha? Wala na? Ano’ng nangyari? Tapos na?” sunod-sunod na tanong ko.

“Hindi mo alam? Sira pa ga ang TV n’yo?” tanong naman ni Alex Pacita.

“Kaya nga nakikipanood lang ako kina Alex e, o kaya sa mga Tia Juliana sa tapat namin, kapag bukas. Pero ilang araw ko nang hindi napapanood. Namumura kasi ako ni inay, kasi hapon na.”

“Wala na raw. Sabi ni Tatay, inalis daw ni Marcos,” giit ni Alex Doding.

Grabe naman si Marcos, isip ko.

“Kasi raw puro bakbakan!” dugtong pa niya.

“E maano naman, kartun lang naman y’on. Bakit y’ong sine tungkol kay Marcos? Nagbabarilan din y’on. Bakbakan din y’on,” sabi ko.

“Salbahe talaga si Marcos! Hindi n’yo lang alam…” sabad ni Ide. Sa aming lahat, si Ide lang ang hindi talaga tagarito. Tumira lang sila malapit sa sampalukan, kaya naging kalaro na rin namin. Ang tatay niya, si Ka Temyong, malimit nasa Bikol. Minsan, sila lang mag-ate ang naiiwan sa bahay. Maraming naririnig na kwento sa kanyang tatay si Ide kapag galing Bikol ito. Marami raw en-pi-ey d’un.

“Naku! Huwag mong sabihin ‘yan! Huhulihin ka ng PC!” saway ni Alex Doding.

Tiyempong dumaan sa tapat namin, nakauniporme ng kaki, si Ka Selmo, ang kapitbahay naming PC! Tahimik kaming lahat na nakatingala sa kanya. Bahagyang ngumiti ang matanda.

“Iyan!” basag ni Alex Doding nang mawala sa paningin namin si Ka Selmo. “Ano’ng sinasabi mo d’yan kanina, Ide? Huhulihin ka ni Marcos!” tukso nito.

Tumakbong pauwi si Ide sa kanilang bahay sa di kalayuan. Si Alex naman ang aming ginisa.

“Iyan, nagalit si Ide! Ikaw kasi…” ani Alex Pacita.

“E, tunay naman ang sinasabi ko a! Kalaban ng PC ang en-pi-ey! Hindi n’yo naman kasi alam e…”

Mataas na ang sikat ng araw, at naririnig na namin ang mga tinig ng aming mga ina na tumatawag ng pananghalian, kaya nagkanya-kanya na kami ng takbo pauwi.

Balik na naman kami sa normal sa tanghalian – wala uli si tatay. Siguro, nasa luwasan na uli, sa malalayong lugar na nabanggit ko na. Hindi gaya ni inay, walang tiyak na araw kung kailan aalis si Tatay. Basta mamamalayan ko na lang, wala na siya.

Kumpleto kami ngayong magkakapatid. Umalis daw sa trabaho si Kuya Pio dahil may nakagalit. Nagprapraktis nang maging dentista si Kuya Pepe. Isang kamag-anak namin sa Bungahan ang una niyang binunutan at ginawan ng pustiso.

“Huwag ka munang layas nang layas. Mahirap ang panahon ngayon,” sabi ni inay sa akin.

Lalo na ngayong wala na si Voltes V, naisip ko. Bakit pati kartun pinag-iinitan ni Marcos? Kahit paano, kahit sira ang aming TV, nakakasingit akong manood sa kapitbahay. Saka mas masaya kina Alex Doding. May sorpresa pang meryenda na hindi ko pa natitikman, kapag naaabutan ako roon ng pagdating ni Kuya Tony sakay ng kanyang tumetengteng na oner.

“Panggabi pa naman ako,” sabi ni Ate Mavic.

“Ano na ga’ng nangyari sa kulto ni Fermina?” tanong ni Kuya Pio.

“Ala, dumami na nga raw. Matitigan ka lang daw ng mga iyon ay sasama ka na,” sagot ni Ate Mavic.

“Sabi ng kaklase kong taga-Salaban, saradong sarado na raw ang mga bahay doon pagpatak ng alas sais. Kasi, gumagala raw ang mga miyembro ng kulto. Tapos, y’ong tuklong daw e sila na ang gumagamit,” kwento ni Ate Mabel.

“Sus, totoo ga naman y’on?” pakli ni Ate Malou.

“Totoo! Balita nga e may nakitang patay na bungo na lang ang mukha. Para raw kinabkab,” sagot ni Ate Mabel.

“Itigil n’yo nga ‘yan! Kumakain tayo,” saway ni inay.

Tumayo na si Kuya Ding. Madali siyang mawalan ng gana kapag ang usapan ay patay at tae.

“Ay naku… kung ano-ano kasing pinag-uusapan sa harap ng pagkain,” sabi ni inay.

Tameme bigla si Ate Mabel na inismiran ni Ate Malou.

“Inay, paabangan n’yo ako sa kanto kapag uwian. Kadilim-dilim pa naman dahil laging walang power,” sabi ni Ate Mavic.

Totoong totoo sa isip ko ang panganib sa likod ng kanilang pinag-uusapan. Iba pala kapag sa matatanda mo maririnig ang mga bagay na bahagi lang ng aming laro. Nagsimula akong makaramdam ng pangamba.

