Pamayanan

Ang Ating Sigaw: MABANGONG IBAAN

Kung may isang pangunahing suliranin ang ating bayan, ito na ang maruming katubigan. Hindi ito maitatanggi ninuman, gayunma’y isa itong katotohanang ipinagkikibit-balikat lamang ng karamihan.

Balewala sa kanila na maitim ang umaagos na tubig, kung umaagos pa ito, sa ating mga ilog. Balewala sa kanila ang toxic na samyo nitong sumasama sa hanging hinihinga natin. Balewala sa kanila ang baho at ang perwisyong naidudulot ng isang iresponsableng magbababoy sa kanyang komunidad. Balewala sa kanila na maraming chlorine ang tubig na kanilang iniinom.

Inabot ko pang malinis-linis ang ating mga ilog nang mga dekada 70 at 80. Araw-araw itong bahagi ng aming buhay dahil tuwing umaga, doon kami naglalaba, naliligo at nangunguha ng kangkong na pang-agdong sa aming pananghalian.

Dinarayo noon ng mga karatig-bayan ang ilog sa Bungahan para magkura (magpiknik), lumalangoy at namamalsa roon. Ang mga tagaroon naman ay namamante ng dalag at igat, at nagtataan ng bangon para sa mga hipon.

Noong dekada 90, naipagmamalaki ko pa rin kahit paano ang ating bayan sa mga kaibigan kong manunulat at manggagawang kultural na naaanyayahan kong magbigay ng panayam sa mga guro at mag-aaral. Hindi pa kasingbaho ng ngayon ang simoy ng hangin noon.

Nagpalipas pa nga kami ng gabi ng mga kaklase kong taga-Maynila sa baybayin ng ilog sa Bungahan sa paligid ng isang siga. Napuntahan din namin noon ang bukal sa Sandalan (kumusta na kaya iyon ngayon?) at ang noo’y sikat na Tingga Falls na ngayo’y tigang na.

Hindi pa amoy-baboy noon. Gayunman, hindi na ako nakakalusong sa ilog sa tapat namin. May mga indikasyon na rin noon ng kontaminasyon dahil sa dumaraming babuyan sa mga lugar na malapit dito. Nagiging palasak na sa mga nagkakaperang taga-Ibaan ang bumili ng lupang malapit sa ilog para pagtayuan ng piggery. Menos gastos daw dahil hindi na kailangang magpahukay—diretso na ang tae sa ilog!

Mahigit dalawang dekada pa ang lumipas, luminaw ang kita ng mga magbababoy sa ating bayan ngunit lumabo naman nang pagkalabo-labo ang kalagayan ng ating mga katubigan. Alam na alam natin kung sino-sino ang dapat sisihin at singilin sa kababuyang ito. Ngunit kahit kailan, ni isang lider sa ating bayan, ni isang pari, ni isang edukador, ay hindi nagsalita laban sa katampalasanang ito sa ating kalikasan.

Hindi ba tayo nangingilabot na habang nagsisimba tayo, wala naman tayong ginagawa para pahalagahan ang regalong bigay ng Maykapal? Nasaan ang tunay na pananalig sa bayang ito?

Kaya mananatiling pangunahing agenda ng Klub Iba ang “Mabangong Ibaan”. Hindi natin makakamit ang tunay na kaunlaran kung mananatiling marumi at mabaho ang paligid natin. Ngunit kung mabango ito, halos nakatitiyak tayong “mabunga” rin ang ating pamayanan. Pati mga tao, malilinis din ang kalooban.

Hindi tayo bibitiw sa ating mithiing maisakatuparan ang pangarap na “Clean Water 2025”. Hindi natin tatantanan ang mga MAMBABABOY na iyan. Paiigtingin din natin ang ating “Kilos Kontra Kalat” para turuan ng disiplina ang ating mga mamamayan, mula sa bata hanggang sa matanda, at nang sila’y hindi na dumagdag sa kalbaryo ng Inang Kalikasan.

Kailangang magtagumpay ang ating mga programang mag-aangat sa kalidad ng ating buhay-pamayanan, na may malaking kontribusyon sa pagsulong ng ating mga sarili bilang indibidwal at Filipino. Dahil kung mabibigo tayo ngayon, kawawa naman ang susunod na mga henerasyon.

(2015)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x