Kuro-kuro

Sumama Kami sa Pagwasak o Sumama Ka sa Pagbuo

Pagkakaisa sa Panahon ni Duterte

Ano bang sinasabi mong hinahati ni Duterte ang bansang ito? Nang mag-umpisa siyang mamuno, o makalipas ang eksaktong 30 taon mula sa rali sa EDSA, hindi pa naman tayo naging buo. Kasi, mula noon hanggang ngayon, hindi ka huminto–at hindi rin huminto ang korapsyon at kapalpakan ng gobyerno. Nalimutan mo na yatang nanalo si Duterte sa isang demokratikong eleksyon. Kaya makatwiran at legal na suportahan ang kanyang administrasyon. Ang malinaw: ayaw mong sumama dahil ayaw mo sa kanya. Nahahati tayo–siya ba ang may sala? Kung nakakita ang mayorya ng pag-asa sa kanya, may mali ba sa amin o sa iyong mata? Huwag mo kaming husgahan dahil hindi mo kami kilala. Huwag mo kaming sumbatan kung may nakikita kaming hindi mo makita-kita.

Sabi mo: delikado na ang mamuhay sa panahong ito. Bakit mo naman nasabi ‘yan? Adik ka ba? Drug pusher? Kaaway ng gobyerno? Terorista? Kahit buong araw mo nang laitin at sumpain si Duterte, nalalagay ba sa panganib ang buhay mo? Pakiramdam mo ba, may bumubuntot-buntot sa iyo, may nangtro-troll sa social media account mo? Baka nga ni hindi nababasa ni Duterte o ng mga ahente ng estado ang hate posts mo. Sa palagay mo, gaano ka ba kaimportante? Kung hindi ka masaya sa nangyayari, kailangan mo ba kaming kumbinsihin sa kalungkutan mo? Isang bansa lang naman tayo. Kung ayaw mo ng nakikita naming pagbabago (mas panatag na pamayanan, mas maayos na imprastraktura, mas mabilis na transportasyon, mas malayang ugnayang panlabas–malaya mula sa pakikialam ng US) siguro ay hindi mo talaga kailangan ito.

Pero tama bang balewalain ang magagandang balita? Mas tama bang mag-abang at magpakalat ng makasisira? Ano ba ang kahulugan ng pagkakaisa sa iyo? Ang sumama kami sa iyo sa pagwasak, o ang sumama ka sa amin sa pagbuo?

 

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x