Halatang apektado kaming lahat ng mga bali-balita tungkol sa aswang at kulto. May araw pa, hindi pa tumutunog ang orasyon, nagkaayawan na agad. Pati ang dilim, tila nagmamadaling lumatag kasunod ng pagsisindi ng mga garapa. Mabilis ding natatapos ang hapunan, at parang gusto ko nang magmakaawa habang ibinubuka ni inay ang nakarolyong banig sa aming sahig, hudyat ng mahaba at malagim na gabi ng isang gising pa’y kailangang pumikit na, sa takot mamalayang lahat ay tulog na.

Lumalala ang mga balita. Kung dati, mga baka lang, ngayon, isa namang hindi kilalang lalaki ang nakitang patay sa ilalim ng tulay ng Sabang. Hubo’t hubad daw at nakagapos ang lalaki. Hindi aswang ang may gawa. Noon ko unang narinig ang salitang sal-beyds.

Pagsapit ng Lunes, halos lumiban (umabsent) na si Ate Mavic, lalo’t parang uulan pa. Pero wala siyang magawa dahil may exam daw siya sa a-kawn-ting, kung anuman y’on.

Nangangalahati pa lang kaming maglakad paiskul nang biglang umulan. Basa agad ang aming mga bag kahit dali-dali kaming nagsuot ng mga kapote. Kulay asul at amoy na amoy plastik ang kapote ko, parang amoy ng mga laruan.

Hanggang taynga ang ngiti ng lahat sa iskul kahit lumalakas pa ang ulan. Bakit kaya? Palibhasa kasi, matagal nang walang kuryente, wala halos nakabalitang may bagyo pala, at kapapasok lang nito sa aming probinsya. Sa amin, nang mga panahong iyon, kusa na lang dumarating ang bagyo nang walang pasabi.

Ipinamigay lang ang nutriban (nutri-bun) na may kasamang nakaplastik na coco jam, at pinayagan na kaming makauwi. Parang pumunta lang kami sa iskul para kumuha ng tinapay. Ayos na rin, may mamemeryenda ako mamaya.

Sobrang lakas ng ulan at hangin nang naglalakad kami pauwi. Nasa likod namin ang isang titser na sinubaybayan kami hanggang makarating sa kabayanan. Para kaming mahahabang prusisyon sa magkabilang gilid ng daan, biglang nagsisigawan kapag natitilamsikan ng tubig at putik mula sa mga lubak na dinaraanan ng mga sasakyan. Sinasadya pa naming maglakad at sagasain ang mumunting baha sa daan, patalun-talon at patakbo-takbo. Basang basa na ang rubber shoes ni Alex Doding. Nakatsinelas lang ako, pati sina Alex Pacita at Ide. Magkakaiba kami ng seksyon pero sabay-sabay pa kaming umuuwi noon.

Buong araw na bumuhos ang ulan. May nilutong samporado (champorado) si Inay nang bago humapon. Pinatuluan niya iyon ng kondensada nang paikot sa ibabaw. Gustong gusto niyang ulaman ito ng hawot (tuyo).

Iniisip ni Inay kung may pasok pa rin si Ate Mavic kahit may bagyo, kasi hindi pa siya umuwi. Kabilin-bilinan niya kina Kuya Pio at Ding na aabangan sa labasan si ate.

Delikado pa naman ngayon. Dapat hindi na siya pumasok,” sabi ni inay na halatang ninenerbyos.

Alas nwebe raw ang labas ni Ate Mavic. Alas syete pa lang, nasa kanto na sina kuya. Kahit daw maikli lang naman ang kalehon, mahirap na raw magbakasakali. Pagala-gala raw ang masasamang loob, kung hindi man aswang o miyembro ng kulto. Bumalik sa isip ko ang sinasabi ni Ate Mabel tungkol sa natagpuang bangkay na bungo na lang ang mukha na parang kinabkab ng matatalim na ngipin.

Pinatulog na kami ni Inay habang nag-aalalang hinihintay si Ate Mavic. Ewan ko, pero masarap sa pandinig ko ang ulan sa labas. Hindi iyon nakatatakot, di tulad ng katahimikan.

Sunod-sunod na katok ang gumising sa amin, pati kay Inay na nakatulog na rin pala. “Mag-aalas dyes na…” dinig kong sabi ni Inay. Pagbukas ng pinto, hangos na pumasok si Ate, kasunod sina kuya, at biglang humagulgol kay Inay.

Buti na lang, wala pa ring pasok kinabukasan. Saka lang naging malinaw ang kwento kung bakit umiiyak si Ate Mavic nang umuwi kagabi. Sabi niya, dahil wala ngang pasok, hindi raw dumating ang serbis nilang dyip. Mga sampu raw silang estudyante na walang masakyan. Bumabagyo at gumagabi na, gutom na gutom na siya at wala kahit isang bumibiyaheng dyip na pauwi. Hanggang doon, balitang balita ang mga gawain ng kulto rito, kaya hindi rin mapakiusapan ang mga traysikel, bukod sa napakalayo at puro lubak ang daan. Kung wala pang napadaang biyahero na nagpasuno sa kanila, hindi niya alam kung paano uuwi, o kung saan siya magpapalipas ng gabi sa gitna ng bagyo.

Takot na takot ako… Kahirap na talaga rito sa atin. Hindi mo talaga alam kung ano’ng kinatatakutan mo,” sabi ni Ate Mavic.

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x